Inday TrendingInday Trending
Walang Kwentang Nanay!

Walang Kwentang Nanay!

Simula nang magsama sina Eric at Maya ay kasama na rin nila ang nanay ng lalaki na si Aling Maria. Tutol man si Maya ngunit wala siyang magawa dahil walang ibang mag-aalaga sa ale kung hindi si Eric lamang.

“Paano na ‘yan ngayon? Wala na akong trabaho tapos ang dami nating utang? Ito ang mahirap sa may kasamang iba sa bahay, may iba pa akong iintindihin,” hinaing ni Maya kay Eric na kakauwi lamang galing sa trabaho.

“Si mama na naman ang nakita mo. Hindi naman pabigat si mama sa atin ‘di ba? Halos ginagawa mo na ngang katulong ‘yung nanay ko pero wala kang naririnig sa akin,” baling naman kaagad ni Eric.

“O, teka, bakit? Ginugutom ko ba ‘yung nanay mo? Hindi ba’t nakagatas pa nga ‘yan at vitamins. Kaya tama lang na siya ang kumilos dito sa bahay kasi siya naman ang walang ambag na pera!” baling din ni Maya sa kaniya.

“Saan na naman ba makakarating ang usapan na ito? Hindi ba’t sinabi ko na sa’yong walang ibang mag-aalaga kay mama, ako lang ang anak niya kaya ako lang ang mag-aalaga sa kaniya,” madiing pahayag ni Eric sa kaniya.

“Oo na! Nakalimutan kong dalawa nga pala kayo ng nanay mo na inasawa ko. Siya, ipapalala ko lang sa’yo, wala na akong trabaho!” sigaw naman muli ni Maya saka ito tumalikod sa kanya.

Natapos na ang kontrata ng babae sa kaniyang pagiging kahera sa isang supermarket. Matatagal pa siyang muli makapaghanap ng trabaho dahil sa sakit niya ngayon sa baga. Samantalang si Eric naman ay nagmamaneho ng taxi. Maliit ang kita ng dalawa at baon pa sa utang ang mga ito, kaliwa’t kanan kasi ang bili nila ng mga gamit at gadgets na hindi mapigilan ng dalawa. At sa tuwing kakapusin ng pera si Maya ay palaging ang nanay ni Eric ang kaniyang nakikita.

“Nay, gusto niyo ba muna maglaro ng bingo sa mga kapitbahay natin? Ayos lang sa akin. Wala na kasing trabaho si Maya, paniguradong palagi kayong mag-aaway nun. Alam niyo naman na ‘yun, ‘nay, ‘di ba? Pasensya na po kayo,” malungkot na sinabi iyon ni Eric sa kaniyang ina.

“Huwag kang mag-alala sa akin, anak, ako nga itong nahihiya sa inyo kasi nakikisiksik ako sa pamilya mo. Dapat ang magulang ang nag-aalaga sa anak, hindi ganito. Pasensya ka na talaga, Eric,” mahinang sagot naman ni Aling Maria.

“Nay, ‘wag kayong ganyan. Basta, hanggat kaya niyo pa ho ay pagpasensiyahan niyo na lang si Maya,” paki-usap muli ni Eric sa kaniyang ina tsaka niya ito niyakap. Mabigat para sa kalooban ng lalaki na parang kailangan niya laging pumagitna sa dalawang taong mahal niya.

Kinaumagahan ay maagang naghahanap ng pagkain si Maya sa mesa ngunit walang niluto si Aling Maria at wala rin ito sa bahay.

“Eric! ‘Yung nanay mo ang aga-aga umalis hindi man lang nagluto. Anong klaseng buhay ‘to! “ dabog ni Maya sa kaniya. Hindi naman sumagot si Eric at nagtakip na lamang ito ng unan sa kaniyang mukha.

Maya-maya pa ay biglang dumating si Aling Maria na may dalang mga pagkain at ilang groceries.

“Wow! Mukhang ang aga niyo ho yatang nag-shopping! Saan naman kaya kayo kamay ng Diyos kaya kumuha ng pera? Binigyan na naman ba kayo ni Eric?” mataray na salubong ni Maya kay Aling Maria.

“Pasensiya ka na at maaga akong umalis, hindi na ako nakapagluto. Pero ito, bumili naman na ako ng pagkain, kain ka na, anak,” saad ng ale.

“E saan nga ho kayo kumuha ng pera?!” tanong muli ng babae.

“Ipon ko ‘to, para sa mga ganitong pagkakataon. Naglalabada ako sa mga kapitbahay natin kapag may pasok kayong dalawa,” sagot ni Aling Maria.

“O, pwede naman pala kayong kumita, bakit hindi niyo sinasabi noon pa? Para sana naman nalaman kong may silbi pala kayo!” banat muli ni Maya.

Napabuntong hininga na lamang si Aling Maria at napaupo sa isang tabi. Mabilis na bumalikwas si Eric sa kaniyang pagkakahiga at kumuha ng bag.

“Ayan, palalayasin ka na rin sa wakas!” mahinang bulong ni Maya. Ngunit laking gulat niyang mga gamit niya ang binabalot ni Eric.

“Hoy! Teka, ano ‘yan? Gamit ko ‘yan, mahal!” sigaw nito sa lalaki.

“Lumayas ka na, Maya! Bago pa man ako magkasala sa Diyos!” baling ni Eric.

“Huwag mong sabihin sa akin na mas pipiliin mo ‘yang nanay mo kaysa sa akin? Baka nakakalimutan mong iniwan ka na dati niyan para sa ibang lalaki at kaya lang ‘yan nandito ngayon ay rahil sa matanda na siya!” saad ni Maya sa kaniya.

“Siguro mali ko rin ito, kasi pinayagan kitang tratuhin ng ganyan ang nanay ko. Pero kung ano man ‘yung pagkakamali niya noon ay hindi niya kailangan pagbayaran habang buhay at mas lalong hindi niya dapat pagbayaran ‘yun sa’yo! Umalis ka na kung hindi mo kayang respetuhin ang nanay ko!” galit na wika ni Eric at niyakap niya ang kaniyang ina.

“Nay, patawarin mo ako. Ako ang patawarin mo sa lahat ng kabastusan na naranasan mo sa bahay na ito. Patawad ‘nay!” hagulgol ni Eric sa kaniyang ina. Wala naman sinabi si Aling Maria at naiyak na lang din ito.

Pati siya ay humingi rin ng tawad sa kaniyang anak dahil sa pag-iwan niya noon dito. Alam niyang napakalaking kasalanan ang ginawa niya kaya naman hinahayaan niya lamang ang ganoong trato sa kaniya. Mas mahalaga kasi para sa ale ang makasama niya ang kaniyang anak at mapunan niya ang mga pagkukulang noon.

Hindi naman umalis si Maya at humingi na lang din ng tawad kay Aling Maria. Ayaw naman niyang mapahiwalay kay Eric kaya naman siya na raw ang magpapakumbaba. Ngayon ay unti-unti naayos ang pagsasama nilang tatlo at mas nakikita ni Maya ang sipag at sakripisyo ni Aling Maria para sa kanila sa pamamagitan ng pagiging isang mabuti at maalagang nanay.

Advertisement