“Umalis ka na naman sa trabaho mo? Pang ilang trabaho mo na ba ‘yan, Georgia?” sigaw ng ina nitong si Aling Carmen.
“Nay, ang hirap po ng trabaho ko. Tapos ang layo pa po. Maghahanap na lang po ako ng ibang trabaho,” nagmamaktol nitong tugon.
“Iyan din ang sinabi mo sa akin sa mga nakalipas mong trabaho. Aba, Georgia, walang madali sa panahon ngayon. Ano ang gusto mo, pagawain ka lamang ng simpleng mga bagay tapos ay swelduhan ka ng malaki? Kung sana ba naman ay ubod ka ng husay. Kaso nga pagwawalis nga sa pamamahay natin ay hindi mo magawa,” patuloy sa pagbubunganga ang ginang.
Paano ba naman kasi ay hindi na mabilang sa mga daliri ang napasukan at inayawang trabaho itong si Georgia. Lagi niyang dinadahilan ang hirap ng kaniyang trabaho sa gayong dalawang taon lamang sa kolehiyo ang kaniyang inabot.
“Madali na lang po ako makakakuha ng trabaho, ‘nay. Sa ngayon, huwag muna kayong magsermon diyan at ang hirap ng pinagdaanan ko ngayong araw. Hindi nyo kasi alam ang hirap sa pagsakay sa Maynila dahil hindi naman kayo lumuluwas,” depensa ni Georgia.
“E noong umalis ka sa trabaho mo bago ‘yang inalisan mo ngayon, ang sabi mo mas nakakahanap ka ng mas magandang sahod kapag nagtrabaho ka sa Maynila. Ngayon naman nagrereklamo ka diyan na mahirap ang pagpasok,” bulalas ng ina.
“Hindi ko maintindihan sa mga kabataan ngayon. Ang gusto niyo lahat ay instant. Lahat ilalapit na lamang sa inyo. Paano ka magkakaroon ng magandang buhay kung tatamad-tamad ka?!” patuloy pa rin sa pagbubunganga si Aling Carmen habang si Georgia ay tuluyan nang pumasok sa kaniyang silid upang magpahinga.
Ilang araw ang nakalipas at nagsimula na namang mag-apply ang dalaga sa ibang trabaho. Upang hindi mapansin na kung saan-saan kumpanya na siya napasok ay tanging magagandang record lamang ang kaniyang inilalahad sa kaniyang resume.
Ngunit dalawang linggo na ang nakakalipas at wala pa ring tawag na natatanggap si Georgia mula sa mga tanggapan.
“Akala ko ba ay madali na lamang ang paghahanap sa’yo ngayon ng trabaho? Aba, Georgia, para sabihin ko sa’yo dalawang linggo ka nang nakatunganga sa bahay na ‘to! Hindi madali para sa amin ng tatay mo na kumita ng pera. Sana sa edad mong ‘yan ay matuto ka nang kumilos at tulungan kami,’ saad ni Aling Carmen.
“Nanay naman! Ang aga-aga nakasermon na naman kayo, eh! Hindi pa nga ako nag-aalmusal. Saka alam kong dalawang linggo na akong walang trabaho kasi araw-araw niyong pinapamukha sa akin ‘yan!” naiinis niyang sambit.
“Georgia, ikaw na lamang ang inaasahan namin ng tatay mo. Sana sa pagkakataong ito ay makatulong ka sa amin. Kung makakahanap ka ng trabaho ay sana’y pagbutihan mo na. At nawa ay magtagal ka na rin. Hindi naman para lamang sa amin kung hindi para na rin sa kinabukasan mo,” halos pagod na ang ginang na paalalahanan ang anak.
Dahil sa inis ay minabuti na lamang ni Georgia na umalis ng bahay at maghanap ng mapapasukang trabaho kahit panandalian lamang hanggang matawagan siya at makapasok ng tuluyan sa gusto niyang hanapbuhay.
“Hay, kapag ako talaga nagkaroon ng magandang trabaho ay bibili agad ako ng kotse. Napakainit at napakahirap ang siksikan lagi sa mga pampublikong sasakyan. Ngayon pa lamang ay tagaktak na ang pawis ko,” sambit ni Georgia sa kaniyang sarili.
Hapon na at tila hindi na sinuwerte pa si Georgia na matanggap sa trabaho. Kung hindi kasi walang bakante ay tatawagan na lamang daw siya para sa interbyu.
“Hay, naku! Inabot na tuloy ako ng gabi. Mukhang uulan pa ata!” naiinis nitong sabi. “Bakit kasi ang hirap maghanap ng trabaho! Tapos pagdating ko sa bahay sesermunan na naman ako ng nanay ko!” sambit niya muli sa sarili.
Hanggang tuluyan na ngang bumuhos ang ulan. Sa kaniyang pagmamadali ay nabunggo niya ang isang nangangalakal na may bitbit na sako ng kaniyang mga nakuha.
“Bakit kasi kayo paharang-harang dito? Ayan tuloy nabunggo ko kayo!” inis niyang wika.
“Pasensiya ka na, ine. Wala kasi akong payong at hirap ako sa paglalakad. Pasensya na kung nadumihan ang suot mo,” paghingi ng paumanhin nito.
Pagtingin ni Georgia ay lubusan ang kaniyang hiya nang makita ang isang pilay na matanda na patuloy ang pagtatrabaho sa gitna ng ulan.
“P-pasensya na kayo sa mga nasabi ko. Hindi ko po sinasadya,” nahihiyang wika ng dalaga.
“B-bakit hindi pa po kayo umuuwi? Dapat ang katulad ninyo na may edad na at may kapansanan ay nasa bahay na lamang po,” saad niya.
“Naku, ine, hindi maaari. Kailangan kong makarami ng kalakal sapagkat may gamot na kinakailangan ang aking asawa. Kailangan kong kumita para may pambili rin kami ng pagkain,” tugon ng matanda. “Kaya kahit ganito ang aking kalagayan ay tuloy pa rin sa pagkayod. Malakas pa naman ako at kayang-kaya ko pa,” dagdag pa nito.
Lubusan ang naramdamang hiya ni Georgia sa kaniyang sarili. Dito niya napagtanto na maswerte siyang hamak kumpara sa ibang tao. Alam niyang kung maaari lamang makipagpalit ng pwesto sa kaniya ang matanda ay ginawa na nito upang mas kaya niya pang kumayod para sa asawang may sakit.
Dahil dito ay nag-iba ang pananaw ng dalaga sa kaniyang buhay. Kinabukasan ay maaga siyang gumising at naghanap muli ng trabaho. Sa pagkakataong ito ay walang kahit anong reklamong lumabas sa kaniyang bibig at sinisigurado niya na kung matatanggap siya ay pagbubutihin niya at ibibigay niya ang lahat upang umunlad ang kanilang buhay.
Hindi nagtagal ay nakahanap na ng maayos na mapapasukan si Georgia. Kahit mahirap ang kaniyang trabaho sa pabrika ay hindi na siya nagrereklamo. Tuwing madadaan siya sa lugar na iyon ay palagi niyang hinahanap ang matandang lalaking pilay na nakita niya habang umuulan upang sa gayon ay makapagpasalamat siya at mabigyan niya ito ng tulong kahit papaano.