Inday TrendingInday Trending
Palayain Mo Na Ako

Palayain Mo Na Ako

“Riva, bakit ka lumabas ng bahay? Hindi ba’t mahigpit ang bilin ko sa’yo kaninang bawal kang lumabas?!” Nagpupuyos sa galit si Gerald dahil sa ginawang pag-alis ni Riva sa tahanan nila.

“M-may binili lamang ako Gerald,” nahihintakutang wika ni Riva, lalo na no’ng akma siyang sasampalin nito. “Patawad. Hinding-hindi na mauulit.”

“Dapat lang Riva!” Nilapitan siya nito at sinakal sa leeg. “Kapag sinabi kong dito ka lang sa bahay, dapat dito ka lang. Naiintindihan mo ba?”

Tumango si Riva na may nanggigilid na luha sa mga mata. “Oo Gerald,” mangiyak-iyak niyang sagot.

Hindi niya na matandaan kung kailan naging ganito ang kaniyang asawang si Gerald. Basta isang araw ang nagulat na lang siya dahil hindi na maganda ang pagtrato nito sa kaniya. Masyado na itong naging seloso, na halos ayaw nitong makita siya ng ibang tao. Kapag sinuway niya ang sinabi nito ay agad siyang nakakatanggap ng parusa at minsan ay binubugb*g pa siya ng asawa.

“Riva!” Nakasinghal na tawag ni Gerald sa kaniya isang gabing umuwi ito galing sa trabaho.

“Bakit Gerald?” Kinakabahang tanong ni Riva.

Agad siyang sinalubong ni Gerald ng sakal, dahilan upang mahirapan siyang huminga. “Anong iyong nakarating sa’kin na nakipagkita ka kay Joanna?”

“G-gerald, kaibigan ko si Joanna at inimbitahan lamang niya akong makipagkita, sapagkat matagal na panahon na rin mula noong huli kaming nagkitang dalawa.” Nahihirapang bigkas ni Riva sapagkat sakal-sakal siya ni Gerald.

“Ano bang sinabi ko sa’yo? Ilang beses ko bang sasabihin na hindi ka maaaring lumabas ng bahay na ito kapag hindi mo ako kasama?!” Nagtutunugan ang mga bagang ni Gerald sa labis na galit.

“Sige, Gerald! Sige! P*tayin mo na lang ako!” Galit na wika ni Riva. “Kung iyan ang ikakasaya mo, tuluyan mo na lang akong p*tayin. Tutal sa ginagawa mo naman sa’kin ay para mo na rin akong pinap*tay!” Sigaw ni Riva, dahilan upang matauhan si Gerald at agad siyang nabitawan.

“R-riva,” mahinang sambit nito sa kaniyang pangalan na para bang natauhan bigla. “Riva, mahal ko. Hindi ko sinasadyang saktan ka,” mangiyak-iyak na wika ni Gerald. “Patawarin mo ako.”

“Palayain mo na lamang ako Gerald,” humihikbing sambit ni Riva. “Hindi ko alam kung anong nangyayari sa’yo pero nasasakal na ako sa mga ginagawa mo.”

“Riva, ginagawa ko lang iyon dahil sa labis kong pagmamahal sa’yo.”

“Hindi, Gerald! Kung ganito ang pagmamahal mo, hinihiling kong sana ay huwag mo na lang akong mahalin.” Tumatangis na pakiusap ni Riva. “Sapagkat nasasaktan ako sa sinasabi mong pagmamahal. Binub*gbog mo ako dahil sa galit na hindi ko alam kung saan nanggagaling. Nasasak*l mo ako dahil sa mga hinalang ikaw lamang ay may gawa. Nasasaktan mo ako ng labis sa pagmamahal mo, Gerald. At pagod na ako.”

“Patawarin mo ako, Riva,” nagmamakawang pakiusap ni Gerald sabay luhod sa harapan ni Riva.

“Patawarin mo rin ako Gerald,” matigas na sambit ni Riva. “Sa anim na taon nating pagsasama ay bilang ko lamang ang mga sandaling naging masaya ako sa piling mo.” Muli na namang nag-unahan ang mga luhang kanina pa nais humulagpos. “Tama na ang lahat ng ito, Gerald. Palayain mo na lamang ako. Isipin mong maigi ang mga dahilan kung bakit dahan-dahang nawala sa puso ko ang pagmamahal ko sa’yo.”

“Hindi! Hindi ka aalis, Riva.” Matigas na pagpigil ni Gerald sa asawa. Mahal na mahal niya si Riva, kaya nga siya nagseselos kapag may naririnig siyang hindi magandang ginawa nito. Ayaw lamang niyang mawala ang kaniyang minamahal, ngunit ang matagal na niyang kinakatakutan ay mukhang mangyayari na. Hindi niya kakayanin.

“Kung ayaw mo akong palayain ay mas maigi pang kitilin mo na lang ang aking buhay, Gerald. Hindi ko na maatim ang makasama ka pa. Kaya kung ayaw mo akong mawala sa’yo ay mas maigi pang pat*yin mo na lamang ako,” matigas na sambit ni Riva. Pursigido na siya at totoong hindi na niya kayang makasama ang asawa.

“Hindi ko kaya,” umiiyak na wika ni Gerald.

“Patawarin mo ako mahal ko. Sa labis na pagmamahal ko at sa takot kong mawala ka’y naging mapusok ako. Hindi ko naisip na sa ugaling pinapakita ko’y mas lalo kang lalayo at mawawala sa’kin.

Ang buong akala ko ay matatakot ka sa’kin at ang takot na iyon ang magiging dahilan kaya mas pipiliin mong makasama ako habang buhay. Ngunit nagkamali ako mahal ko. Patawarin mo ako,” humihikbing wika ni Gerald.

“Hindi maganda ang isang relasyong may takot, Gerald. Palayain mo na lang ako. Hayaan muna natin ang isa’t-isang makapag-isip. Kung talagang tayo ang itinadhana, tayo pa rin hanggang sa huli.” Niyakap ni Riva si Gerald bago tuluyang lisanin ang bahay nila.

Tama si Riva, hindi kailanman magiging matagumpay ang relasyon kung pinapakitaan ka partner mo ng pananakot. Magkaramay kayo at hindi magkaaway. Huwag maging masyadong mapusok, dahil ang lahat ng bagay ay may hangganan.

Advertisement