Si Kumpare Ang Nagbigay Ng Kapritso

“Ano ba ‘yan?! Wala man lang tayong kape? Letseng buhay talaga ‘to!” bulyaw ni Mabel isang umaga.

“Hindi na kasi kasya ‘yung pera ko kahapon, mahal. Ipinambili ko na lahat ng gatas at diaper ni Junior. Hayaan mo mamaya pagkatapos kong mamasada ng pedikab ay ibibili kita agad ng kape at saka asukal pati na rin gatas para masarap ang meryenda mo,” pag-alo ni Rudy sa kaniyang misis.

“Aanhin ko pa mamayang hapon ang kape na pinagmamalaki mo, e ngayon ko nga gustong uminom. Alas otso na, nandito ka pa sa bahay. Kaya kakarampot lang ang kinikita mo palagi!” reklamo ng ginang.

“Umuwi lamang ako saglit para ihatid itong pananghalian natin. Ikaw na ang bahalang magluto dito, mahal. Sige, lalakad na ako para makarami ng pasahero,” wika ng mister na akmang hahalik sa asawa ngunit tila diring-diri si Mabel na iniiwas ang mukha.

“Umalis ka na. Hahalik ka pa, eh!” inis ni Mabel.

Ganito lagi ang eksena sa tahanan ng mag-asawa. Palibhasa ay hindi naman talaga gusto ni Mabel si Rudy at nabuntis lamang siya nito. Dahil na rin ayaw na ni Mabel na manatili pa sa kanilang bahay ay tuluyan na siyang sumama sa ginoo. Ngunit laking pagsisisi niya sapagkat hindi ito ang inaasahan niyang buhay. Ngunit ano nga ba ang kaniyang aasahan sa isang pedikab drayber.

Sinisikap naman ni Rudy na maibigay ang pangangailangan ng kaniyang pamilya. Lalo na mayroon na silang isang anak. Wala naman sigurong hindi nangarap ng maayos na buhay. Ngunit marahil ay hindi pa dumarating kay Rudy ang suwerte.

“Hay nako, nakakainggit talaga si kumareng Nida. Ayon at binilhan muli ng asawa niya ng bagong selpon. Ako kaya? Makakalasap pa kaya ako ng ganoong kagarang selpon?” pagpaparinig niya sa asawa.

Advertisement

“Hayaan mo, mahal. Kapag nakaluwag-luwag tayo ay bibilhan kita agad ng gusto mong selpon,” nakangiting wika ni Rudy sa asawa.

“Nakaluwag-luwag? Pangkape nga sa umaga hindi mo maibigay araw-araw, selpon pa na magara. Nangangarap ka ba ng gising? Ni hindi mo nga ako mabilhan kahit tigsisingkwentang damit lang sa palengke, kumakana ka pa ng ganiyan,” iritableng sambit ni Mabel.

“Pasensiya ka na kung hindi ko makayanan ibigay ang lahat ng gusto mo. Pero maniwala ka sa akin, mahal, ginagawa ko ang lahat upang maging magaling na asawa at tatay. Bigyan mo pa ako ng panahon. Darating din ang araw na lahat ay maibibigay ko sa’yo,” malungkot na tinig ni Ruidy.

“Nagdrama ka pa diyan! Akala mo bagay sa iyo!” sigaw ni Mabel sabay talikod sa asawa.

Kahit na ganito ang pakikitungo ni Mabel sa kaniyang asawa ay hindi pa rin makuha ni Rudy na magalit dito sapagkat tunay niyang mahal ang misis. Kaya pinilit ni Rudy na kumita ng mas malaki kahit na halos hindi na siya umuwi sa bahay upang makaipon at mabilhan ng isang magandang damit sa palengke ang asawa at isang hulugang selpon.

Agad niya itong binigay sa kaniyang asawa.

“Talaga, Rudy? Akin ang mga ito? Wow! Ang ganda!” tuwang tuwang wika ni Mabel. Parang sa unang pagkakataon ay naramdaman ni Rudy na naligayahan sa kaniya ang asawa.

“Kung ganito ka ng ganito ay hindi ka na makakatikim ng mga pagbubunganga sa akin!” sambit ni Mabel.

Advertisement

Dahil sa magandang ipinakita sa kaniya ng misis ay naengganyo pa si Rudy na lalong magbanat ng buto. Bukod sa pagpepedikab ay umeekstra rin siya sa isang pabrika. Naging tuluyang abala na si Rudy sa kaniyang mga trabaho habang si Mabel ay halos nag-aastang dalaga.

Isang araw ay nagtungo si Mando, kumapre ni Rudy, sa kanilang tahanan upang ayain sana ang ginoo na magbuhat sa isang malapit na construction site.

“Naku, pare, wala rito si Rudy at namasada. Wala kasing selpon ‘yun, ang sabi ko nga bumili para naitetext ko siya kapag may kailangan kami ni Junior. Pero ayaw bumili. Kuripot talaga!” sambit ni Mabel.

“Ganoon ba? Sige, ako na lang ang itext mo, Mabel. Sabihin mo na lang sa akin kapag narito na si Pareng Rudy,” sambit ni Mando sabay palitan nila ng ginang ng numero.

Dahil palaging dumadaan kay Mabel ang mga text ni Mando sa tuwing hinahanap niya ang kaniyang kumpare ay hindi naiwasan ng dalawa na maging textmate. Unti-unting napalapit ang kanilang loob sa isat-isa hanggang dumating ang mga pagkakataong inaaya na ni Mando si Mabel na umalis.

Dahil binata si Mando at walang ibang pinagkakagastusan bukod sa kaniyang sarili ay naibibigay nito ang mga hilig ni Mabel.

“Ewan ko ba sa’yo, Mabel! Bakit si Rudy pa ang pinili mo? Hindi ka nababagay sa kaniya. Sa akin ay hindi ka magmumukhang losyang. Ipaparamdam ko sa’yo ang dapat na trato sa isang kagaya mo,” sambit ni Mando sa ginang.

Dahil sa mga ipinapakita at mga sinasabi ng mabulaklak na dila ni Mando ay hulog na hulog na ang loob ni Mabel sa kaniya hanggang sa tuluyan ng nagkaroon ng relasyon ang dalawa lingid sa kaalaman ni Rudy.

Advertisement

Isang araw ay nagdesisyon na lamang si Mabel na lisanin na si Rudy at ang nag-iisa nilang anak upang tuluyang sumama na kay Mando. Nagmamadali itong mag-empake upang hindi na siya maabutan pa ng asawa ngunit maya-maya ay narinig niya ang masayang tinig ng asawa.

“Mahal, mahal!” tawag ni Rudy sa misis. Hinawi nito ang kurtina papunta sa kanilang hinihigaan at nakita niya ang pagbabalot ng asawa.

“A-anong ibig sabihin nito, mahal? Aalis ka ba?” pagtataka ng ginoo.

“Oo, Rudy. Aalis na ako at iiwan na kita at si Junior. Sasama na ako kay Mando!” sambit ng ginang.

“Pero, mahal, bakit? Huwag mo namang gawin ito sa amin ng anak mo,” pagmamakaawa ni Rudy. Ngunit kahit ano pa ang sabihin ng ginoo ay hindi na magbabago ang isip ng asawa.

“Ayoko na, Rudy. Sawang-sawa na ako sa buhay ko kasama ka. Ni hindi naman kita mahal. Saka sa tingin mo ba ay ganitong buhay lang ang gusto ko? Ni hindi mo man lang maibigay ang lahat ng gusto ko. Si Mando, kaya niya! Prinsesa ang turing niya sa akin samantalang dito ay para akong isang daga! Wala ka nang magagawa pa, Rudy. Kahit kailan ay hindi kita natutuhang mahalin. Ikaw na ang bahala kay Junior, aalis na ako!” sambit ni Mabel sa kaniyang asawa sabay lisan sa mag-ama.

Isang araw ay nakasalubong na lamang niya ang isa nilang kapitbahay habang siya ay namamalengke.

“Huy, Mabel! Kumusta ka na? Naku! Nabalitaan mo na ba? Aalis na sina Rudy at Junior sa lugar natin!” wika ng babae.

Advertisement

“Oo, nabalitaan ko nga na may gagawin daw demolisyon! Kaya kami ni Mando naghahanap na rin kami ng malilipatan,” pagmamalaki ni Mabel.

“Oo, may demolisyon nga. Pero hindi iyon ang dahilan. Napakasuwerte niyang dating asawa mo, Mabel! Hindi mo ba alam ang balita? Kalat na kalat na si Rudy pala ang kaisa-isang tumama ng maga jackpot sa lotto. Kaya agad siyang bumili ng bahay at lilipat kaagad sila. Kita mo nga naman ang swerte, ano? Lahat nga kami ay binigyan ng balato,” patuloy sa pagsasalita ang babae.

Lubusang nagulat si Mabel at napatakbo patungo sa bahay ni Rudy.

“Totoo bang mayaman ka na ngayon, Rudy?” bungad ni Mabel sa dating asawa.

“Noong araw na iniwan mo ako, Mabel, masaya sanang ibabalita ko sa’yo na maibibigay ko na ang buhay na nais mo. Hindi mo na kailangan pang magtiis sa hirap sapagkat mayaman na tayo. Kaso, mas pinili mo na lisanin kami ng anak mo at sumama sa iba dahil lang sa naibibigay niya ang kapritso mo. Nasaktan ako lalo ng sabihin mong hindi mo naman ako minahal kahit kailan at nagawa mo pang iwanan ang anak natin. Sa pagkakataong iyon, kahit masakit sa akin sapagkat mahal kita talaga ay kailangan kong tatagan ang loob ko at piliin huwag ka ng isama sa buhay namin ng anak mo,” pagsasalaysay ni Rudy.

Hindi alam ni Mabel ang kaniyang sasabihin.

“Hayaan mo mo, Mabel. Hindi ko iaalis ang karapatan mo sa bata. Pero kailangan nating idaan ito sa legal na paraan. Sa ngayon ay makakaalis ka na,” dagdag pa ng ginoo.

Lubusan ang pagsisisi at panghihinayang ni Mabel. Naalala niya lahat ang hirap at pasakit na ginawa niya kay Rudy ngunit hindi siya nakarinig ng kahit anong reklamo mula rito. Bagkus ay pinagbuti pa niya upang mapaligaya siya. Ginawa ni Rudy ang lahat upang magpakaasawa sa kaniya at magpaka-ama kay Junior.

Advertisement

Sa pagkakataon ito mabigat na niyapak ni Mabel ang paa palayo sa dating asawa. Dahil kahit ano pa ang kaniyang gawin ay alam niyang hindi na siya matatanggap pang muli ni Rudy sa buhay nilang mag-ama.