“Sana hindi ka na lang nag-post. Ang dilim at pangit ng picture.” Komento ni Aling Lizette sa post sa Facebook ng kaniyang kumare.
“Napakamahal naman ng produktong iyan. Mabuti pa ay bumili na lang sa palengke.” Bagong post ng malditang ale nang makita ang mga itinitinda ng kaniyang kapitbahay na ipinost nito sa Facebook.
Kahit walang masabing maganda ay tuloy tuloy lang sa pagpopost ng komento si Lizette. Pinupuna niya ang lahat na makikitang post ng mga kakilala sa Facebook. Mapa-picture man o mga opinyon, hindi papatalo ang ale sa panlilibak ng kapwa. Para kasi sa kaniya ay opinyon niya naman iyon at walang makakapigil sa kaniyang sabihin iyon, keber bang makasakit siya ng damdamin ng iba.
Madalas pa nga ay sa Facebook nagpaparinig ang matanda sa kaniyang mga kaaway. Bukod sa mga pahaging na post ay numero unong responsable din si Lizette sa pagpapakalat ng mga pekeng balita. Dahil nga hindi pinagiisipan muna ang mga iponopost ay basta na lamang nitong pinamamahagi ang kung anu-anong balita bago suriin kung totoo ba iyon o hindi.
Hanggang isang araw ay dumating nga ang karma sa buhay ni Lizette. Gawa ng laging cellphone ang hawak at altapresyon ay na-stroke ang matanda.
Naging bali-balita hindi lamang sa Facebook kung hindi sa barangay nila ang pagkakasakit ni Lizette. At dahil nga puro masasamang puno ang itinanim niya sa kapitbahay at mga kakilala, wala siyang natanggap na simpatya mula sa kahit na sino.
Hirap na hirap ang nag-iisang anak ni Lizette na si Marco sa pagtustos ng kahat ng gastusin nila sa hospital. Balo na kasi si Lizette at si Marco na lang sa mga kadugo ang nakatitiis sa kaniyang ugali. Pinutol na ng mga kapatid ni Lizette noon pa man ang ugnayan dito dahil sa kagaspangan ng ugali nito.
Nang wala na talagang malapitan ang anak na si Marco ay isang paraan lang ang naisip nito. Dahil desperado ay kinuhanan ni Marco ng litrato ang matandang tila ba lantang gulay dahil sa karamdaman. Lawit ang dila nito, at tabingi ang bibig. Malaki ang ibinagsak ng katawan at nangingitim ang ilalim ng mata. Tiyak ni Marco na kung nakapagsasalita lamang ang ina ay malamang sangkaterbang mura na ang inabot niya. Ayaw na ayaw kasi ng ina na makita ng iba ang kahinaan nito. Ngunit wala nang ibang paraan kung hindi ang humingi ng simpatya at tulong sa pamamagitan ng Facebook.
“Sana po ay natulungan ninyo ang aking ina sa kaniyang pagpapagamot. Pagpalain nawa kayo ng Poong Maykapal.” Ang sabi pa ni Marco sa post.
Nagulat na lamang ang binata sa tindi ng mga negatibong komento na inani noon.
“Hay naku! Buti nga sa kanya’t napilipit ang daliri at dila, nang hindi na makapagmaldita.” Komento ng kapitbahay nila.
“Bilis talaga ng karma..” sabi naman ng isa.
“Totoo ba yan? Baka fake news na naman ‘yan ah.”
Hindi makapaniwala si Marco habang binabasa ang mga komento. Napatingin na lamang siya sa ina. Nakatingin din ito sa kaniya at may luhang tumutulo mula sa mga mata nito.
“May mga ilan naman hong nangangamusta, nanay. May mga nagsasabi pong magpagaling na kayo…” pang-aalo pa ni Marco sa ina.
“Pero Nay, sana po ay magsilbing aral na ito sa inyo ha? Sa buhay, hindi po laging tayo ang nakaaangat. ‘Di po maganda yung laging may mga kasamaan ng loob. Hindi po kayo pagpapalain,” mahinahon at may lambing na sabi ng binata habang pinupunasan ang luha ng ina. Kahit hindi ito nagsasalita ay kita niya sa mata nito ang lubos na pagsisisi. Tila ba ngayon lang nito napagtanto ang mga bagay bagay.
Simula noon ay patuloy ang pagpapagaling ni Lizette. Hanggang dumating nga ang pagkakataon na unti-unti na siyang nakakalakad at nakakapagsalita. Tinigilan na muna niya ang pagpe-Facebook dahil sa pag-aakalang maraming mga tao ang nagpost ng masasakit na bagay tungkol sa kaniyang pagkakasakit.
Ngunit nagdesisyon na si Lizette na baguhin ang pakikitungo sa kapwa. Sinikap niyang unti-unti muling buuin ang relasyon sa ibang mga kapatid niya. Sa kaniya ring mga kapitbahay ay sinikap niyang magpakita ng kabutihan. Isang beses pa nga ay nagluto siya ng ulam at namigay sa mga ito. Gulat man ang mga ito sa iaakto niya ay ang mahalaga kay Lizette ay ang kapayapaang dulot ng katotohanang sa pagkakataong iyon ay wala siyang kagalit. Wala siyang inaaway sa personal man o sa Facebook.
“Ma, binati ka po ni Aling Selya ng happy birthday sa Facebook. Mukhang ayos na kayo ha?” Nakangiting sabi ni Marco sa ina atsaka pinakita ang post.
Isang ngiti lang ang sagot ni Lizette. Ngayong binigyan siya ng Maykapal ng isa pang pagkakataon para mabuhay, sisikapin niya nang magtanim ng kabutihan sa mga puso ng tao. Ayaw niya nang makilala bilang isang matandang maldita panay ang komento sa Facebook. Sa desisyon na iyon ay napangiti na lang si Lizette at niyakap ang anak bilang pasasalamat.