Halos limang taon na ang nakalipas simula nang maglayas si Itoy sa kaniyang pamilya. Ninakawan kasi ng binata ang kinakasama ng kaniyang nanay at alam niyang sa pagkakataong ‘yun ay isusuplong lang siya nito sa mga pulis kaya naman umalis na lang siya.
“Itoy, sa susunod nga palang linggo ay may aakyatin tayo malaking bahay. Asahan mo na ang malaking hatian!” saad ni Nestor, kaibigan ng binata.
“Saan naman ‘yan? Hindi ba’t nasuyod na natin ang malalaking bahay rito sa lugar na ‘to?” tanong naman ni Itoy.
“Surpresa, p’re! Pero siguradong big time tayo!” masayang sagot ni Nestor sa kaniya. Tumango na lamang si Itoy bilang pagsang-ayon sa kaibigan.
Naging palaboy si Itoy matapos niyang gastusin sa sugal at ipinagbabawal na gamot ang perang ninakaw niya. Ngunit nang makilala niya si Nestor at ang grupo nito ay naisalba siya sa gutom at binigyan ng bagong masisilungan. Ngunit sa kabilang banda naman ay mas napalapit siya sa pagnanakaw at pangloloko ng mga tao.
“Mukhang big time nga talaga ang aakyatin natin ngayon at may pa kotse pa!” bati ni Itoy nang magkita-kita ang grupo nila makalipas ang isang linggo.
“Oo, pre, malayo-layo ang byahe natin kaya kailangan natin ngayon ng sasakyan, tara na! Byahe na!” sigaw ni Nestor sa mga kasama at masayang nagsisakayan ang mga ito. Anim sila sa grupo at isa na yata sila sa pinakamamagaling magnakaw o mag-akyat bahay. Hindi pa kasi sila nahuhuli sa tatlong taong pagsama niya rito.
Halos apat na oras ang itinagal ng byahe nila at nang magising si Itoy ay madaling araw na.
“Itoy, suot mo na ‘yung takip mo sa mukha. Aakyat na tayo,” wika ni Nestor sa kaniya.
Malaki ang bahay at may tatlong kotse ito. Walang bantay o katulong o ang may-ari ng bahay. Nasa bakasyon daw kaya naman malayang-malaya silang makakapuslit.
Maya-maya pa’y nakapasok na ang mga kasama ni Itoy sa loob at naghakot na ng mga gamit. Habang siya naman ay nakapako ang tingin sa papel na nasa mesa.
“Sh*t, hindi ‘to pwede!” wika niya sa sarili.
“Itoy! Kumilos ka na riyan. Kuhanin mo lahat ng gusto mo!” mahinang sitsit ni Gringo, kasamahan nila sa grupo.
Napahinto ang lahat ng biglang bumukas ang ilaw sa pangalawang palapag ng bahay.
“Tago!” senyas agad ni Nestor at dali-daling nagkumpol ang grupo nila sa loob ng banyo.
“Sino ‘yan?! May tao ba riyan?” sigaw ng isang babae.
“Tang*nang ‘yan! Sabi mo walang tao rito? Sino ‘yun?! Baka sumabit pa tayo!” inis na saad ni Otis, isa pang kasamahan nila.
Hindi naman sumagot si Nestor at bumunot ito ng baril, nilagyan ito ng silencer at saka tiningnan ang bala.
“Bakit may ganyan ka!?” gulat na tanong ni Gringo sa kaniya.
“Siyempre, pang proteksyon! Ako nang bahala, todasin na lang natin para wala na tayong problema,” mabilis na sagot ni Nestor saka niya binuksan ng kaunti ang pintuan. Nagtakip naman ng tenga at mukha ang ibang kasamahan nila. Habang si Itoy naman ay nakabantay sa lalabas na babae. Dahan-dahan itong naglakad habang may hawak na pamalo. Agad naman ni tinutok ni Nestor ang hawak niya sa babae.
“Huwag-” wika ni Itoy saka niya sinalag ang bala na pinaputok ni Nestor.
Laking gulat naman ng mga kasamahan niya sa nangyari. “Tang*na mo, Itoy! Anong problema mo?!” galit na sabi ni Nestor. Ngunit hindi nakapagsalita si Itoy at bumagsak na lamang ito sa labas ng banyo na kinagulat naman ng babae.
“Takbo-” mahina niyang sinabi kina Nestor at nagkagulo na silang lahat.
Habang ang babae naman ay nagsisisigaw at mabilis na pinuntahan ang nakahandusay na si Itoy.
“Erwin, ikaw ba ‘yan? Erwin, anak!” sigaw ng babae nang makilala niya ito.
“Ma, hinanap niyo ako,” nanghihina nitong sinabi sabay abot sa papel na hawak niya.
“Oo, anak! Matagal na kitang hinahanap at hindi ako galit sa’yo kung ninakawan mo man kami noon o ano. Anak! ‘wag kang bibitiw! Nandito na si mama!” sagot naman ng babae na nanay pala ni Itoy.
Mabilis na nadala si Itoy sa ospital, ang tunay na pangalan pala ng binata ay Erwin at matagal na rin pala siyang pinaghahanap ng kaniyang mga magulang.
Mayaman ang pamilya ni Itoy at nagrebelde ito simula nang maghiwalay ang kaniyang mga magulang at nagkaroon ng iba’t-ibang kinakasama ang kaniyang ina.
“Ma, buhay pa ba ako?” tanong ni Itoy na kakagising lamang mula sa halos dose oras niyang pagkakatulog.
“Oo, anak, buhay ka at naialis na ang bala mula sa iyong katawan. Magaling ka na, salamat sa Diyos,” sagot ni Erlinda, ang nanay niya.
“Patawarin mo ako, ma, ang dami kong kasalanan sa’yo. Patawarin mo ako…” iyak ni Itoy sa ginang.
“Hijo, anak kita kahit ano pa man ang mangyari ay papatawarin kita. Patawarin mo rin ako dahil pinabayaan kita. Patawad, anak,” ani Erlinda at nagyakap ang mag-ina.
Hindi na isinuplong ni Itoy ang grupo nila Nestor, sa halip ay naki-usap na lamang siyang huwag nang pupuntiryahin ang pamilya niya kapalit ng kaniyang pananahimik. Sumailalim din sa therapy at counselling ang binata para sa kaniyang mga pinagdadaanan at problemang mental. Ngayon ay mas pinili ni Itoy ang normal at masayang buhay kasama ng kaniyang ina.
Natutunan niyang hindi sagot ang pagrerebelde sa tampuhan nilang mag-ina.