Ulila na sa mga magulang si Monalyn. Wala rin siyang kapatid at ang tanging kasama lamang niya sa buhay ay ang dalawa niyang tiyahin na kahit kailan ay hindi siya itinuring na pamangkin.
Bata pa lang siya nang sumakabilang buhay ang nanay at tatay niya kaya nahinto siya sa pag-aaral at nagtinda na lang ng tubig sa kalye para kumita ng pera. Bukod sa kaniya, nakikinabang rin naman sa kaniyang kinikita ang mga tiyahin ngunit hindi kuntento ang mga ito sa barya-barya niyang kinikita.
“Hoy, Mona, wala kang mapapala sa pagtitinda ng tubig. Mabuti pa ay magsayaw ka na lang doon sa casa, tiyak na malaki ang kikitain mo roon. Sumama ka sa amin at doon ka na rin magtrabaho!” utos ng tiyahing si Lorna.
“Oo nga, hindi ka aasenso sa pagtitinda ng tubig. Nasa casa ang suwerte mo kaya mag-apply ka na roon bilang dancer. Siyempre, mas malaki ang kitaan kung magpapa-table ka gaya nang ginagawa namin ni Lorna!” gatol naman ng tiyahing si Amelia.
“Parang awa niyo na po. Ayokong magsayaw sa casa. Mas gusto ko pong magtinda ng tubig. Maayos naman po ang kinikita ko, eh,” pagtanggi niya sa gusto ng mga tiyahin.
“Ayaw mong magtrabaho sa casa? Puwes lumayas ka na lang dito, hindi ka namin kailangan! Aanhin namin ang kakarampot mong kinikita sa pagtitinda ng tubig, eh sa pambili nga ng alak at sigarilyo namin ay kulang pa iyon!” anas ni Amelia.
“Hindi ko po talaga kayang gawin ang ginagawa niyo sa casa. Ayoko rin pong maging dancer,”
“Kung ayaw mong palayasin ka namin, magtrabaho ka sa casa,” banta ni Lorna.
“Sorry po, pero hindi ko po magagawa.”
“Pasensyahan tayo, pero kung ayaw mong sundin ang gusto namin ay makakaalis ka na rito. Lumayas ka! Huwag ka nang babalik, hindi ka na namin kailangan dito!” galit na sambit ni Amelia.
Halos ipagtabuyan siya ng mga tiyahin palabas ng bahay. Wala siyang nagawa kundi ang umalis. Hindi niya masisikmura ang gustong ipagawa sa kaniya ng mga ito. Habang naglalakad sa kalye na bitbit ang
Isang plastic bag na naglalaman ng kaunting damit ay napaisip siya…
“Pinangarap ko rin naman na mabigyan sila ng maayos na buhay, pero ang pinakapangarap ko talaga ay…”
Naputol ang sasabihin niya sa isip nang makita niya ang isang matandang babae na nakatayo sa gilid ng tulay at akmang tatalon.
“Ale, ale, huwag niyo pong gagawin iyan!” sigaw niya.
Napatingin sa kanya ang matandang babae at nagsalita.
“Ayoko nang mabuhay pa. Wala nang nagmamahal sa akin. Namayapa na ang aking asawa, wala kaming naging anak at wala na rin akong ibang kamag-anak. Nag-iisa na lang ako kaya ano pang silbi na mabuhay pa ako,” mangiyak-ngiyak na sabi ng babae.
“Hindi po kayo nag-iisa, narito po ako. Sasamahan ko kayo. Wala na rin po akong mga magulang.
Pinalayas na rin ako ng aking mga tiyahin kaya ako na lang ang kasama niyo.”
Tumigil sa pag-iyak ang matanda.
“Talaga? Sasamahan mo ako?”
“Opo. Ako nga po pala si Monalyn. Simula ngayon ay ako na ang makakasama niyo sa buhay. Ituring niyo na lang akong anak at ituturing ko naman kayo na nanay ko,” aniya.
Nilapitan siya ng matanda at niyakap nang mahigpit.
“’Di ko akalain na may makakasama pa ang matandang gaya ko. Halika, hija at isasama kita sa bahay ko. Sabi mo’y ulila ka na at pinalayas sa inyo? Puwes, doon ka na titira sa bahay ko.”
Sumakay sila sa isang magarang kotse at isinama siya ng matanda sa isang malaki at magandang mansyon.
“Wow, ang laki at ang ganda naman ng bahay niyo!” mangha niyang sabi.
“Ako si Donya Esmeralda. Mama na lang ang itawag mo sa akin, hija. Isa akong negosyante. Isang linggo pa lang na namayapa ang aking asawa, hindi kami biniyayaan ng anak. Sa sobrang lungkot ko sa aking pag-iisa ay naisipan kong magpatiwak*al. Mabuti na lamang at pinigilan mo ako. Salamat at gusto mo akong samahan sa mga natitirang araw sa aking buhay. Mula ngayon ay ituring mo na ako na iyong ina at ituturing din kita na tunay kong anak. Dito ka na titira sa aking bahay kasama ko,” hayag ng matandang babae.
Hindi makapaniwala si Monalyn na ang matandang babaeng iniligtas niya ay isa palang milyonarya.
“Salamat po. Huwag kayong mag-alala. Aalagaan at mamahalin ko kayo na para kong tunay na ina.”
Pagkatapos siyang kupkupin ni Donya Esmeralda ay pinag-aral din siya nito. Hindi niya binigo ang mabait na matanda, pinagbuti niya ang kanyang pag-aaral hanggang nakapagtapos siya sa kolehiyo na may mataas na karangalan. ‘Di nagtagal at isa na rin siyang magaling na negosyante. Siya na ang namamahala sa negosyo ng kanyang ina-inahan.
“Ipinagmamalaki kita, Monalyn. Napalago mo nang husto ang ating negosyo dahil sa angkin mong galing at talino,” masayang sabi ni Donya Esmeralda.
“Utang na loob ko po ito sa inyo, mama, kung anuman ang narating ko. Maraming salamat po sa lahat ng ito.”
“Karapat-dapat lang ang nangyayaring ito sa iyo, hija dahil napakabuti mong anak kahit hindi ako ang iyong tunay na ina. Salamat at ibinigay ka sa akin ng Diyos. I love you, anak!” wika ng Donya.
“I love you, mama!”
“Buweno, magbihis ka at mag-ayos, hija at may pupuntahan tayo. Nais kang makilala ng kaibigan kong si Donya Isabel, kasama niya ang kanyang anak.
“Sige po at magbibihis na ako.”
Ilang minuto lang at narating na nila ang mansyon ni Donya Isabel. Sinalubong sila ng mabait na Donya.
“Esmeralda, mabuti at pinaunlakan ninyo ang paanyaya ko,” bungad ng babae.
“Kumusta ka na, Isabel? Nga pala, ito ang aking anak na si Monalyn. Siya iyong sinabi ko sa iyo.”
“Magandang hapon po. Ikinagagalak ko kayong makilala!” magalang na bati ni Monalyn.
“Ikinagagalak kitang makilala, hija. Napakagandang dalaga pala niya, Esmeralda!”
Maya-maya ay ipinakilala na rin siya ng Donya sa anak nitong binata.
“Rafael, hijo. Si Monalyn, anak ng kaibigan kong si Donya Esmeralda. Monalyn, hija, si Rafael ang aking anak.”
Laking gulat ng lalaki nang makita siya nito.
“Ikaw? Ikaw nga! H-hindi ako maaaring magkamali. Ikaw ‘yung tindera na nagbigay sa akin ng tubig!” gulat na sabi ng binata.
“A-anong ibig mong sabihin, hijo?” naguguluhang tanong ni Donya Isabel.
“Siya po ‘yung tindera ng tubig na nagbigay sa atin ng tubig noong kailangan niyong uminom ng gamot. Wala tayong dalang tubig sa mga oras na iyon, pero binigyan niya ako ng isang bote ng tubig para ipainom sa iyo, mama. Hindi nga po niya tinanggap ang bayad ko,” paliwanag ng binata.
“Ikaw pala iyon, hija? H-hindi kita nakilala. Naku, maraming salamat, napakabuti mo nga talaga!” ‘di makapaniwalang sabi ni Donya Isabel.
“Natatandaan na kita! Ikaw ‘yung lalaking binigyan ko ng tubig. Hindi ko akalain na ikaw pala ang anak ni Donya Isabel!” tugon ni Monalyn sa namamanghang tono.
“Naku, Isabel, magkakilala na pala ang dalawa, eh!” hirit naman ni Donya Esmeralda.
“Oo, nga Esmeralda. At mukhang bagay sila sa isa’t isa, tama ako ‘di ba?” pag-sang ayon ni Donya Isabel sa kaibigan.
“Ako ang kumupkop sa kanya, hijo, dahil wala na siyang mga magulang at pinalayas rin siya ng mga tiyahin niya. Mula noon ay itinuring ko na siyang tunay na anak, ” paliwanag pa ng mabait na Donya.
Mula nang magkakilala sina Monalyn at Rafael ay nag-umpisa nang magkamabutihan ang kanilang mga puso. Naging magkasintahan ang dalawa at ‘di naglaon ay nagpakasal at naging mag-asawa. Biniyayaan sila ng dalawang malulusog na anak. Lumipas pa ang ilang taon at pumanaw na rin si Donya Esmeralda. Ipinamana nito sa kanya ang mansyon, ang lahat ng negosyo’t ari-arian at iba pang kayamanan. Sa isip ni Monalyn ay napakasuwerte niya dahil nakilala niya ang napakabuting Donya na nagbigay sa kanya ng maayos na tahanan, pamumuhay at higit sa lahat, pagmamahal ng isang ina. Sa punto ng buhay niya ay wala na siyang mahihiling pa ngunit bigla niyang naalala ang kanyang dalawang tiyahin. Ipinahanap niya ang mga ito at natuklasan niya na lalong naghirap ang dalawa niyang tiyahin. Napagpasyahan niyang puntahan ang mga ito para dalawin. Nang makita siya ng dalawa ay ‘di makapaniwala ang mga ito.
“M-Monalyn, ikaw na ba ‘yan? Hindi namin akalain na aasenso ka ng ganyan!” gulat na sabi ni Lorna.
“Patawarin mo kami sa ginawa namin sa iyo,” saad ni Amelia.
“Matagal ko na po kayong pinatawad. Kaya nga po ako narito ay para tulungan kayo.”
Inabutan niya ng malaking halaga ang mga tiyahin. Manghang-mangha naman ang mga ito dahil ngayon lang sila nakahawak ng malaking halaga.
“Gamitin niyo ang perang ‘yan para makapagtayo kayo ng maliit na negosyo na maaari niyong pagkakitaan. Sana’y gamitin niyo ‘yan sa tama.”
Napaiyak ang dalawang tiyahin sa ginawa niya.
“Salamat, Mona at hindi mo kami kinalimutan,” maluha-luhang sabi ni Amelia.
“Pasasalamat ko po ‘yan dahil kung hindi ninyo ako pinalayas noon ay hindi matutupad ang aking pangarap. Bata pa lang ako ay pangarap ko nang magkaroon ng pamilya na magmamahal sa akin. Nang akoy maulila, akala ko ay mamahalin ninyo ako gaya ng pagmamahal nina nanay at tatay ngunit mali ako. Kung hindi ninyo ako ipinagtabuyan at pinalayas ay hindi ko makikilala si Donya Esmeralda na itinuring kong pangalawang ina at itinuring akong tunay na anak.
Siya ang nagparamdam sa akin ng totoong pagmamahal na hindi ninyo ipinaramdam sa akin. Ngayon ay kumpleto na ang aking kasiyahan dahil mayroon na rin akong sariling pamilya na mahal na mahal ako; ang aking asawa at aking mga anak kaya masasabi kong natupad na ang aking pangarap,” aniya saka nagpaalam at umalis na sa lugar na iyon.
Puno naman ng pagsisisi sina Lorna at Amelia sa ginawa nila sa pamangkin. Hindi nila inasahan na tutulungan pa rin sila nito sa kabila ng kalupitan nila noon.