“Sabrina!” Masayang tawag ni Abigael sa kaibigan. “May maganda akong kwento sa’yo,” anito habang may malawak na ngiti sa labi.
“Ano na naman ba iyon Abigael?” May himig pagdududang wika ni Sabrina.
“Alam mo duda pa naman ako d’yan sa sinasabi mong magandang kwento. Kasi alam mo naman minsan wala kang kwentang kausap,” natatawang dugtong pa ni Sabrina.
“Promise maganda ito!” Kumpiyansang wika ni Abigael.
Magkaibigan na sina Sabrina at Abigael, mula noong highschool pa lang sila hanggang ngayong may mga trabaho na ay nanatili ang kanilang matibay na samahan. Kung nasaan si Abigael ay nandoon din si Sabrina. Kaya nga binansagan silang dikit tuko dahil sa pagkakaibigan nilang hindi mapapantayan.
“Talaga ba gano’n lang daw kalaki ang alaga ni Marco?” Natatawang sambit ni Sabrina, matapos mag-kwento ni Abigael.
“Oo. Pinagkakalat ni Joyce sa mga kasamahan natin na hindi daw masarap mangromansa si Marco, kasi juts lang daw ang alaga nito.” Tatawa-tawang kwento pa ni Abigael.
Pagdating sa tsismisan, asahan mong isa si Abigael sa magpapakalat no’n sa opisina nila.
Masaya ang samahan nilang dalawa at alam nilang walang kahit sino o ano man ang magpapasira ng friendship na matagal na nilang binuo. Hanggang isang araw ay binisita ang officemate nilang si Karen na pinsan nitong si Troy na agad nagpatawag pansin ni Abigael.
“Makisig siya ‘no? Kaso mukhang walang direksyon ang buhay niya. Alam mo ‘yon, Sabrina? Marami kasi siyang tattoo sa katawan. Parang kay dumi-duming tingnan,” naka-ismid na sambit ni Abigael na agad namang tinutulan ng isa.
“Abigael, hindi por que maraming tattoo ang isang tao ay wala na agad patutunguhan sa buhay. ‘Yong iba kasi, iniisip nilang art ang pagpapa-tattoo at para sa’kin naman ay walang masama roon. Katawan naman nila iyan,” kibit-balikat namang wika ni Sabrina.
“Kahit na. Mas type ko pa rin ‘yong malinis na lalaki,” anito habang nanatili pa ring nakatitig sa pinsan ni Karen.
“Sus! Choosy ka pa. Alam ko namang type mo siya!” Natatawang asar ni Sabrina sa kaibigan.
Kilala na niya si Abigael, lalo na kapag may interes ito sa isang lalaki. At hindi kataka-takang in denial lamang ito sa nararamdaman para sa pinsan ni Karen.
“SABRINA, pwede ko bang ibigay ang cellphone number mo sa pinsan kong si Troy? Gusto ka kasi niyang makilala,” nahihiyang wika ni Karen.
“Ha? B-bakit ako?” Takang tanong ni Sabrina. Baka magalit sa kaniya si Abigael, mukhang gusto pa naman nito ang lalaki. “‘Yong number na lang ni Abigael,” aniya.
“Kaso ikaw ang gusto niya Sabrina e,” maiksing sagot ni Karen.
Kaya walang nagawa si Sabrina kung ‘di ibigay ang cellphone number kay Troy. Kinagihan ay agad siyang nakatanggap ng text mula sa lalaki. Mabait naman si Troy at magalang. Hindi halata sa mga tattoo na taglay nito sa katawan. Kaya agad niya itong nakagaanan ng loob.
Habang papalapit nang papalapit ang loob ni Sabrina kay Troy ay gano’n naman ang paglayo ng loob ni Abigael sa kaniya na hindi niya alam kung anong dahilan. Hindi na siya nito pinapansin at lagi na lang nakasimangot sa t’wing nagkakasalubong sila.
“Abigael, mag-usap nga tayo!” Sindak niya sa kaibigan noong nalaman niyang sinisiraan siya nito sa mga kasamahan nila. “Ano ‘yong pinapakalat mong baog ako at kailanman ay hindi ko mabibigyan ng anak si Troy?”
“Wala akong alam sa sinasabi mo, Sabrina!” Iwas pa nito sa kaniya.
“Hindi mo pwedeng itanggi iyan Abigael, dahil sinabi na sa’kin lahat ni Joyce na ikaw ang nagpapakalat ng impormasyon na iyan!” Galit na wika ni Sabrina. “Hindi ko na kinuwestyon ang pag-iwas mo sa’kin. Pero ang siraan ako at paratangan sa tsismis na hindi totoo? Grabe naman, Abigael! Sobrang laki ba ng kasalanan ko sa’yo?” Mangiyak-iyak na sambit ni Sabrina.
“Ewan ko sa’yo, Sabrina!” Patuloy sa pag-iwas ni Abigael.
“Dahil na ito kay Troy?” Agad niyang tanong sa kaibigan. “Dapat sinabi mo noon na gusto mo si Troy. Binigay ko naman siya sa’yo pero ang sabi mo ayaw mo sa mga kagaya niya. Pero bakit mo ako ginaganito ngayon?”
“Dahil manhid ka, Sabrina. Alam kong alam mo na gusto ko si Troy, pero dahil malandi ka talaga kaya pinaniwala mo ang sarili mo na hindi ko gusto si Troy!” Pag-amin ni Abigael.
“Wala akong nilandi, Abigael!” Mariing sagot ni Sabrina.
“Sus! Kilala kita, Sabrina. Lahat ng lalaking gusto ko ay sa’yo nagkaka-interes kasi malandi ka. Nilalandi mo sila at iyan ang kinaiinisan ko sa’yo kahit noon pa. Feeling mo maganda ka kasi ‘yong mga gusto ko ay napapasa’yo.”
“Gano’n kababaw ang tingin mo sa’kin, Abigael?!” Hindi makapaniwalang sambit ni Sabrina. “Hindi ko sila nilandi, talaga nga lang sa’kin sila interesado. Pero sana kung agad-agad sinasabi mo sa’kin na gusto mo sila handa naman akong magparaya para sa’yo dahil kaibigan kita.
Hindi iyong hinuhusgahan mo na ako kaagad na malandi na para bang wala tayong pinagsamahan sa mahabang panahon,” tumatangis na wika ni Sabrina.
“Alam ko Abigael, na mas kaya ko silang bitawan at mawala kaysa sa’yo. Pero bakit gano’n? Dahil lang sa’kin nagkainteres si Troy, sinayang mo na kaagad ang ilang dekada nating pagkakaibigan? Kinausap mo na lang sana ako. Hindi iyong sisiraan mo ako. Akala ko pa naman ikaw ang mas nakakakilala sa’kin dahil kaibigan kita noon pa man,” patuloy pa rin siya sa pag-iyak.
Sa sobrang sama ng loob ni Sabrina sa kaibigang si Abigael ay nakapag-desisyon na lamang siyang mag-resign para tuluyang makaiwas rito. Hindi niya alam kung kailan niya mapapatawad ang ginawa ni Abigael na paninira sa kaniya. Labis niya itong pinagkatiwalaan bilang matalik na kaibigan kaya hindi niya kailanman naisip na pwede siya nitong traydurin at tirahin ng talikuran.
Kung minsan, kung sino pa ang kaibigan mo ay siya pa ang labis na sisira sa iyo. Kaya maging mapanuri sa pagpili ng iyong magiging mga kaibigan, para sa huli ay hindi ka masasaktan.