“Will you marry me?” marahang tanong ni Ben sa kaniyang limang taong nobyang si Andrea. Ang mga mata nila’y nagtititigan at nangungusap. Habang may romantikong musika na tumutugtog sa kainan kung saan naghanda si Ben upang alukin ng kasal ang nobya.
Hindi makapaniwala ang dalawampu’t siyam na dalagang si Andrea na sa wakas ay tinatanong na siya ng isang tanong na magpapabago ng kaniyang buhay… bagong kabanata ng kaniyang buhay. Matagal na niya itong gustong mangyari dahil na rin sa kaniyang edad na nag-aalinlangan siyang baka mahirapan na siyang manganak.
Walang pakundangan ay agad naman sumagot ang dalaga sa kaniyang irog na si Ben. “Yes. Yes, Ben. Yes!” masayang sabi nito sa binata. Natapos ang gabing iyon na kanilang anniversary na may ngiting hindi matanggal sa kanilang mga mukha.
Lumipas ang tatlong buwan at nakaayos na ang lahat pati na petsa ng kanilang kasal.
Nagpasiyang magkita ang dalawa sa isang kainan kung saan inalok ng kasal ni Ben si Andrea. Narating ng dalaga ang restaurant na may lungkot sa mga mata nito.
“Alright, babe, ito na ‘yon. Iyong garden wedding natin! Pangarap kasi iyon ng parents ko. Alam mo na, only child ako, di ba?” banggit ni Ben sa nobya na nakatingin lamang sa kaniya habang tumutungo-tungo lamang ito.
“Ha? Ahh… Ehh… Oo naman. Sure. Sure. Gusto ko din naman ‘yon. Sige lang,” mariing sagot ng dalaga.
“Tapos itong coordinator ng wedding natin. Sobrang galing. Nasubukan na ng pinsan ko ito eh. At tama nga sila, halos hindi sumakit ang ulo ko. At meron din catering service na kakilala si mommy, ako na ang bahala,” tuloy tuloy na wika nito sa kaniyang nobya. Patuloy lamang sa pagtungo si Andrea. Ganito naman kasi palagi. Si Ben ang nasusunod sa lahat ng bagay at kung may sabihin man siya, hindi iyon mahalaga dahil para sa lalaki, siya ang palaging tama. Ganoon din ay mauuwi lamang sa away ang lahat.
“See you tomorrow at the wedding, babe! Sorry hindi na kita mahahatid kasi maiipit ako sa traffic,” paalam ni Ben sa nobya.
Umuwi si Andrea ng kanilang bahay na dismayado. Alam niyang ganoon ang ugali ni Ben ngunit umasa siyang kahit na sa ngayon lang, siya naman ang masunod. May pangarap din siyang kasal, ito ay sa dalampasigan ng dagat habang sunset. Ngunit dahil taliwas iyon sa gusto ni Ben, hinayaan na lamang niya.
“Bukas na ang kasal ko pero bakit parang hindi ko maramdaman?” bulong ng dalaga sa kaniyang isip.
Nang makapasok sa kanilang bahay, napansin niyang sarado na ang mga ilaw. Ngunit nang subukan niyang buksan ang ilaw, hindi iyon gumagana. Binuksan ang kanilang ref ngunit sarado rin iyon. Napabuntong-hininga na lamang siya. Napaupo sa kanilang sofa habang minamasahe ang kaniyang ulo. Maya-maya pa’y dumating na ang kaniyang ina na hinatid ng isang lalaki. Naghanda siya kaagad upang salubungin ang ina na lasing pa mula sa pinuntahang party.
“Ma, ano ‘to, bakit wala tayong kuryente?” mahinahong wika niya sa ina.
“Oh, nandiyan ka na pala, mahal kong anak na pinakamaganda…” sagot nito sa anak.
“Ma, tinatanong kita… Nagbigay ako ng pambayad nung nakaraang araw ha?” muli niyang tanong sa ina. Ngunit wala siyang natatanggap na sagot mula rito dahilan ng tuluyan niyang pagkainis.
“Ma! Bakit walang kuryente?! Saan mo na naman dinala yung perang pinaghirapan ko, ma? At sino na naman iyong bagong lalaki na ‘yon? Ano, uuwi ka na naman ng bago tapos ano, iiwan ka na naman? Tapos maghahanap ka na naman!” pagmamataas niya ng boses sa ina na ikinagulat nito at humampas sa kaniyang pisngi ang mga kamay nito. Parehong nabigla ang dalawa. Kakaunting saglit ay tumahimik ang dalawa at ang buong bahay.
“Sorry…” sumamo ng ina ngunit mabilis na kinuha ni Andrea ang kaniyang bag at umalis ng kanilang bahay.
Habang naglalakad sa kalsada, puno ng luha ang mga pisngi at mata ni Andrea. Hindi niya alam kung saan pupunta o ano ang dapat gawin ng mga oras na iyon. Nilabas niya ang kaniyang telepono upang tawagan si Ben. Sobrang sama ng kaniyang loob at mabigat ang pakiramdam. Hindi iyon maganda para sa kanilang kasal kinabukasan. Maraming beses pa nang sa wakas ay sagutin ni Ben ang telepono.
“Hello…” wika niya ngunit agad sumagot ang binata na parang nagmamadali.
“Hi, babe! Pasensya ka na, hindi kita makakausap ngayon. May kinakausap kasi akong tao na magde-deliver nung wedding dress mo bukas. Kung saan tayo nagpagawa, remember? Saka medyo nagkaroon ng kaunting problema sa arrangements. I’ll call you later kapag tapos na. O kaya, matulog ka na. Alam kong excited ka na para bukas at ako din naman. Okay, babe? Bye. I love you!” mabilis na wika ni Ben. Naiwang nanghihina si Andrea. Sa mga oras na iyon, ang tanging matatakbuhan sana niya ay ang kaniyang mapapang-asawa na si Ben.
Patuloy sa pagbuhos ng luha si Andrea. Naaawa siya sa sarili dahil kahit na kailan ay hindi man lang niya makuha ang kaligayahan na gusto niyang makamtan. Maganda siya, matalino, maayos sa trabaho, ngunit pagdating sa kaniyang buhay pag-ibig, wala man lang siyang ambag kundi patuloy na pag-unawa at pag-intindi sa kaniyang nobyong si Ben.
Narating ni Andrea ang kainan kung saan sila malimit kumakain ni Ben. Upang pakalmahin ang sarili, minabuti niyang magpalipas muna ng oras doon at uminom ng malamig na inumin. Ngunit nang bubuksan pa lamang niya ang babasaging pinto ng kainan na iyon, nanlaki ang kaniyang mga mata na noo’y maga na sa kakaiyak. Kitang-kita niya roon si Ben na may katabing ibang babae.
Nakahawak sa balikat ng babae at patuloy sa paghalakhakan ang dalawa kasabay nito ay ang pahapyaw na mga halik sa pisngi at balikat ng babae. Imbes na mapabuti ay halos bumagsak ang mundo ni Andrea. Dali-dali siyang lumayo sa nasabing kainan nang bigla siyang napatingin sa kaniyang daliri kung saan nakalagay ang singsing na ibinigay sa kaniya ni Ben. Huminga siya ng malalim at binilisan ang lakad pabalik sa kainan. Tumapat siya sa lamesa kung saan naroon ang nobyo at agad iyong napatayo nang makita siya doon.
“Alam mo ayos lang sakin tiisin kung gaano mo ko binabalewala eh. Kung paano mo sinusunod lahat ng gusto ng mga magulang mo kahit na buhay naman natin ito. Ayos lang yun sa akin, Ben. Pero ito, ito, hindi ito ayos sa akin. Bye. Pakasalan mo ‘yang babae mo!” matapang na bigkas ni Andrea sabay pagpatong ng singsing sa lamesa habang naiwan naman ang dalawa sa loob.
Pagkalabas na pagkalabas ng restaurant, nanghina ang tuhod ni Andrea. Pakiramdam niya ay bumagsak na ang kaniyang buong mundo. Gusto niyang magwala, gusto niyang sumigaw, gusto niyang ngumalngal ngunit hindi niya iyon magawa. Hanggang sa makita niya ang ina na lumuluha sa kaniyang tapat. Bumuhos ang luha ng mag-ina. Nasaksihan lahat ng kaniyang ina ang mga nangyari sa loob ng restaurant. Nakataas ang mga kamay nito habang lumuluha. “Halika dito, anak ko… Patawarin mo si mama. Halika…” marahang wika nito sa dalagang lumuluha. Walang pasubali, agad na tumakbo si Andrea sa mga bisig ng ina. Humingi ng tawad ang ina sa lahat ng kaniyang pagkukulang sa anak. Nakita niya ang lahat ng hirap nito hindi lamang bilang isang anak kundi isang babae na umibig ng maling tao.
Simula noon, hinanap na ni Andrea ang kaligayahan hindi sa pagtitiis kundi sa piling ng kaniyang ina na ginagawa ang lahat upang makabawi sa kaniyang mga pagkukulang.