Inday TrendingInday Trending
Ang Aral sa Batang Reklamador

Ang Aral sa Batang Reklamador

“Mama, ano po ang ulam?” pasigaw na wika ni Angela habang pababa ng hagdan mula sa kaniyang silid isang katanghalian.

“Nariyan sa mesa, anak. Kainin mo kung ano ang nakahain,” tugon ni Merly sa kaniyang anak.

“Tawagin mo na rin ang papa mo ng makakain na tayo,” dagdag pa ng ina sabay lapag ng kanyang sinandok na kanin sa mesa.

“Sarciadong isda ang ulam, ma? Wala ba tayong hotdog o ‘di kaya ay fried chicken? Anong klaseng ulam ba ‘yan?” reklamo ni Angela. “Alam mo namang ayoko ng isda, mama!”

“Paborito ng papa mo ang ulam na iyan. Saka araw-araw na lang ang gusto mo ay fried chicken baka tubuan ka na niyan ng pakpak,” pagbibiro ng ina. “Tikman mo muna kasi. Saka huwag kang mapili sa ulam, anak. Maswerte ka nga at nakakakain tayo ng higit sa tatlong beses sa isang araw,” wika muli ng ina.

“Ayan na naman kayo, sasabihin niyo na naman sa akin na maswerte ako kaysa sa ibang bata. Na kailangan kong ubusin ang pagkain ko dahil maraming bata ang nagugutom. Bakit, ma? Kapag hindi ko ba inubos, mabubusog sila?” pamimilosopo ng anak.

“Oo nga at hindi sila mabubusog ngunit walang masasayang. Tandaan mo na maraming bata ang gusto na nasa katayuan mo. Kaya ipagpasalamat mo kung anong mayroon ka,” sambit ni Merly.

Hindi naman nakakariwasa sa buhay ang mag-anak ni Merly ngunit nakakaraos sila sa pang-araw-araw. Nakakapag-aral si Angela at natutustusan ang kanyang pangangailangan kahit na tanging ama lamang niya ang nagtatrabaho bilang isang family driver.

Ngunit para kay Angela, hindi sapat ang mga bagay na ito. Gusto niya ay maging katulad ng mga batang napapanood niya sa telebisyon. Ang mga batang nakukuha agad ang naisin nila sapagkat sila ay mayaman.

Isang gabi habang pinapatulog si Angela ni Merly ay hindi maiwasan ng bata na magtanong sa kanyang ina.

“Ma, kailan ba ako magkakaroon ng sariling kwarto? Nasisikipan na kasi ako dito sa kutson na hinihigaan natin lalo na kapag narito na si papa. Gusto ko kasi na magkaroon ng magara at malambot na kama. Tapos napapalibutan ako ng mga paborito kong manika. May sarili akong espasyo sa bahay natin,” sambit ni Angela.

“Sa ngayon, anak, ay malabo pang mangyari iyan. Pero kapag nakaipon na kami ng papa mo na makakuha ng huhulugan nating bahay ay hindi na tayo mag-aapartment. Sa pagkakataong iyon ay matutupad mo na ang pangarap mo na ‘yan. Lagi ka lang magdasal, anak,” tugon ni Merly.

“Dasal naman ako nang dasal, mama, pero hindi pa rin tayo mayaman. Saka parang hindi na ‘yun mangyayari kasi hindi naman pang susyal ang trabaho ni papa. Drayber lang siya. Maliit lang ang sahod noon. Kung makakakuha siya ng mas magandang trabaho, e ‘di sana ay mas makaka-upa tayo ng apartment na mas malaki pa dito,” reklamo ng anak.

“Alam mo kahit maliit lamang itong tinutuluyan natin ay maswerte pa rin tayo. Maraming tao ang walang masilungan at walang maayos na matulugan. Dapat, imbis na magreklamo ka ay tingnan mo ang mga bagay sa ibang persperktibo. Ipagpasalamat mo ang mga bagay na mayroon ka,” turan ng ina.

“Ang konti-konti nga ng mga bagay na mayroon ako, mama, kaysa sa ibang mga bata. Ano ba ang dapat kong ipagpasalamat?!” naiinis na sabi niya sa ina sabay talikod.

Napailing na lamang si Merly sa ginawa ng ina.

“Sana ay mapagtanto mo, anak, na kumpara sa ibang kabataan ay mas pinalad ka,” pabulong ng ina.

Kinabukasan ay sinama ni Aling Merly ang anak sa kanyang pamamalengke. Kung ano-ano ang tinuturo ng bata na ipinabibili sa kaniyang ina ngunit wala silang ekstrang pera upang mabili ito. Kaya ganoon na lamang ang pagmamaktol ni Angela. Ayaw niyang sumabay ng lakad sa kanyang ina. At dahil sa kanyang pagtatampo ay hindi niya namalayan na wala na pala ang ina at hindi na niya ito natatanaw.

Takot na takot si Angela sapagkat malayo-layo sa kanila ang palengke at hindi niya alam ang daan pauwi sa kanila. Wala rin siyang sapat na pera upang maging pamasahe pauwi bukod sa hindi niya alam kung ano ang sasakyan. Natatakot din siyang magtanong-tanong sa iba sapagkat baka mamaya ay matulad siya sa isang batang narinig niyang pinag-uusapan sa kanilang lugar na kinuha ng mga hindi kilalang tao. Wala ng nagawa pa ang bata kundi pigilan ang kanyang pag-iyak at umupo sa isang tabi.

Sa kaniyang pagmamasid sa labas ay nakita niya ang mga batang sa karton lamang sa sahig ng palengke nakahiga upang makatulog. Nakikita niya ang mga laruan nito na mga tinapon lamang na bote at lata. Wala silang maayos na pananamit at marurumi ang kanilang pangangatawan. At higit sa lahat ay nanlilimos sila upang mayroon silang pambili ng kanilang pagkain.

Maya-maya pa ay bumuhos na ang malakas na ulan. Nakisilong saglit si Angela sa isang tindahan sa palengke.

“Nawawala po ako, ginang. Baka po maaaring dito muna po ako hanggang makita ko po ang nanay ko,” pakiusap niya sa ale. Pinatuloy naman siya ng babae kaagad at inutusan ang isang trabahador na ireport sa pamunuan ng palengke ang kanyang pagkawala upang maianunsyo sa buong palengke.

“Paano ka nahiwalay sa nanay mo? Hindi ka ba kumapit ng maayos? Ang dami pa namang tao lagi sa palengke,” pagtataka ng babae. Hindi na nakaimik pa si Angela at napayuko na lamang.

Mamaya ay may isang batang nagpunta sa tindahan.

“Ate, baka pwedeng makahingi ng pagkain, nagugutom na po kami ng kapatid ko,” sambit ng pulubing bata.

“Ito, sa inyo na itong biko na ito. Kayo na ang kumain,” sabay abot ng isang lalagyan sa pulubi. “Kawawa naman ang mga batang ‘yan lagi na lamang namamalimos. Palibhasa ay wala nang mga magulang,” patuloy sa pagsasalita ang babae.

Doon ay napagtanto ni Angela ang lahat. Maswerte siya sa aspeto ng maraming bagay. Hindi na napigilan pa ng bata ang umiyak lalo na ng makita sa tapat ng tindahan ang kanyang ina.

“Mama! Akala ko po ay hindi ko na kayo makikita,” iyak ng iyak si Angela na yumakap sa ina.

“Puwede ba naman na pabayaan kong hindi ka mahanap, anak? Sa susunod ay huwag ka nang lalayo sa akin,” bilin ng ina.

“Maraming salamat sa pagtulong sa anak ko, ale. Maraming maraming salamat!” sambit ni Merly sa ginang na may-ari ng tindahan.

Habang naglalakad pauwi ay humingi ng tawad ni Angela sa kanyang ina.

“Patawad po, mama, kung hindi ko napapahalagahan ang mga bagay na mayroon ako. Tama po kayo, kahit hindi tayo lubusang mayaman ay lubusan naman akong maswerte higit sa ibang bata diyan. Malakas ang aking pangangatawan, buo ang pamilya, mayroong bahay na natutuluyan lalo na kung may ulan at hindi po ako nagugutom. Lalo na po naibibigay sa akin ang mga pangunahing pangangailangan ko. Saka nakakapag-aral pa po ako,” wika ni Angela.

“Simula ngayon, mama. Pangako ko po sa inyo ni papa ay hindi na po ako magrereklamo sa kahit anong bagay bagkus ay ipagpapasalamat ko ang mga bagay na mayroon ako. Patawad po talaga, mama,” dagdag pa ng bata.

Malugod na niyakap ni Merly ang anak. Masaya siya na sa wakas ay napagtanto na ng anak ang kanyang kamalian at habang maaga ay maitutuwid na niya ang pag-uugali nito.

Masayang naglakad at nagkwentuhan pauwi ang mag-ina. Sa bahay ay pinagluto ni Merly ang anak ng kanyang paboritong fried chicken at masaya nilang pinagsaluhan ang kanilang hapunan.

Advertisement