Inday TrendingInday Trending
Tiwaling Kapitan

Tiwaling Kapitan

“Aba siyempre naman, gov! Sisiguraduhin ko pong makakarating ang pinadala niyong cash sa aking mga kabarangay. Maasahan niyo po!” Sabi ni Kapitan Doni sa kausap nito sa telepono. Kung makatawa ay halata mo na tuwang-tuwa sa bagong dating na biyaya sa kanilang barangay.

“Magkano raw ang ibibigay ni gov?” Natatarantang sabi naman ng asawa nitong si Mirasol na nakikinig pala sa usapan.

“Malaki-laking halaga, hon! Jackpot na naman tayo!” Sabi ni kap na sabay akbay pa sa asawang napapatalon pa sa tuwa.

“Hay naku! Maipa-rebond na nga itong buhok ko,” sabi pa ng ginang.

Hindi alam ng mag-asawa na naririnig pala ng kanilang bente anyos na anak na si Nadinel ang lahat ng kanilang usapan. Nasusuklam ito sa korapsyon ng mga magulang ngunit wala iting magawa. Lagi niyang naririnig sa mga kaklase niya na nananalo lang daw sa botohan ang ama niya dahil sa pandaraya nito. Hindi na natiis ng dalaga ang hagikgikan ng mga magulang.

“Ma! Pa! Wala na ba talaga kayong konsensya? Maraming tao ang nangangailangan niyang perang iyan dahil sa krisis, tapos ni hindi niyo man lang ipamimigay?!” Inis na sigaw ni Nadine.

“Aba itong batang ito! Hindi mo ba alam na dito galing iyang gamit mong laptop at cellphone aber? Makapagsalita ka ha?!” ganting sigaw ni Mirasol sa anak.

“Hija, bata ka pa kaya’t di mo pa naiintindihan ang mundo. Teka, ano bang gusto mo at bibilhin ni papa para sa’yo,” pang-aalo naman ng kapitan sa kinagigiliwang anak.

“Ewan ko sa inyo! Diyos na ang bahala sa inyo!” Galit na sabi ni Nadine saka nagdadabog na pumasok sa kwarto nito.

Lumipas nga ang mga araw at tuloy tuloy ang dating ng mga biyaya na para sana sa mga kabarangay. Ngunit laging hinaharang ng tiwaling kapitan at asawa nito. Bilang pakitang tao ay bumibili naman ng relief goods ang kapitan. Ngunit higit pa sa kalahati ang ibinubulsa nito kaysa sa ibinibigay. Maraming kabarangay na nila ang nakadarama ng gutom ngunit walang magawa sapagkat sadyang makapangyarihan si Kapitan Dino sa lugar.

Hanggang isang araw ay inani nga ng mag-asawa ang itinanim na kasamaan.

“Hon, ipagtimpla mo nga ako ng kape. Parang masama ang pakiramdam ko.” Isang araw ay utos ng kapitan sa asawa.

“Aba’y nung isang araw pa iyan ah,” nag-aalalang sabi ni Mirasol. Kinapa niya ang noo ng asawa at kumpirmadong may mataas na lagnat nga ito. Likas sa ginang ang pagiging OA nito kaya’t ‘di na kagulat-gulat ang biglang palahaw nito na parang bata.

“Dino! Naku! Sabi ko na nga ba’t ‘di ka na dapat nagtatrabaho eh. Sa tingin ko ay may COVID ka… paano na kami ng anak mo,” iyak nito na parang mawawala na ang asawa.

Napahangos naman si Nadine nang marinig ang malakas na sigaw ng ina. May galit man siya sa ama ay labis ang kaniyang pag-aalala nang makitang hinang-hina ito at inaapoy ng lagnat. Dahil sa paghihisterikal ay pati mga kapitbahay nila ay nalaman nang may sakit si Dino.

Mabilis na kumalat ang balita sa buong barangay. Nang kunin ng ambulansya ang kapitan ay maraming tao ang nakatunghay mula sa kani-kanilang bintana. Ang iba ay nagbubulungan pa.

“Kawawa naman si kap…” sabi ng isa.

“Anong kawawa?! Tayo ang kawawa dahil hindi niya pinaaabot ang tulong para sa atin! Mabuti nga sa kaniya…” pabulong ngunit madiing sabi naman ng isa pa.

Parang balo naman kung maka-iyak si Mirasol. Naririnig niya ang mga bulong-bulungan kaya’t lalo siyang napa-iyak.

Tuluyan na ngang dinala ang buong pamilya sa ospital upang doon magpagaling ang kapitan, at upang tingnan kung tuluyan ngang nahawa ang mag-ina. Habang nasa ospital ay napuno ng pagsisisi ang mag-asawa.

“Ito ang karma sa akin… napakasama ko sa aking mga kabarangay. Patawarin sana ako ng Diyos…” iyak ni Kapitan Dino.

Hindi naman napigilan ni Nadine na mapaiyak din dahil sa sinapit ng kaniyang pamilya.

“Hindi pa naman huli ang lahat, papa. Maaari ka pang humingi ng tawad una sa Panginoon, sunod ay sa mga kabarangay natin,” pagpapagaang ng loob ni Nadine nang isang beses na makausap ang ama.

Simula noon ay sinubukan ng kapitan na baguhin ang kaniyang mga maling nagawa. Sa pamamagitan ng isang tawag ay ipinagkatiwala niya sa kaniyang sekretarya ang pamimigay ng relief goods. Ipinasa niya dito ang lahat ng ibinulsang salapi na dapat naman talaga ay tulong para sa kaniyang mga kabarangay.

Naisagawa ng maayos ang pamimigay ng donasyon. Kahit nasa ospital ang kapitan ay sinisiguro niyang wala nang katiwaliang nangyayari sa barangay. Natamasa ng mga tao ang tulong pinansyal at pati na mga pagkain.

Habang nasa ospital ay nakatatanggap si Kapitan Dino hindi na ng mga chismis tungkol sa kaniya kung hindi ng mga sulat mula sa kaniyang mga kabarangay. May mga sulat na nagpapasalamat sa tulong, at ang iba naman ay pinalalakas ang kaniyang loob na lumaban sa sakit at magpagaling. Doon napagtanto ni Kapitan Dino na tunay ngang leksiyon iyon ng Maykapal sa kaniya upang muli niyang maituwid hindi lang ang kaniyang pamamalakad kung hindi pati na rin ang kaniyang buhay.

Dahil sa panalangin ng mga kabarangay, at pag-aalaga ng masisipag na nurse at doktor ay mabilis na nakarecover ang kapitan. Pagkalabas sa ospital ay lubos ang pasasalamat ng pamilya sa buong barangay at nangako sa mga itong gagawin ang lahat upang mapagsilbihan sila ng tapat.

Advertisement