Wasak na wasak ang puso ni Christopher nang iwanan siya ng ka-long distance relationship noon na inakala niyang ‘forever’ na. Hindi niya maipaliwanag ang sakit na nadarama. Tila ba apoy na tumutupok sa kanyang puso ang paglisan ng minamahal.
Sa may malapit na bar, nagtungo siya. Doon, lumagok siya ng alak upang mahugasan ang sugat na sa loob niya na hindi nakikita ng dalawang mata. Ang sugat na dulot ng labis na pagmamahal.
“Bakit ba kasi ang malas ko sa pag-ibig? Bakit kailangan pang maiwanan?” tanong niya sabay lagok ng mapait na alak.
“Baka kasi maling tao yung minahal mo kaya ganoon? Nagiging masakit lang naman ang pag-ibig kapag nasa maling tao ka,” tugon naman ng isang babae mula sa kanyang likuran.
Napalingon ang binata at nakita ang magandang babae na mugto rin ang mga mata. Umupo ang babae sa kanyang tabi at saka nagsalin ng alak sa baso, sabay ininom ng diretso na tila ba hindi man lang nalasahan ang pait.
“Iniwan ka ng boyfriend mo?” tanong ni Christopher.
“Hindi… masyadong mababaw ‘yun na dahilan para iyakan. By the way, I’m Jackie pala,” nilahad ng babae ang kamay at saka ngumiti.
“Christopher… ang lalaking palaging nasasaktan,” tugon ng binata sabay tawa.
Gumuhit din naman ang mga ngiti ng babae mula sa kanyang mga labi. Hindi maipaliwanag, ngunit may kakaibang koneksyon kaagad ang dalawa na tila ba kay tagal na nilang magkakilala.
Nagkwentuhan sila nang gabing iyon. Nagtawanan at iyakan ang dalawa. Para bang sa kanila lamang ang gabing iyon.
“Teka, kanina pa ako kwento ng kwento dito ah! Ikaw naman ang mag kwento! Bakit ka umiinom rito at sino ang nangwasak ng puso mo?” tanong ng binata sa dalagang kasama.
“Masyado kasing komplikado. Napakahirap ipaintindi, dahil ako mismo, hindi ko rin maintindihan…” mahinang tugon ni Jackie habang nakatingin sa alak sa kanyang harapan.
“Sobrang sakit siguro ng ginawa niya, pero hindi na bale, makakalimot ka rin. Makakatakas ka rin diyan sa bagay na nakakasakit sa’yo,” saad ni Christopher na pilit pinapagaan ang puso ng dalaga.
“Sana ganoon lamang kadali iyon. Sana kaya ko ngang takbuhan lahat upang hindi ko na ito muling maramdaman. Gusto mo ba talagang malaman kung sino ang dahilan?” seryosong sabi ng babae.
“S-sino?”
“Ang Diyos at ang pamilya ko…” pumatak sa mga pisngi ng dalaga ang mabibigat na luha. Bakas sa kanya ang labis na sakit na nadarama.
Minabuti na ng lalaki huwag na lamang pilitin pa ang dalaga na magkwento. Pero malaking palaisipan sa kanya kung paano naging dahilan ang Diyos upang masaktan ito ng ganoon.
“Ihahatid na kita sa bahay niyo,” pag-aalok ng lalaki.
“H-hindi na. Okay na ako. Malapit lamang din naman ang bahay ko rito,” pagtanggi naman ng dalaga.
“Delikado o, ihahatid na kita!” pagpupumilit pa ng lalaki.
Walang nagawa si Jackie kundi ang pumayag na lamang. Pero sa ikalawang kanto, pinahinto na ng dalaga ang lalaki at doon na nagpaalam. Nirespeto na lamang ng lalaki ang kagustuhan ng dalaga at saka nagpaalam.
“K-kung hindi ka busy, labas ulit tayo minsan?” nauutal na tanong ni Christopher.
“Oo naman. Pero kaparehong oras din ha? Hindi kasi pwede ng umaga e. Mahirap ipaliwanag, basta… magkita tayo doon sa may puno ng mangga na nadaanan natin. Doon mo ako intayin!” saad ng dalaga at saka nagmadaling umalis.
Kinabukasan nagkita nga ang dalawa. Napadalas ang mga ganoong tagpo. Tila ba natagpuan nila ang tahanan sa piling ng isa’t isa. Naging masaya sila at hindi namalayang nahuhulog na pala sila sa isa’t isa. Ang pagkakaibigang nabuo ay yumabong sa pag-iibigan.
Kahit na kilala na nila ang isa’t isa ng lubusan, hindi pa rin mapagtanto ni Christopher ang rason kung bakit hindi pinapayagan ni Jackie na dumalaw siya sa tahanan nito. Palaisipan pa rin sa kanya ang tunay na dahilan.
Kaya isang gabi, minabuti niyang sundan ito ng palihim nang minsan ihatid sa parehong lugar kung saan naghihiwalay ang kanilang landas.
Marahang sumunod ang binata upang hindi siya makita ni Jackie. Pero laking gulat niya kung saan ito nagtungo para umuwi.
“J-Jackie…” mahinang tawag niya. Napalingon ang dalaga at nanlaki ang mga mata nito, “anong ibigsabihin nito? Bakit ka dito umuwi?”
“C-Christopher… p-patawad…” lumuluhang sabi ng dalaga.
Napatingin muli ang binata sa lugar. Bakit sa kombento umuuwi si Jackie?
“Jackie… ano ito?” matamlay na sabi ng binata.
“Totoo… mag ma-madre ako, Christopher. Ito ang dahilan kung bakit gabi-gabi akong tumatakas at umiinom. Kaya sinabi ko sa’yo na Diyos ang dahilan kung bakit sobra-sobra akong nasasaktan.
Pinilit ako ng magulang ko na ipagpatuloy ito. Ito daw ang nais nila para sa akin. Wala akong magawa…” lumuluhang saad ni Jackie.
“P-paano? Anong gagawin natin? Mahal kita, Jackie… mahal na mahal. Di ko rin kakayanin na mawala ka sa’kin,” pahayag ng binata.
“Mahal din kita, Christopher, pero paano?”
Dahil sa bugso ng damdamin. Nagtuloy-tuloy pa rin ang pagkikita ng dalawa ng palihim. Pilit itinuloy ang ipinagbabawal na pag-iibigan at sinunod ang bulong ng kanilang mga puso. Mali man sa mata ng iba, biktima lamang din sila ng maling pagkakataon at pagmamahalan. Kailan nga ba naging mali ang magmahal?
Hanggang isang araw, habang masaya silang kumakain at nag-uusap sa dating tagpuan, hindi inaasahang may dumating doon na ikayayanig ng kanilang mundo.
“Mother Superior? Mama, papa?” gulat na gulat na tanong ni Jackie.
“Anong kalapastanganan ‘to Jackie? Paano mo nagawa ito?” tanong ng Mother Superior ng kombento.
“Totoo nga ang usap-usapan. Paano mo nagawa ang kasalanang ito sa Diyos?” sigaw naman ng ina ni Jackie. Napatingin ito sa direksyon kung saan nakatayo si Christopher.
Lumapit ang ginang sa binata at saka sinampal ng malakas.
“Alam mo bang ilang araw na lang ay magiging ganap na madre na ang anak ko? Bakit kailangan mong sirain lahat ng iyon? Lumayo ka sa anak ko. Isa kang tukso!” sigaw ng ginang.
“M-mahal ko po si Jackie. Bakit po ba pinipilit niyo siyang gawin ang isang bagay na labag sa kanyang kalooban? Ito po ang nais ninyo para sa kanya, pero iyon po ba din ang nais ng Diyos?” pangangatwiran ng binata.
“Wag na wag ka nang lalapit o magpapakita sa anak ko! Ito na ang una’t huling magkikita kayo!” galit na galit na sabi ng ina ng dalaga.
Sapilitan nilang kinuha si Jackie at muling ipinasok sa kombento. Doon, ikinandado siya at binantayan mabuti upang hindi na muli pang makalabas.
Gabi-gabi naman bumabalik sa dating tagpuan si Christopher, sa pag-asang muling babalik si Jackie.
Lumipas ang mga araw at linggo, wala pa rin siyang mintis na nag-iintay. Hanggang sa di kalayuan, natanaw niya ang pamilyar na mukha ng babae na papalapit. Nagliwanag ang kanyang mukha at agad na tumakbo papunta rito.
“Jackie!” sigaw ng binata. Niyakap kaagad niya ito ng mahigpit. “Miss na miss kita! Akala ko, hindi mo na ako muling babalikan,” umiiyak na sabi ng lalaki.
Isang malamig na ngiti lang ang binigay ng dalaga. Bakas sa mga mata nito ang labis na sakit at hirap.
“Christopher…”
“Jackie, sumama ka na sa’kin. Itatakas na kita rito. Magsama na tayo. Pangako, ako na ang bahala sa’yo,” alok ni Christopher.
“Patawad, Christopher…” bumagsak na ang mga luha ng dalaga na kanina pa pinipigilan. “Ikakasal na ako bukas sa Diyos… buo na ang pasya ko na sumunod sa yapak niya. Lahat ng mayroon tayo noon, lahat ng nangyari noon, isang malaking pagkakamali na kailangan mo nang kalimutan.
Pasensya ka na. Alam kong masakit, pero ito ang tama. Ikakasal ako sa Diyos at ilalaan ang buhay ko para sa Kanya. Patawarin mo ako…”
“H-hindi. Napipilitan ka lang sa kagustuhan nila ‘di ba? Bakit kailangan mo tanggapin lahat? Jackie, iintayin kita rito bukas. Kung magtutugma ang nararamdaman natin, pupuntahan mo ako rito. Sabay tayong aalis at magsasama. Maiintindihan tayo ng Diyos, Jackie!” pagpupumilit pa ng binata.
“Uulitin ko sa’yo, mali ito, Christopher. Patawarin mo ako, pero aalis na ako. Itutuloy ko ito. Para ito sa Diyos. Kalimutan mo na ang lahat ng mayroon tayo noon. Kalimutan mo na ang pagkakamaling iyon!” malamig na sabi ni Jackie. Tumalikod ito at humakbang paalis, subalit, muli siyang humarap. May mga luha sa mata siyang tumakbo papunta sa binata at yumakap ng mahigpit.
“Mahal na mahal kita, Christopher, pero kailangan kong gawin ang sinumpaan ko sa Diyos. Patawarin mo ako. Kailangan kong gawin ‘to. Ayokong magkaroon ng rason para magalit sa Diyos. Kaya kahit mahirap, nawa’y matanggap mo rin ito. Dahil hindi rin ito madali para sa akin… Paalam na mahal ko…” kumalas sa pagkakayakap ang dalaga at tumakbo na papalayo.
Sumapit ang kinabukasan…
Araw na ng kasal ni Jackie sa Panginoon upang tupari nang pangakong ilalaan ang buhay sa paglilingkod sa Kanya.
Puno ng luha ang kanyang mga mata habang inaalala ang masasayang alaala kasama ang kaisa-isang lalaking minahal ng sobra. Bawat hakbang at tila ba kurot sa kanyang puso.
Sa kalagitnaan, tumigil siya, huminga ng malalim at saka binitawan ang bulaklak na hawak. Tumalikod siya at saka tumakbo palabas. Sa pagkakataong ito, nanalo ang kanyang puso.
“Christopher…” pangalang paulit-ulit na naririnig niya sa kanyang isipan.
Mabilis na tumakbo ang dalaga patungo sa dating tagpuan, subalit sa di kalayuan ipinagtaka niyang napakaraming tao.
May kung anong sakit siyang naramdaman mula sa kanyang dibdib na para bang may bumulong sa kanya na tignan iyon. Bawat hakbang, pabigat ng pabigat ang kanyang nadarama.
Nang tuluyang makalapit, nanlaki ang kanyang mga mata at para bang ilang segundo siyang nawala sa ulirat.
“Hit and run ‘yan! Kaawa na. Hindi man lang binalikan ng nakasagasa!” sabi ng isa sam ga taong naroroon.
“Christopher!” sigaw ng dalaga. Nagmadali siyang tumakbo patungo sa nakahandusay na katawan ng lalaki.
“Christopher, gumising ka! Nandito na ako. Sasama na ako sa’yo. Itutuloy na natin yung plano natin. Gumising ka, parang awa mo na!” hagulgol ng dalaga habang nakayakap sa walang buhay na katawan ng minamahal.
Para bang pinagsakluban siya ng langit at lupa sa sobrang sakit na nadarama. Tanging isang maliit na kahon at puting liham ng puno ng d*go lamang naiwan sa kanya ng lalaki. Sa kanya nakapangalan ito kaya’t iniabot sa kanya ng pulis na nag resolba ng kaso.
Isang pulseras na rosaryo ang laman ng kahon kung saan nakaukit sa palawit ang pangalan ng lalaki. Habang ang sulat naman ay hindi pa magawang basahin ni Jackie.
Kahit na mabigat ang puso. Kahit na labis na nasasaktan. Itinuloy ni Jackie ang pagma-madre.
Lumipas pa ang mga taon. Sa dating tagpuan, muling bumalik ang babae. Hawak ang rosaryo at lumang liham na hindi pa rin nabubuksan kahit na may dekada na ang lumipas.
Sa unang pagkakataon sa mahabang panahon, binuksan niya ang liham.
Muling nabuksan ang sugat na pilit itinago nang matagal na panahon. Bumalik ang sakit at pagsisisi. Ngunit kailangan niya itong harapin. May mga luha sa mata niyang binuksan ang liham.
“Mahal kong Jackie,
Alam kong buo na ang loob mo at hindi na mababago pa, ngunit magkaganoon ma’y umaasa pa rin ako na sisipot ka sa dating tagpuan at pipiliin ang pagmamahal mo sa akin.
Alam kong kasalanan at mali, ngunit sa buhay kong ito, hindi na muli pang titibok ang puso ko para kahit kanino man kundi sa iyo lang. Kaya masisisi ba ako ng Diyos? Nagmahal lamang ako.
Sana balang araw, magiging tama din ang lahat. Sana balang araw makasama na din kita. Balang araw magiging masaya din tayo katulad nung mga plano natin. Balang araw maayos din ang lahat.
Ayos lamang kahit na sa susunod na buhay pa yung balang araw na yun… basta tatama rin lahat para sa’tin. Hahanapin kita kaagad. Mamahalin kita agad. Tayo pa rin hanggang sa huli, pangako.
Pero ngayon, papalayain muna kita. Ito ang pinakamalaking sakrispiyo ko para sa’yo at para sa Diyos.
Araw-araw kong babalikan ang masasaya nating sandali. Araw-araw ko rin iintayin ang pagkakataon na mag tama na ang lahat sa atin. Hindi ako mapapagod at hindi rin ako titigil.
Sa susunod na buhay, magkakaroon din tayo ng sarili nating ‘happy ending.’ At kapag dumating na iyon, hindi na kita muling papakawalan pa.
Dalangin ko ang kaligayahan mo. Paalam sa’yo mahal ko. Paalam na sa ating masayang nakaraan.
Balang araw, magtatagpo muli tayo at sa pagkakataong iyon, sinisigurado kong ako na ang tamang tao para sa’yo.
Pangako, balang-araw…
Nagmamahal,
– Christopher”
Napahagulgol lamang si Sister Jackie sa laman ng liham. Dahil alam niyang magpa-hanggang ngayon, mahal na mahal pa rin niya ang pumanaw na minamahal. Lumipas man ang panahon, hinding-hindi magbabago ang nararamdaman niya para kay Christopher.
Hinaplos niya ang pulseras na rosaryo at saka pumikit…
“Mahal ko, sa susunod na habang buhay, pangako, ikaw na ang pipiliin ko. Patawarin mo ako… hintayin mo lamang ako. Magkakasama rin tayo. Maitatama ko rin ang lahat. Balang araw…” lumuluhang bulong ni Sister Jackie sa hangin.