Inday TrendingInday Trending
Panlaban Sa Sumpa

Panlaban Sa Sumpa

“Mahal, natatakot ako.”

Nangingilid ang luha ni Ericka habang nakasandal ang ulo niya sa balikat ng kaniyang asawa. Himas-himas niya ang kaniyang malaki nang tiyan, dahil kabuwanan na ngayon ng kaniyang panganganak.

“Ano ba ang ikinakatakot mo, mahal ko?” masuyong hinaplos ng asawang si Jared ang kaniyang mukha. “Hmm?”

“A-ang sumpa ni Tiya Criselda. P-papaano kung magkatotoo ʼyon, mahal? Papaano kung magkatotoong maging pangit nga ang anak natin at maging tampulan siya ng tukso sa paglaki niya? Paano kung—”

Bigla siyang pinutol ni Jared sa pagsasalita. Pinahinto nito, gamit ang isang daliri ang kaniyang mga labi.

“Huwag mong isipin iyon, mahal. Hinding-hindi mangyayari ʼyon,” sabi pa nito sa kaniya.

“Pero natatakot pa rin ako, mahal. Sana, ako na lang ang isinumpa niya, tutal sa akin naman siya galit!”

Humagulhol na si Ericka dahil sa sobrang takot na nararamdaman. Pakiramdam niyaʼy bumabalik sa kaniyang mga alaala ang mga sandali, bago bawian ng buhay ang kaniyang Tiya Criselda, ang legal na asawa ng kaniyang daddy na kahit kailan ay hindi niya nakasundo.

“Magiging pangit ang anak mo! Hindi ka magiging masaya dahil ikaw ang dahilan kung bakit hindi rin kami naging masaya ng asawa ko! Ikaw ang nagpapaalala sa akin na minsan nila akong niloko ng nanay mo!”

Malaki ang galit sa kaniya ng kaniyang Tiya Criselda. Siya kasi ang naging bunga ng pagtataksil ng kaniyang ama rito noon. Kahit kailan ay hindi siya nagawang tanggapin nito, o mahalin dahil siya raw ang buhay na paalala ng isang gabing kataksilan. Kahit noong mawala na sa mundo ang tunay niyang mama ay hindi man lang nabawasan ang galit sa kaniya ni Tiya Criselda bagkus ay lalo pa nga iyong tumindi, dahil wala na raw itong ibang mapagbabalingan ng galit kundi siya.

“Mahal, makakasama sa baby natin ang pag-iisip mo nang ganiyan.” Inalo ulit ni Jared si Ericka, ngunit humagulhol lamang muli ito.

Alam naman ni Jared kung bakit. Iyon ay dahil nagkatotoo noon ang sumpa ni Tiya Criselda sa tunay na ina ni Ericka. Nagkasakit ito at nahirapan muna bago pumanaw, tulad ng palaging sinasabi ni Tiya Criselda noon.

Ang totoo, maging si Jared ay natatakot para sa magiging anak niya. Ngunit kailangan niyang magpakita ng tapang sa harap ng kaniyang asawa para sa kaniyang mag-ina.

Nang makaidlip si Ericka ay agad na tinawagan ni Jared ang kaibigan niyang pastor upang humingi ng payo.

“Hindi ko na alam ang gagawin ko, pare. May alam ka bang mabisang pangontra sa sumpa?” may panghihinang tanong ni Jared sa kaibigang si Roland.

“Dasal, pare. Dasal ang pinakamabisang pangontra at panlaban sa kasamaan. Dasal at matibay na pananalig sa Diyos. Magtiwala ka lang sa Kaniya at magiging ayos na ang lahat. Hindi Niya kayo pababayaan.”

Natapos ang tawag na medyo lumuwag ang dibdib ni Jared. Naliwanagan din ang kaniyang isip sa dapat niyang gawin.

Pinagmasdan niya ang nahihimbing na asawa at napangiti. Tama nga ang kaibigan niyang si Roland. Wala siyang dapat ikatakot dahil alam niyang hindi sila pababayaan ng Diyos.

Umupo si Jared sa tabi ni Ericka sa kama at hinawakan niya ang kamay nito. Pagkatapos ay pumikit siya at taimtim na ipinagdasal ang kaligtasan ng kanilang buong pamilya. Nagpasalamat na rin siya sa Diyos dahil sa mga biyayang natatanggap nila sa pang-araw-araw.

“Mahal, anoʼng ginagawa mo?” naitanong ni Ericka nang maalimpungatan ito habang nagdarasal pa rin si Jared.

“Sssh, mahal. Nagdarasal ako. Halika, samahan mo ako. Hihingi tayo ng paggabay sa Panginoon, para mawala na iyang takot na nararamdaman mo. Ihihingi na rin natin ng kapayapaan sa damdamin niya si Tiya Criselda,” pag-aaya ni Jared.

Mabilis namang tumalima si Ericka. Napangiti siya dahil sa nakikitang pagmamahal nito sa kaniya at sa kanilang anak. Naisip niyang wala nga pala siyang dapat ikatakot dahil kahit anong mangyari ay hindi sila pababayaan ng Diyos. Lalo na at ang napakabuting si Jared ang naging asawa niya.

Dumating ang araw ng kapanganakan ni Ericka. May kaunti pa ring takot na namamayani sa kaniyang puso, pero agad din iyong pinalis ng mahigpit na kapit ni Jared sa kaniyang kamay habang siya ay nagle-labor.

Tagumpay! Nairaos ng mag-asawa ang pagluwal sa kanilang mahal na anak. Ang mas nakakatuwa pa, napakagandang batang babae nito! Kamukhang-kamukha ni Ericka, habang nakuha naman nito ang tangos ng ilong ng kaniyang ama.

Walang natupad na sumpa. Ang mga dasal at ang taos-pusong pananalig nila ang nagsilbing proteksyon ng kanilang buong pamilya. Nangako ang mag-asawa na lalo pang papatindihin ang pananalig sa Diyos at palalakihin ang kanilang anak na madasalin.

Advertisement