“Sige, magsilayas kayo! Pero sinisiguro ko sa inyo na ni hindi kayo makakatikim, kahit isang kusing kapag lumabas kayo ng pintuang ʼyan!” ang mariin at ma-awtoridad na sabi ni Don Elias sa kaniyang mga anak na sina Evelyn at Russel.
Bitbit ng dalawa ang tigtatlo nilang malalaking maleta at mga bags na naglalaman ng kanilang mga gamit. Talagang lalayasan na ng dalawa ang kanilang ama.
“Talagang aalis na kami rito, papa! Hindi na kasi namin kayang tiisin ang ugali mo. Napakalupit mo. Kahit kaming mga kapamilya mo, nakakaranas ng hindi magandang trato mula sa ʼyo. Hindi na namin kayang sikmurain ang pagiging masama mo lalo na sa ibang tao. Sana, ʼpa, dumating ang araw na magagawa mong magbago. Baka sakaling bumalik pa kami!” marahas namang sagot ng anak niyang si Evelyn.
Tumawa lang si Don Elias at nakangising tinanong ang kaniyang anak. “Saan kayo pupunta? Sa tingin nʼyo ba, may tatanggap sa inyo, e, wala naman kayong pera?!”
“Hindi lang pera ang nagpapatakbo sa mundo, papa. May kuya pa kami, ʼdi ba? Sa kaniya kami pupunta at hinding-hindi na kami babalik dito hanggaʼt hindi ka nagbabago!”
At tuluyan nang tinalikuran ng magkapatid si Don Elias na noon ay naiwang nakakuyom ang palad at nakatiim ang bagang.
Ang tinutukoy ng anak niyang si Evelyn ay ang kuya nilang nauna nang lumayas sa puder ni Don Elias. Hindi na kasi nito kinaya ang nakikitang ugali ng ama. Lulong ito sa alak, mahilig magsugal, malupit at madamot sa kanilang mga kasambahay at empleyado sa kanilang ilang ektaryang fruit farm.
Para kay Don Elias, kung sino ang nakaangat at siyang may pera ay dapat tinitingala. Mataas ang tingin niya sa kaniyang sarili at ni hindi marunong maawa sa kapwa.
Nagsimula ang alitan ng mag-aama nang minsang lumapit ang kanilang matagal nang katiwala upang humingi ng tulong dahil manganganak na ang anak nito. Kailangan nila ng may kalakihang halaga upang masimulan ang operasyon nito, dahil nagkaroon ng komplikasyon ang bata sa sinapupunan nitoʼt kailangan na agad mailabas sa tiyan ng ina. Ngunit tumangging magbigay ng tulong si Don Elias.
Sa awa ni Evelyn sa kanilang katiwala ay napilitan siyang mangupit sa ama. Ngunit siya naman ang pinagbalingan nito na umabot pa sa puntong pinagbuhatan na siya nito ng kamay.
Matagal nang pumanaw ang asawa ni Don Elias at iyon ay dahil din sa sama ng loob sa kaniya. Ngayon, iniwan naman siya ng kaniyang mga anak, dahil pa rin sa kaparehong rason.
Nakaramdam ng kirot sa kaniyang dibdib si Don Elias ngunit mabilis niyang pinalis iyon sa kaniyang isipan. “Wala akong pakialam sa kanila!” pangungumbinsi pa niya sa kaniyang sarili.
Iniakma niya ang kaniyang tungkod bago siya naglakad patungo sa kaniyang kuwarto, dala ang bote alak at isang shot glass. Naupo siya sa kaniyang kama at nagsalin ng inumin sa kaniyang kopita… ngunit ʼdi pa man tumutulo mula sa lalagyan ang likidong laman ng boteng hawak niya ay nahagip ng kaniyang mata ang isang picture frame.
Family picture nila iyon. Siya, ang asawa niya at ang tatlo nilang mga anak.
Walang sabi-sabi, biglang bumuhos ang luha mula sa kaniyang mga mata. Doon ay hindi napigilan ni Don Elias na makaramdam ng lungkot.
Pilitin man niyang paniwalain ang kaniyang sarili na ayos lamang na iwan siya ng mga ito dahil may pera naman siyaʼt kaya niyang bilhin ang lahat, ay hindi niya magawang sumaya tulad ng dati. Talagang malungkot ang mag-isa.
“Hindi pala kayang bilhin ng pera ang kasiyahang makasama mo ang mga mahal mo sa buhay,” naibulong niya sa kaniyang sarili.
Ngunit ano pa ang magagawa ng pagsisisi niya kung huli na ang lahat?
Dahil doon, nagpasiya si Don Elias. Simula sa araw na iyon, siyaʼy magbabago. Sinimulan niya mula sa paghingi ng tawad sa mga taong kaniyang naagrabyado, pagkatapos ay ang pagtrato niya nang tama sa kaniyang kapwa. Mag-isa man, unti-unting nakaramdam ng kapayapaan sa kaniyang dibdib si Don Elias habang siya ay nagbabago para sa mas makabubuti.
Nabalitaan iyon ng kaniyang mga anak.
Sabay-sabay na dinalaw ng tatlo ang kanilang ama, na nang kanilang abutan ay nakikipagkuwentuhan nang masaya sa kanilang mga trabahador. Nakikipagtawanan, nakikisalo sa pagkain at nakikipagkapwa-tao na dati ay hindi nito nagagawa.
“Papa, salamat sa Diyos at nagbago ka.”
“Salamat sa Diyos, dahil hindi Niya kayo hinayaang maging katulad ko, mga anak. Mabuti na lang at matatalino kayo at may mabubuting puso. Kayo pa ang nagpabago sa akin. Aanhin ko ang yaman ko, kung wala kayo?” sagot naman ni Don Elias.
Walang pagsidlan ng tuwa sa puso ng buong pamilya nang mabuong muli sila at nagsama-sama sa iisang bubong.