“O, Jun, mukhang problemado ka? Anong nangyari?” tanong ng asawa niyang si Paz.
“Nagbawas kasi ng mga trabahador sa pinapasukan kong factory, eh, at sa kasamaang palad ay isa ako sa mga natanggal,” malungkot na sabi ng lalaki.
“Ano?! Wala namang pakundangan ang may-ari ng factory na iyon. Ikaw pa na matagal na sa serbisyo ang tinanggal?”
“Hayaan mo na, panahon na siguro para ituloy ko ang naudlot kong pagtatrabaho noon sa abroad para makaipon ako ng pera para makabili ako ng sariling pampasadang jeep.”
Matagal na niyang plano na magtrabaho sa Qatar para bumili ng pampasadang jeep upang hindi na siya magtrabaho sa factory at mamasada na lang ng jeep para wala siyang pinaglilingkurang amo. Marunong siyang magmaneho dahil dati ring drayber ng jeep ang kanyang yumaong ama.
“Pag-isipan mo munang mabuti ang balak mong iyan, Jun. Puwede naman na hindi ka magtrabaho sa ibang bansa, eh. Maayos naman ang kita ng sari-sari store natin,” wika ng kanyang maybahay.
“Malapit nang mag-high school si Adrian. Malaking tulong rin ang kikitain ko sa pamamasada ng jeep para sa pag-aaral ng anak natin. Isang taon lang naman ako magtatrabaho roon, babalik rin ako rito. Alam mo namang pangarap ko na magkaroon ng sariling pampasadang jeep na hindi natupad ni tatay noon,” aniya.
“Kung iyan ang desisyon mo’y susuportahan kita ngunit kailangan mo ring sabihin sa ating anak ang balak mo kasi tiyak kong magtatanong iyon kung bakit ka aalis.”
“Sasabihin ko rin naman sa kanya.”
Kinagabihan ay kinausap ni Jun ang kanilang anak.
“Anak, may s-sasabihin sana ako sa iyo, eh.”
“Ano po iyon, itay?” nagtatakang tanong ng anak.
“May balak akong magpunta sa Qatar para magtrabaho. Malayong lugar iyon, anak. Nawalan kasi ako ng trabaho at kailangan kong tulungan sa paghahanapbuhay ang nanay mo para sa pag-aaral mo kaya naisip kong magtrabaho sa ibang bansa para makaipon ng pera para makabili ng pampasadang jeep para hindi na ako kailangang magtrabaho sa malayo,” sabi niya sa seryosong tono.
“Aalis ka po itay? Iiwan mo kami ni inay?” malungkot na tanong ng bata.
“Babalik din naman ako agad, anak. Isang taon lang ako mawawala. Pag balik ko ay hindi na ako aalis uli dahil mamamasada na lang ako ng jeep.”
Kahit naipaliwanag na niya sa anak ang dahilan kung bakit siya mangingibang bansa ay palagi pa rin itong malungkot at walang ganang kumain.
Isang araw, nagulat ang asawa niyang si Paz dahil maagang gumising ang anak nilang si Adrian. Nagtataka ang babae dahil hindi naman dating gumigising ng sobrang aga ang bata. Ang oras ng gising nito ‘pag pumapasok sa eskwelahan ay alas-singko nang umaga ngunit napapansin nitong ilang araw na itong gumigising ng alas-tres nang umaga. Dahil mahilig mag-aral si Adrian, ang akala ni Paz ay nagre-review lang ito o gumagawa ng homework.
“Anak, napapansin ko na palagi kang gumigising nang maaga. Ano bang pinagkakaabalahan mo?” tanong ng ina.
“W-wala po akong ginagawang masama, inay. Kailangan ko lang po gumising nang maaga para matuwa po si itay!” anito.
Inakala ni Paz na ginagawa lamang iyon ng kanilang anak para mapasaya ang ama bago ito umalis kaya hinayaan lang niya ngunit habang tumatagal, hindi lang pag-gising ng sobrang aga ang ginagawa nito, gabi na rin ito umuuwi sa kanilang bahay galing sa eskwelahan. Palagi niyang binabalak na hulihin ito sa akto kung anong ginagawa nito sa tuwing gumigising nang maaga ngunit palagi ring siyang nabibigo dahil natatalo siya ng antok. Hindi kasi siya sanay na gumising ng ganoong kaaga, misan nga ay ang anak pa ang gumigising sa kanilang mag-asawa. Dahil sa kakatwa nitong ginagawa ay kinausap na ni Paz ang asawa tungkol sa anak.
“Jun, nag-aalala na ako sa ginagawa ni Adrian. Araw-araw siyang gumigising ng alas-tres ng umaga at gabi na umuuwi. Sa una ay akala ko sinasadya lang niya iyon para matuwa ka sa kanya, pero habang tumatagal ay kinukutuban na ako,” sumbong niya sa mister.
“Ganoon ba? Huwag kang mag-alala, aalamin natin kung ano talaga ang ginagawa niya,” ani Jun.
Para magising nang maaga ay pinatunog nila ang alarm clock. Eksaktong alas-tres nang umaga ay sinilip nila ang kwarto ni Adrian at nagulat sila na wala na ito sa higaan. Nang pumunta sila sa kusina ay laking gulat rin nila nang makitang nagluluto ang bata. Manghang-mangha ang asawa dahil ngayon lang nila nalaman na marunong pala itong magluto.
“A-anak, anong ginagawa mo? Ano iyang niluluto mo?!” gulat na tanong ni Jun.
Nagulat rin ang bata nang makita sila ngunit sandali lang iyon at sumilay ang isang malapad na ngiti.
“Nagluluto po ako ng yema, itay.”
“B-bakit ka nagluluto niyan, anak?” nagtatakang tanong ng ina.
“Ibinebenta ko po iyan, inay sa school. Nag-research po ako sa internet kung paano magluto ng yema, gusto ko po kasi ako mismo ang magluluto. Nanggaling naman po sa inipon kong pera ang ipinambili ko ng ingredients. Hindi ko na po kayo ginigising dahil ayoko pong maistorbo ang tulog niyo ni itay. Pag hindi po ito nauubos ay inilalako ko bago ako umuwi kaya po ginagabi na ako pag-uwi dito sa bahay.”
“Hindi mo naman kailangan gawin iyan. Kung kailangan mo ng perang pambaon mo sa eskwelahan, eh sabihin mo sa amin ng itay mo. Bibigyan ka naman namin. Hindi mo kailangan na magtinda niyan.”
Maya-maya ay may iniabot ang bata sa kanila. Isa iyong kahon na puno ng mga barya at perang papel.
“Itay, inay, tingnan ninyo, marami na po akong naiipong pera. ‘Pag marami na po ito ay ibibigay ko sa inyo itay para makabili na po kayo ng pampasadang jeep. Pag mayroon na kayong jeep ay hindi niyo na kailangan na magtrabaho sa malayo, para hindi ka na umalis, itay,” hayag ng bata.
Sa puntong iyon ay hindi napigilan ng mag-asawa na mapaluha sa sinabi ng bata. Napagtanto ni Jun na sa murang isipan ni Adrian ay naisip iyon ng kanilang anak, para hindi na siya umalis at iwan ang kanyang mag-ina.
Napagpasyahan ni Jun na huwag nang ituloy ang pagpunta sa Qatar at maghahanap na lang uli siya ng trabaho para makaipon ng pambili ng pampasadang jeep. Laking pasasalamat niya sa anak na si Adrian dahil ipinaalala nito na hindi niya ito kayang iwan pati na rin ang kanyang asawa. Mas pinili niya na hindi na umalis para manatiling buo ang kanilang pamilya.