“Dahan-dahan lang mahal. O, ilalapag na kita ah…” Dahan-dahang inilapag ni Ernesto, 37 taong gulang, ang misis na si Criselda sa kanilang kama. Kagagaling lamang nila sa ospital. Naaksidente si Criselda habang nagmamaneho.
Dahil sa lakas umano ng impact, lubos na naapektuhan ang mga binti ni Criselda. Hindi na raw siya makakalakad sabi ng doktor. Panghabambuhay na siyang lumpo. Imbalido.
“May gusto ka ba, mahal? Juice? Pandesal at kape? O paborito mong sopas? Ipagluluto kita…” tanong ni Ernesto sa misis. Tulala lamang si Criselda. Nakatanaw sa puting dingding ng kaniyang silid. Tila lumalagos ang mga tanaw nito sa mga pader.
“Iwan mo muna ako, Ernesto. Gusto kong mapag-isa,” walang buhay na tugon ni Criselda. Walang nagawa si Ernesto kundi lapitan ang misis. Ginawaran niya ito ng halik sa noo.
“Kung may kailangan ka, tawagin mo lang ako. Text mo ko o call. Doon lang ako sa office ko…” sabi ni Ernesto. Lumabas na siya sa kuwarto at dumiretso sa kanugnog na silid. Opisina niya ito.
Tatlong taon nang kasal sina Ernesto at Criselda. Nagkakilala sila dahil sa kanilang common friend na si Andrea. Kapwa nila kakilala ito. Si Andrea ang naging tulay ng kanilang pag-iibigan. Siya pa ang ginawang bridesmaid noong ikasal sila sa Manila Cathedral.
Sa loob ng tatlong taon, hindi pa binibiyayaan ng supling ang magkabiyak. Ipinayo ni Andrea ang pagsasayaw sa Obando. Nakadalawang sayaw na sila, subalit wala pa rin. Hanggang sa nagpakonsulta na sila sa espesyalista. Napag-alaman nilang si Criselda ang may diperensiya.
Simula noon ay naging matamlayin at malungkutin si Criselda. Hindi na ito nagtatanim ng orchids sa bakuran, gaya ng ginagawa nito noon tuwing umaga. Hindi na rin masyadong gumuguhit at nagpipinta ng bulaklak sa canvas. Kung nagpipinta man, magulong mga guhit at itim na kulay ang iwinawasiwas gamit ang pinsel.
Hanggang sa isang araw, nagulat na lamang si Ernesto nang mabalitaan ang pagkakaaksidente ni Criselda. Mabuti na lamang at hindi tuluyang nawala ang buhay ng kaniyang asawa. Subalit wasak na wasak ang kotse. Nawalan umano ito ng break, batay sa imbestigasyon.
Kumuha si Ernesto ng isang nurse na mag-aalaga kay Criselda, at isang physical therapist na maghihilot sa mga binti ng asawa. Nagsasanay na rin itong gumamit ng saklay.
Isang linggo na ang nakalilipas, nakatanggap ng text si Ernesto.
“Magkita tayo sa condo tonight, baby. I missed you.”
Tumingin siya sa paligid. Nasa opisina siya. Tiniyak na walang kaopisinang nakasilip sa mensahe niya sa cellphone.
Kinagabihan, nagtungo si Ernesto sa condo na binanggit ng nagpadala ng text sa kaniya. Unit 614. May sarili siyang susi rito kaya hindi na siya kumatok. Nagulat siya dahil may tao na pala sa loob.
“You’re here baby… missed you so much…” lumapit ang isang babae na may hawak na kopita na naglalaman ng wine at iniabot kay Ernesto. Siniil niya ng halik sa labi ang bagong dating. Pumulupot din siya ng yakap.
“Baka matapunan mo ko ng wine, Andrea…” awat ni Ernesto, na walang iba kundi si Andrea. Si Andrea na siyang naging tulay nila ni Criselda.
“Hindi mo ba ako namiss, baby?” umupo ito sa sofa. Dumekwatro. Umupo si Ernesto sa harap nito.
“Syempre namiss kita… pero bakit ngayon ka lang nagparamdam sa akin baby?” tanong ni Ernesto sa kalaguyong si Andrea.
“Busy. I made sure na hindi magsasalita yung inupahan kong tao na nagtanggal sa break ng kotse ng asawa mo. Gosh… hindi successful ang plano natin na dispatiyahin na siya… may sa-pusa yata ang buhay niyan eh,” naiinis na sabi ni Andrea.
“Baby… tama pa ba ang ginagawa natin? Nakokonsensya na ako… nasira natin ang buhay ni Criselda. Look at her now. Lumpo na siya,” naiiyak na sabi ni Ernesto. Sumimsim siya ng red wine mula sa kopitang iniabot ni Andrea.
“Stop it, Ernesto! Ano ka ba naman?! Sasayangin mo ba ang mga plano natin? Ilang taon nating pinagplanuhan ang pagpasok mo sa buhay ni Criselda, para makuha mo ang pera niya. Ang perang inagaw ng pamilya niya sa pamilya ko. Ngayon, kung hindi nam*tay yang Criselda na iyan, na kinaibigan ko para makuha ang loob, okay na rin sa akin ang kinahinatnan niya. Mabuhay siyang parang p*tay! Imbalido!” tuwang-tuwang sabi ni Andrea at humalakhak ito.
“Ang akin lang naman… hindi ba’t parang nakaganti ka na rin kay Criselda dahil sa nangyari sa kaniya? Paghihiganti lang naman ang gusto mo ‘di ba?” sabi ni Ernesto kay Andrea, na napamulagat at napatayo pa.
“Hindi sapat iyon! Gusto kong makuha ang mga pera niya at ari-ariang ipinamana sa kaniya. Para iyon sa amin. Dinaya ng lolo niya ang lolo ko sa negosyo. Dahil doon, nagkaletse-letse ang pamilya namin. Teka nga, bakit ba concern ka masyado kay Criselda? Huwag mong sabihing tinamaan ka na sa babaeng iyon? Ernesto, pinapaalala ko lang sa iyo, na tayo ang nagmamahalan at ginamit lamang kita upang makapasok sa buhay niya!” galit na sabi ni Andrea.
Sasagot sana si Ernesto nang biglang may kumatok sa pinto. Tumayo siya upang buksan ito, subalit inawat siya ni Andrea. Baka ang delivery man daw dahil umorder siya ng pizza upang makain nila.
Pagbukas ng pinto, namutla si Andrea sa nabungaran niya. Walang iba kundi si Criselda! Walang kahit na anumang tungkod o saklay na dala. Nakapamaywang pa. May hawak itong baseball bat sa kaliwang kamay at hand bag naman sa kanan.
“Surprise! Hi mare!” nakangising panggugulat ni Criselda. Namutla rin at hindi nakahuma si Ernesto nang makita ang asawang lumpo, na ngayon ay tila wala namang diperensiya.
“C-Criselda? Anong… paanong…” hindi magkandatuto si Andrea sa sasabihin. Nakatingin siya sa mga binti ni Criselda.
“Paanong nakakatayo ako gayong lumpo na ako? Well… you underestimated me, Andrea! To make it short, alam ko na ang lahat,” galit na sabi ni Criselda.
Umigkas ang kaliwang kamay niyang may hawak ng baseball bat at hinataw ang batok ni Andrea. Nabuwal si Andrea at nawalan ng ulirat. Unti-unting lumapit si Criselda sa asawang si Ernesto.
Habang naglalakad palapit, kinaladkad niya ang hawak na baseball bat sa sahig.
“Huwag ka nang magpaliwanag, Ernesto. Alam ko na ang lahat. Hindi ako tanga at bobong gaya ng iniisip ninyo ng kalaguyo mong si Andrea. Ang kapal ng mukha ninyo. Oo… nagkunwari akong lumpo para mag-imbestiga at magawa ko ito. Kapag wala ang pusa, naglalaro ang daga hindi ba? Puwes, nakikipaglaro lang din ang pusa. Pinaglaruan ko lang kayo na lumpo ako!” galit na sabi ni Criselda.
“Patawarin mo ako, Criselda. Oo. Kinasabwat ako ni Andrea upang maisakatuparan niya ang paghihiganti niya sa iyo dahil sa pamilya mo. Pero maniwala ka… minahal kita! Mahal na kita!” naiiyak na pagtatapat ni Ernesto sa asawa.
Umiling-iling si Criselda. “Magbabayad kayo ni Andrea, Ernesto. Ako naman ang maniningil sa pagtatangka ninyong pagp*tay sa akin!” bulalas ni Criselda. Itinaas niya ang kaliwang kamay at hinataw ng baseball bat ang mga binti ni Ernesto.
Nakulong si Andrea dahil sa patong-patong na kasong isinampa ni Criselda laban sa kaniya. Si Ernesto naman ay tuluyang nilumpo ni Criselda. Siya ang tunay na naging lumpo.
Hindi nagsampa ng anumang kaso laban dito si Ernesto. Tinanggap niya ang ginawa sa kaniya ni Criselda bilang kabayaran sa lahat ng ginawa nila ni Andrea.
Kasama rin siyang nakulong at pinagbayaran sa kulungan ang kaniyang kasalanan. Si Criselda naman ay namuhay nang malaya at mag-isa at nagpokus na lamang sa pagmo-move on upang makalimutan ang bangungot ng nakalipas.