Inday TrendingInday Trending
Pag-ahon Sa Kahirapan

Pag-ahon Sa Kahirapan

“Val, tingnan mo, binilhan na ako ng tatay ko ng mga bagong gamit para sa pagsasanay natin sa susunod linggo!” sambit ni Melanie sa kaniyang matalik na kaibigan, agad naman nitong dinungaw ang kaniyang bag at inilatag ang mga gamit.

“Naku, buti ka pa talaga,” buntong hininga ni Val saka dahan-dahang ibinalik sa bag ng kaibigan ang mga gamit.

“O, bakit bigla ka na lang lumungkot d’yan?” ‘ika ng dalaga saka marahang tumabi sa kaniya.

“Wala pa kasi akong kasiguraduhan kung makakabili ako ng mga gamit na ‘yan. Katulad nga ng sinabi mo, mahal ang presyo,” nakatungong sambit niya habang kinukuyakoy ang mga paa.

“Eh, may trabaho ka naman, ‘di ba? Sakto nga na sweldo mo na bukas, eh!” wika ng kaniyang kaibigan, halatang nais nitong bigyan siya ng pag-asa.

“Kahit na, Melanie. Kalahati no’n, ibibigay ko sa pamilya ko, habang ang kalahati naman, ipapambayad ko sa utang ng nanay ko. Makakabili lang talaga ng mga gamit na ‘yan kung makakatanggap ako ng tip galing sa mga kumakain doon sa restawran na pinagtatrabahuhan ko,” paliwanag ni Val habang pinipigilang pumatak ang kaniyang mga luha, pansamantala namang nanahimik ang kaniyang kaibigan saka sinabing, “Huwag ka masyadong mag-alala, sigurado ako makakatanggap ka. Bukod sa masipag ka na, mabait ka pa,” saka nito bahagyang tinapik ang kaniyang likuran at hinila siya sa isang parke upang panandaliang makalimot.

Probinsyana ang dalagang si Val. Sa pagsasaka’t pangangaso siya pinalaki ng kaniyang mga magulang. Kahit pa solong anak, hindi siya magawang pag-aralin ng mga ito dahil sa hirap ng buhay. Ngunit hindi ito naging hadlang upang maudlot ang pangarap ng dalagang makapag-aral sa Maynila.

Pangarap ng dalagang maging isang ganap na doktor. Bata pa lamang kasi siya, nasilayan na niya ang paghihirap ng kaniyang mga kaanak sa probinsya sa tuwing sila’y nagkakasakit. Mahal kasi ang pagpapakonsulta sa doktor, at malayo pa sa kanilang lugar. Wala ring kahit anong health center kaya dahil doon, kahit pa hirap sa buhay, ginawa niya ang lahat upang makaluwas ng Maynila.

Sa kabutihang palad naman, isinama siya ng kaniyang matalik na kaibigan paluwas ng Maynila at nakatagpo ng unibersidad na libre ang matrikula. Halos inampon na nga siya ng mga magulang nito, pinapatira siya, pinapakain, ngunit hindi pa rin ito sapat dahil nga magastos ang kaniyang kurso dahilan upang mamasukan siya bilang isang waitress sa isang restawran na sa katunayan, pangatlong trabaho na niya sa loob ng apat na taong pamamalagi sa Maynila.

Kinabukasan, nagmamadaling pumasok sa kaniyang trabaho ang dalaga pagkatapos na pagkatapos ng kaniyang klase. Agad-agad niyang isinuot ang kaniyang uniporme at pinusod ang kaniyang buhok. Ngunit bago pa man siya makalabas ng palikuran. Nakarinig siya ng isang babaeng sumisigaw, “Tulong! Tulong! Ang daddy ko, tulungan niyo ako!” paghingi ng saklolo nito, dahilan upang mataranta siyang lumabas ng palikuran at tumakbo patungo sa kumpulan ng mga taong nakikiusyoso sa kaganapan.

Agad niyang hinawi ang mga tao at doon bumungad sa kaniya ang isang matandang nakahandusay sa sahig.

“Ma’am, kailangan ko po kayong kumalma’t tumawag ng ambulansya. Ako na pong bahala sa daddy niyo,” sambit niya sa nahagulgol na dalaga saka agad na lumapit sa matanda. Kinapa niya ang pulso nito at nang malamang mabagal ang pintig, agad niya itong binigyan ng paunang lunas gamit ang kaniyang bibig upang bigyan ito ng hangin. Hindi siya tumigil sa pagdiin sa dibdib nito at pagbibigay ng hangin sa bibig hanggang sa bumalik ang normal na pulso nito.

Maya-maya pa, dumating na nga ang ambulasya’t dali-daling isinugod sa ospital ang matanda. Agad niyang pinakalma ang ibang kumakain. Abot tainga ang ngiti ng kaniyang amo.

Ika nito, “Talaga pa lang nag-aaral ka ng medisina, ano? Akala ko noong una e nagbibiro ka lang, mahal kasi ‘yon,” sambit nito saka tinapik-tapik ang kaniyang likuran, “Salamat sa’yo ha, hanga talaga ako sa kabutihan mo. Hayaan mo, ang Diyos na ang bahala sa’yo” ‘ika pa nito saka siya inabutan ng isang puting sobreng may lamang kaunting salapi.

Tuwang-tuwa na ang dalaga sa karampot na salaping iyon. Lingid sa kaalaman niya ang naghihintay na biyayang nag-aabang sa kaniya kinabukasan.

Pagkapasok niya muli sa kaniyang trabaho, tumambad muli sa kaniya ang dalagang kahapo’y umaatungal. May mga ngiti na ito sa labi ngayon at tila labis ang saya ng mga mata. Agad siyang nilapitan nito’t binigyan ng isang pahabang papel.

“Niligtas mo ang buhay ng daddy ko, tanggapin mo ang kaunti naming tulong,” sambit nito saka siya mariing na niyakap.

Agad niyang tiningnan ang papel na iyon at nakitang isa pala itong tsekeng naglalaman ng napakalaking pera. Halos hindi siya makapaniwala sa laki ng perang ito, ni ayaw niya ngang tanggapin noong una ngunit pinilit siya ng dalaga’t sinabing para rin ito sa kaniyang pamilya.

Ginamit niya ang mga salaping iyon upang ipangbili ng mga gamit na kailangan niya sa laboratoryo nila, tumulong na rin siya sa gastusin sa bahay na kaniyang tinutuluyan at higit sa lahat, binigyan niya ng pagkakakitaan ang kaniyang pamilya’t pinagawa ang kanilang tahanan.

Labis ang tuwa ng dalaga at ganoon na lamang ang kaniyang pasasalamat sa Diyos, ‘ika niya, “Tunay ngang hindi mo ako papabayaan, ito ang tanging bagay na sigurado ako.”

Naging isa nga siyang ganap na doktor at ganoon na lamang umangat sa kahirapan.

Maharap man tayo sa pagsubok na halos manlumo na tayo, asahan nating palagi tayong may masasandalan. Gagawa at gagawa ng paraan ang Panginoon upang tayo’y umahon.

Advertisement