“Mahal, nakumbinsi ko na si papa na dumalo sa kasal natin!” masayang balita ni Lyn sa nobyo niyang abala sa pagluluto ng kanilang hapunan.
“Bakit kinumbinsi mo pa, Lyn? Halata namang ayaw no’ng dumalo sa kasal natin! Hindi ba’t ayaw niya ako para sa’yo noon pa man?” sagot ni Jerson, bakas sa mukha niya ang pagkainis.
“Eh, Jerson, tatay ko pa rin naman ‘yon kahit may iba na siyang pamilya. Gusto ko talagang ihatid niya ako sa altar,” nakatungong sambit ng kaniyang mapapangasawa.
“Lyn, sabi naman sa’yo, huwag mo na siyang pilitin. Kita mo, kung kailan isang araw na lang bago tayo ikasal saka lang siya pumayag, tapos no’ng sinadya natin siya sa bahay niya, halos ipagtabuyan niya ako,” paliwanag niya sa dalagang napupuno ng lungkot ang mukha.
“Jerson, hayaan mo na, mabuti nga’t napapayag ko, eh, umiyak-iyak pa ako sa harap noon kanina,” giit pa nito saka siya bahagyang niyakap.
“Pwede namang yung bagong asawa na lang ng mama mo ang maghatid sa’yo sa altar, ha?” ika niya, inis na inis na siya sa ginawa ng dalaga.
“Jerson, iba pa rin kapag tunay kong…” magpapaliwag pa sana ito ngunit hindi na niya ito pinatapos.
“Sige, igiit mo pa!” bulyaw niya saka nagkulong sa kanilang silid. Walong taon nang nasa loob ng isang relasyon ang binatang si Jerson dahilan upang magdesisyon na siyang magpakasal sa dalagang nagtiyaga’t nagmahal sa kaniya nang tunay at walang kapantay.
Ginawa niya ang lahat upang maibigay ang pinapangarap nitong kasal. Nagtrabaho siya nang doble at nag-ipon mabuti simula noong niyaya niya itong magpakasal.
Ayos naman lahat ng kanilang paghahanda para sa kasal dahil nga boto sa kanilang dalawa ang kani-kanilang pamilya. Pwera lamang sa isang tunay na ama ng dalaga na talaga nga namang labis siyang minamaliit noon pa man.
Hindi kasi siya nakapagtapos ng pag-aaral, at buong akala ng ama nito, hindi niya mabibigyan ng magandang buhay ang dalagang minamahal niya. Ito ang naging dahilan upang magsikap pa lalo ang binata hanggang sa makahanap siya ng permanenteng trabaho sa isa sa pinakakilalang hotel sa Maynila.
Ngunit noong araw na ‘yon, tila nasubok ang binata sa ginawa ng kaniyang mapapangasawa. Sa tinagal-tagal kasi ng panahong pamimilit nito sa ama, ngayon lamang ito pumayag na labis niyang ikinainis dahilan upang magkulong siya sa kanilang silid at matulog na kaagad.
Kinabukasan, nadatnan niyang nagluluto ng almusal ang kaniyang nobya. Bahagya siyang nakaramdam nang pangongonsensya sa iniasal niya dito kagabi kaya naman bahagya niya itong niyakap mula sa likod ngunit bigla na lamang itong umiwas at sinabing, “Doon muna ako kila papa, ayan, luto na ang almusal mo, kapag may natira, iyon na lang ang kainin mo sa tanghalian at hapunan, alis na ako,” na labis niyang ikinagulat.
“Saglit, Lyn, bukas na ang kasal natin, bakit aalis ka pa?” tanong niya dito. “Ayos lang, bukas naman hindi rin tayo magkasamang aayusan,” matabang nitong sagot.
“Nagdadalawang-isip ka na bang pakasalan ako dahil sa nangyari kagabi?” tanong niya pa dito ngunit hindi siya nito inintindi, “Lyn, nasabi ko lang naman ‘yon dahil sobra ang…” hindi na niya natapos ang sasabihin dahil agad nang lumabas ang dalaga’t agad na tumawag ng pedicab.
Napabuntong hininga na lamang siya’t napailing-iling. Labis ang kaniyang pagsisisi sa ginawa niya kagabi. Ika niya, “Diyos ko, huwag niyo naman pong iudlot ang kasal ko, parang-awa niyo na. Pasensya na po kayo.”
Kinabukasan, maaga siyang nagising upang tawagan ang dalaga. Makailang ulit niya itong sinubukang kausapin ngunit hindi siya sinasagot nito.
“O, Jerson, mag-ayos ka na, ikaw ang kailangang mauna doon,” paalala sa kaniya ng kaniyang ama. Tumango lamang siya’t tinawagan sa huling pagkakataon ang dalaga ngunit hindi pa rin ito sumasagot.
“Naku, bahala na!” buntong hininga niya saka na nagsimulang mag-ayos ng sarili.
Ilang minuto lang ang nakalipas, dumako na siya sa simbahan. Sinalubong siya ng kaniyang mga kapamilya at kaibigan. Labis ang saya ng mga ito para sa kaniya habang siya, kabang-kaba dahil baka hindi siya siputin ng dalagang kaniyang nabulyawan kagabi.
Dumating na ang takdang oras ng seremonya ngunit wala pa rin ang dalaga. Tinawagan na ito ng kaniyang mga kaanak, ngunit hindi talaga ito nasagot. Nagsimula nang magbulungan at mag-alala ang lahat nang nandoon. Nangingilid na rin ang luha sa kaniyang mga mata.
“Parang-awa mo na, Diyos ko, ibigay mo sa akin si Lyn,” mataimtim niyang panalangin.
Bigla naman siyang nagulat nang bumukas ang pintuan ng simbahan at bumungad sa kanilang lahat ang isang napakagandang dilag sa isang puting kasuotan kasama ang ina at ama nitong nag-uumpisa nang umiyak.
Halos mapaluhod siya sa sayang naramdaman. Iyak lamang siya nang iyak habang pinagmamasdan ang kaniyang minamahal na papalapit sa kaniya.
Agad siyang niyakap ng ama nito bago iabot ang kamay ng dalaga. Humingi ito sa kaniya ng pasensya at nangakong susuportahan sila sa lahat ng kanilang nais gawin sa pamilyang mabubuo nila. Tila nawala lahat ng bigat sa kaniyang dibdib nang marinig ang mga salitang iyon. Mariin niya itong niyakap pati na ang ina ng dalaga.
“Pasensya na kagabi…” ‘ika niya na agad namang pinigilan ng dalaga.
“Mahal kita,” tanging sagot nito saka ngumiti sa kaniya.
Naging matagumpay ang kanilang kasal at wala nang mas sasaya pa sa binatang ngayon ay nakipag-isang dibdib na.
Nawa’y matuto tayong magpatawad ng tao dahil ang sama ng loob na naiipon sa ating puso ang magiging dahilan kung bakit hindi nating magawang magmahal nang bukal sa puso.