Inday TrendingInday Trending
Darling Ko Na, Boss Ko Pa

Darling Ko Na, Boss Ko Pa

“Diyos ko! Anong oras na?” nagmamadaling bumangon si Lenny mula sa higaan.

Unang araw ito ng kanyang aplikasyon para sa trabaho. Hindi siya maaaring mahuli sa interbyu. Kailangan niya ng pangtustos sa araw-araw na pangangailangan ng mga kapatid.

Matapos magsipilyo at maligo, agad na nagbihis si Lenny. Suot ang corporate attire at mataas na heels, taas-noo niyang sinuong ang abalang mundo ng Makati.

Halos patakbo na siya kung maglakad dahil sa paghahabol ng oras.

“Kaunting kembot na lang, makakarating din ako. Di bale nang haggard, basta may trabaho!” desidido niyang bulong sa sarili.

Nakita niyang dilaw na ang stop light, ngunit dahil sa pagmamadali pinili niyang tumawid pa rin makaabot lamang sa oras ng interbyu.

Isang malakas na busina ang gumulantang ng kanyang mundo. Isang pulgada na lamang ang lapit ng nguso ng kotse sa kanyang katawan. Kung nagkataong tinamaan siya nito, tiyak na may kalalagyan siya.

“Hoy! Ano?! Papat*ayin mo ba ako ha? Akala mo hari ka ng kalsada ah?” galit na sigaw ng dalaga.

*beep beep*

“Aba at talagang bumubusina ka pa? Bumaba ka riyan at humingi ka ng paumanhin!” gigil na utos ni Lenny. “Masisira ang ganda ko nito eh,” mahinang bulong naman niya.

“Sorry, miss, tumawid ka kasi kahit naka-green na yung lights dito o, tapos ikaw pa yung galit?” tugon naman ng lalaki mula sa kotse.

“Aba-” naputol ang kanyang sasabihin nang mapansin ubod ng gwapo nang lalaki. Tila bai lang segundo siyang nawala sa ulirat dahil doon.

“Yung laway mo miss, baka tumulo ha?” biro naman ng lalaki.

“Hoy!” natauhan ang dalaga sa narinig, “ang yabang mo naman! Akala mo kung sino kang gwapo. Paano kung pumanaw ako ngayon ha? Paano mo babayaran ang buhay ko?! Mapapalamon mo ba ang pamilya ko?” gigil na gigil na iskandalo ng dalaga.

“Kaya pala ang lagkit ng mga titig mo sa akin kanina, oh well…” pagyayabang naman ng lalaki.

Isang malakas na hampas ang lumapat sa mukha ng lalaki mula sa mga papeles na dala-dala ni Lenny.

“Hambog ka! Nako, sinasabi ko sa’yo, oras na magtagpo pa ang landas natin, talagang di lang iyan ang aabutin mo!” galit na sabi ng babae na tila ba nagpapaka-siga at saka sinipa ng isa ang unahan ng sasakyan.

Bahagyang napatingin si Lenny sa orasan, nanlaki ang kanyang mga mata nang makitang limang minuto na siyang late sa interbyu. Agad siyang kumaripas ng takbo upang makahabol lamang.

Pagdating sa lobby ng opisina, habol-habol niya ang hininga habang nakakapit sa dibdib. Taimtim siyang nagdarasal na sana ay abutan siya ng swerte. Kailangan niya ang trabahong ito.

“Miss Lenny, tama po?” bati sa kanya ng isang babae.

“Y-yes po. Late na po ba ako? May aabutan pa po ba akong interbyu?” sunod-sunod na tanong ni Lenny.

“Relax lang po ma’am. Kakarating lang din ni boss, kaya ‘di pa naman kayo late. Something came up daw po kasi. Swerte niyo ma’am ah?” biro pa ng babae. “By the way, pasok na po kayo for the interview.”

Ngumiti si Lenny ng malaki at paulit-paulit na inaalala ang mga linyang kanyang minemorya para sa interbyu. Pero ang malalaking ngiti na mayroon siya kanina ay biglaang napawi at napalitan ng gulat.

“Ikaw?!” malakas na tanong niya sa kaharap.

“Tingnan mo nga naman. Small world!” natatawang sabi ng lalaki.

“P-paano?” hindi makapaniwala si Lenny. Ang lalaking kaninang sinigaw-sigawan niya ay siya palang mag-iinterbyu sa kanya.

“Your resumé, please?”

“H-hindi…” ‘di alam ng dalaga ang gagawin. Nais na lamang niyang lumubog sa kinatatayuan, gusto man niyang umuwi na lamang, hindi rin maari. Kailangan niya ng pera. Kailangan niya ng trabaho.

Iniabot ng dalaga ang dalang papel at umupo.

“Okay… you’re hired!”

“A-ano?!” tila ba gulat na gulat ang babae sa mga naririnig. “Ibig ko pong sabihin, bakit ang bilis po yata? ‘Di pa nga po ako na-iinterbyu,” kabig naman niya.

“Ayaw mo ba? Pwede ka na mag start tomorrow. See you at work!” ngumiti ang lalaki at nakipagkamay lamang.

Tila palaisipan pa rin kay Lenny ang nangyayari. Anong mayroon? Bakit bigla siyang tinanggap nang ganoon? Kakaiba ang kanyang kutob.

Kinabukasan, unang araw niya sa trabaho. Posturang-postura siya sa opisina at ayos na ayos nang madatnan niyang tambak ng gamit ang lamesang nakalaan para sa kanya.

“Good morning to you miss and good luck sa first day of work mo. Pwede mo nang simulan ayusin iyang files at table mo,” saad ng lalaki. “And by the way, I am Carl, your boss!” sabay ngiti na tila ba nang-aasar.

“Ang dami naman nito…” bulong ng dalaga.

“Are you saying something?” tanong ni Carl.

“W-wala po,” tugon naman ni Lenny.

“Okay, kung may reklamo ka, pwede ka nang mag resign, but by the looks of it, mukhang desperate ka to have that job. Mukhang kailangan mo talaga, kaya wala din sense kahit magreklamo ka dyan!” ngiti muli ng binata at saka tumalikod.

Napahinga na lamang nang malalim ang dalaga at pilit pinipigilang mainis.

Hindi pa man siya tapos sa ginagawa, sunod-sunod na ang utos ng kanyang boss. Nariyan yung utusan siyang bumili ng pagkain pagkatapos ay muling pababalikin upang papalitan.

Pinagtimpla ng kape ngunit pinapalitan kapag lumamig na kahit hindi naman talaga iniinom nang kanyang boss. Para bang sinasadya talagang pagurin siya.

Hindi nagtapos doon ang kalbaryo ni Lenny. Lumipas ang mga araw at linggo, ngunit palala ng palala ang mga pagpapahirap sa kanya. Naisip niya ‘hindi kaya bumabawi ito sa nagawa niya noong muntik na siyang masagasaan?’

“Dem*nyitong boss ito ah…” bulong ng dalaga sa sarili.

Lumago ang galit at pagkainis kay Lenny, ngunit kailangan niyang tanggapin lahat nang ito dahil kailangan niya ng pera.

Hanggang isang araw, napansin niyang ilang araw nang wala si Carl. Naninibago siya dahil walang nagpapahirap or nang-aalaska sa kanya.

“Binangungot na ata iyon!” tawa pa ng babae.

Hanggang isang araw inutusan siya na magdala nang mga papeles sa ospital, na labis naman niyang ipinagtaka. ‘Bakit sa ospital?’

Pagkarating doon, pumasok siya sa kwarto kung saan pinapadala ang mga dokumento. Laking gulat niya nang makita ang boss na namumutla at nanghihina.

“S-sir, ano po ang nangyari?” tanong ng dalaga.

“Ipatong mo na lang iyang pinadala ko. Makakauwi ka na,” malamig na tugon ng binata.

Ipinatong lang nang dalaga ang mga dokumento at akmang aalis na sana, ngunit may kurot sa kanyang puso na hindi maintindihan.

“S-sir…” lumapit si Lenny at kinapa at noon g lalaki. Inaapoy na pala ito ng lagnat. “Tatawag na ako ng nars, sir ha?”

“W-wag. Ayoko!” diin pa ni Carl. “Ayoko sa kanila…”

“P-pero…”

“Just go home! Hayaan mo na ako, please?!” may halong inis na sabi ng lalaki.

Napabuntong-hininga na lamang si Lenny at kumuha ng pamunas at saka pinahid sa tila ba naglalagablab na balat ng lalaki.

“Wag ka nang magulo! Para gumaling ka kaagad,” saad ni Lenny.

‘Di naman na pumalag ang lalaki at ipinaubaya na kay Lenny ang pag-aasikaso. Doon, nalaman ng dalaga na pumanaw pala ang mga magulang ng lalaki, mula sa isang aksidente at hindi nasagip ng mga doktor ito, kaya ganoon na lamang ang galit niya sa mga nars at doktor.

Paalis na sana si Lenny, ngunit biglang bumuhos ang malakas na ulan. Dahilan upang doon siya magpalipas ng gabi sa ospital.

“Dito na lamang po ako matutulog sa upuan, sir,” sabi ng dalaga.

“Lenny… pumunta ka muna rito saglit,” pagtawag naman ni Carl.

Nang lumapit si Lenny, bigla siyang hinila sa kamay ng binata, dahilan para mapahiga siya sa tabi nito.

“Pwede bang dito ka muna? Dito ka na lang…” bulong ng lalaki. Tila ba may kuryenteng dumaloy sa katawan ni Lenny nang mga oras na iyon.

“S-sir…”

Yumakap ang lalaki at saka tuluyang nakatulog. Malakas ang tibok ni Lenny, habang minamasdan ang gwapong binata.

“Parang anghel ka pala kapag natutulog…” nakangiting sabi ng dalaga.

“Sana sa’kin ka na lang, Lenny…” mahinang sabi ng lalaki habang nahihimbing.

Napangiti si Lenny at saka ipinikit ang mga mata. Sa kanyang pag gising, isang malaking pala-isipan kung panaginip ba o totoo ang naramdaman niyang paglapat ng mga labi sa kanyang labi. Hinalikan nga ba siya ng gwapong boss?

“Ihahatid na kita, Lenny. Para makapahinga ka na rin pagkauwi. Pwedeng hindi ka muna pumasok today,” sabi ng lalaki na palabas na rin sa ospital nang araw na iyon.

Tatanggi pa sana ang dalaga, ngunit muli na naman kinuha nang lalaki ang kanyang kamay at saka hinila papunta sa parking.

Nang makarating sa tapat ng tahanan ng dalaga, akmang magpapaalam na siya nang biglang magsalita si Carl.

“L-Lenny…”

“Sir?”

“M-may nais sana akong sabihin sa’yo,” nauutal na sabi ng lalaki.

“Ano po iyon, sir?” balik na tanong naman ng dalaga.

“I like you!”

Tila ba tumigil ang mundo ng marinig ni Lenny ang mga salitang iyon.

“Po? Sir? Anong biro ba iyan?”

“Noong unang araw pa lang na nagkasalubong ang landas natin sa may stoplight, nagustuhan na kita. Ibang-iba ka sa mga babaeng nakilala ko noon.

Pinilit kong galitin ka at pahirapan ka sa trabaho upang umiwas ka na sa akin, baka sakaling mawala ang pagkagusto ko sa’yo.

Pero kagabi, noong inalagaan mo ako, nakompirma kong hindi… hindi ko na kayang itago pa. Gusto kita, Lenny. Gustong-gusto. Mabibigyan mo ba ako ng pagkakataon?” pag-amin ng lalaki.

Namula naman sa sobrang pagpipigil ng kilig ang dalaga.

“Grabe naman iyang trip mo, sir, eh. Bahala ka nga dyan,” pag-iinarte ni Lenny upang hindi mahalata ang kilig na nadarama.

“Basta papatunayan ko sayo!”

Hindi naman tumalikod sa pangako ang lalaki. Tunay ngang niligawan niya ang dalaga at hindi tumigil hangga’t hindi nakakamit ang matamis na matamis nitong ‘oo’.

Matapos ang pagpapakipot, binigay na ni Lenny ang sagot na pinaka-iintay ni Carl.

Matapos ang dalawang taon, sa kasalanan na nauwi ang kanilang makulit na love story.

“Sa sobrang lakas ng pagkakahampas mo sa’kin noon, pati puso ko naalog at biglang nahulog sa’yo!” biro ni Carl sa gabi ng kanilang honeymoon.

Namuhay nang masaya at payapa ang dalawa at biniyayaan ng kambal na anak.

Advertisement