Inday TrendingInday Trending
May Babae ba si Wilson?

May Babae ba si Wilson?

“Mars… anong gagawin ko? Huhulihin ko ba? Kokomprontahin ko ba?” tanong ni Rhoda sa kumareng si Susan habang sila ay nag-uusap sa cellphone. May hinala kasi siyang nambababae ang mister niyang si Wilson. Hindi niya mapigilang maiyak.

Marami itong mga kakatwang kilos nitong mga nagdaang araw na hindi niya maipaliwanag. Dati naman, nagsasabi at nagkukuwento ito sa kaniya.

“Mars, ano ba kasing instinct mo? Alam mo kasi, tayong mga babae ay may natural na instinct. 90% totoo ‘yon. Kaya kung ako sa iyo, mag-imbestiga ka na. Ano bang napansin mo kay kumpare lately?” untag ni Susan.

“Napansin ko tuwing Martes, Huwebes at Sabado ginagabi siya ng uwi. Tapos nakangiti lagi at hindi maalis ang cellphone sa kamay. Kapag tatanugin ko naman bakit masaya ang kumag, hindi naman nagsasalita. Yayakapin lang ako at hahalikan sa pisngi. Tapos minsan, nahuhuli ko siyang may kausap sa cellphone niya. Kapag namataan ko siya, agad niyang ibinababa,” malungkot at naiiyak na kuwento ni Rhoda.

Nanlaki ang mga mata ni Susan. Nangilid din ang mga luha nito. “Mars, ganiyang-ganiyan din si George noong nambabae siya. Naalala ko pa noon. Ganiyang-ganiyan,” at tuluyan na ngang napaluha si Susan.

Saglit itong tumayo upang kunin ang tissue roll na nakapatong sa ibabaw ng side table. Pagkaraan, suminga-singa ito sa tissue paper.

“Talaga mars? Oo nga… nakuwento mo before na may nakita ka pang bahid ng lipstick sa kuwelyo ng polo niya. Saka minsan may naaamoy kang scent ng pabango ng babae sa katawan niya. Kinompronta mo siya hindi ba?” tanong ni Rhoda.

“Oo, mars. Pero hindi naman siya umamin. Asa kang aamin ang mga lalaking iyan! Walang lalaki ang mangangahas na umamin sa kasalanan nila, unless mahuli mo sa akto. Tapos kapag nahuli mo sa akto, hihingi ng tawad na akala mo eh sising-sisi at hindi na uulit. Eh kaya lang naman sila nagso-sorry dahil buking na sila. Kaya mars… sinasabihan na kita, manmanan mo na yang si Wilson! Bago mahuli ang lahat mars, maniwala ka sa akin,” payo ni Susan.

At iyon nga ang ginawa ni Rhoda. Hindi na siya natigil sa kaiisip kung paano huhulihin sa akto si Wilson kasama ang kabit nito. Naging tila paranoid na si Rhoda sa tuwing makikita niyang may kausap sa cellphone ang asawa, o kaya naman kapag ginagabi ito ng uwi.

Wala naman siyang lakas ng loob para komprontahin ang mister. Umuukilkil sa kaniyang isip ang sinabi ng kumareng si Susan, na aamin lamang ang lalaki kapag nahuli na sa akto.

Gusto niyang mahuli sa akto si Wilson. Inobserbahan ni Rhoda ang mga ikinikilos ng mister. Lagi itong masaya tuwing uuwi ng gabi ng Martes, Huwebes, at Sabado. Dalawang buwan na siyang ganito.

Pagsapit ng pangatlo at pang-apat na buwan, halos araw-araw nang umuuwi ng gabi ang asawa mula sa trabaho. Hanggang isang gabi, sumabog na sa galit at pagkadismaya si Rhoda, lalo pa’t anniversary nila ni Wilson at wala pa rin ito.

Nagluto pa naman ng masasarap na pagkain si Rhoda: turbo chicken, lasagna na paborito ni Wilson, salad, at wine. Subalit ginabi nang labis si Wilson.

“Mahal, pasensya na ha… ginabi ako. Lalabas sana tayo eh…” pagpapaumanhin ni Wilson. Tumatagaktak ang pawis nito sa noo. Parang nagmadali.

Napansin din ni Rhoda na parang hindi maayos ang pagkakabutones ng polo ng mister. Ang hayop, mukhang katatapos lang sa… hindi na natuloy ni Rhoda ang iniisip dahil pumalahaw na siya ng iyak.

Nagtaka naman si Wilson sa inasal ng misis kaya nilapitan niya ito. Lumayo naman si Rhoda upang hindi siya mayakap o mahawakan man lamang ng mister. “Anong nangyayari, mahal? May nagawa ba akong pagkakamali?” nakakunot ang noo ni Wilson.

“Pinalagpas ko ang mga araw na ginagabi ka ng uwi mula sa trabaho mo. Inisip ko na lang, baka busy ka. Pero ngayong araw na ito na kinalimutan mo ang aniniversary natin? Hindi ko na ito mapapalagpas! Sabihin mo nga sa akin, sino ang babae mo?!” galit na sumbat ni Rhoda habang umiiyak.

Kitang-kita ni Rhoda sa mukha ng mister ang pamumutla. Hindi ito nakahuma. “Akala mo ba hindi ko napansin na lagi kang gabing-gabi kung umuwi tuwing araw ng Martes, Huwebes at Sabado? At makalipas ang tatlong buwan, inaaraw-araw mo naman. Sino ang kabit mo? Sino?!” kumpronta ni Rhoda.

“Wala akong ibang babae, mahal…”

“Sinungaling! Huwag mo kong matawag-tawag na mahal ah. Gusto kong makilala ang kabit mo, kaya pupunta tayo sa kaniya ngayon. Halika na…” marahas na hinila ni Rhoda ang bisig ni Wilson palabas.

Halos kaladkarin na niya ito. Walang imik naman si Wilson. Tahimik na nagmaneho si Wilson habang tahimik namang umiiyak si Rhoda. Dalawang rolyo na yata ng tissue ang kaniyang nagamit ngunit ayaw pa ring umampat ng pagbalong ng mga luha ni Rhoda.

Ilang minuto lamang, huminto sa harap ng isang tila bagong gawang restaurant ang kotse. Bumaba si Wilson at pinagbuksan ng pinto sa passenger seat ang misis. Hilam ang mga mata ni Rhoda sa luha.

“A-ano ‘to? Bahay ba ito ng kabit mo? Bakit mukhang restaurant?” maang na tanong ni Rhoda. Saka lamang ngumiti at natawa si Wilson. Iginiya ni Wilson ang misis patungo sa harap ng bagong gawang restaurant.

“Mahal, tama ka naman. May inililihim ako sa iyo, at apat na buwan kong pilit na itinago sa iyo. Gusto ko kasing ipakita sa iyo ang sorpresa ko ngayong anniversary natin. Mahal… wala akong ibang regalo sa iyo kundi ang restaurant na ito. Ang restaurant na pinangarap mo…” nakangiting paliwanag ni Wilson.

“A-akin ito? A-atin ito?” maang na tanong ni Rhoda. Sinulyapan niya ang itaas ng restaurant at ang nakalagay nga’y Rhoda’s Restaurant. Pangarap ni Rhoda na magkaroon ng sariling restaurant bilang negosyo. At ngayon, tinupad na ito ni Wilson!

“Kaya ako ginagabi noon tuwing Martes, Huwebes, at Sabado kasi iyon ang schedule ko sa pagpunta at pagmonitor sa construction nito. At dahil malapit na ang anniversary natin, paspasan na ang pagtapos nito kaya gabi-gabi na akong nagpupunta dito sa location to make sure that everything is settled. And that’s it, mahal. Balak ko talagang ipakita ngayon ang surprise ko,” paliwanag ni Wilson.

Ang kaninang pagluha ni Rhoda dulot ng sama ng loob sa pag-aakalang may kabit si Wilson ay napalitan ng mga luha ng kaligayahan. Niyakap at hinalikan niya sa labi ang mister na walang kamalay-malay na pinaghihinalaan na nang masama ng kaniyang misis.

“Akala ko talaga may babae ka na! Mahal, patawarin mo ako. Masayang-masaya ako sa sorpresa mo, pero pinakamasaya ako kapag alam kong nariyan ka sa tabi ko at ako lamang ang mahal mo,” paghingi ng tawad ni Rhoda kay Wilson.

“Hindi ko magagawang lokohin at saktan ka, Rhoda. Mahal na mahal kita. Happy anniversary!” tugon ni Wilson at pinupog ng halik ang asawa.

Matapos lamang ang isang buwan at pinasinayaan na rin at ganap nang binuksan ang restaurant ni Rhoda. Nagbigay-aral ito sa kaniya na hindi masamang maging mapagmasid sa ikinikilos ng isang tao, subalit hindi dapat maging batayan ito upang manghusga kaagad hangga’t walang pruweba.

Pumatok naman sa publiko ang restaurant dahil mahusay ang mga recipe ni Rhoda. Hindi naglaon, si Rhoda naman ang may sorpresa kay Wilson. Biniyayaan sila ng isang malusog at magandang supling. Namuhay sila nang masaya at mapayapa.

Advertisement