“Zia, samahan mo nga ako bukas,” nakangiting sambit ni Cedric sa matalik na kaibigang si Zia.
“Saan na naman ‘yan?” Naiiritang sambit ni Zia.
“Date,” maiksing sagot pa ni Cedric.
Matagal na silang magkaibigan ni Zia at Cedric, mula pa noong mga uhugin pa sila hanggang sa nagbinata at nagdalaga ay nanatili ang kanilang pagkakaibigan. Masasabi nga nilang dalawa na kilalang-kilala na nila ang isa’t-isa. Pero lingid sa kaalaman ng isa ay may nararamdamang pagtatangi ang iisa sa kanila. Hindi nga lang deretsahang maamin, dahil sa takot na baka masira ang pagkakaibigan nila.
“Kailangan ba talagang kapag may date ka ay isasama mo pa ako. Baka pagselosan pa ako ng ka-date mo,” naiiritang wika ni Zia.
“Ano ka ba? Siyempre kailangan ko ng chaperone. Paano kung pagsamantalahan ako ng babaeng makaka-date k—” Hindi na naituloy ni Cedric ang sasabihin dahil hinampas na siya ni Zia ng malakas sa balikat. “Aray ah!” Angal ni Cedric.
“Ang taas ng tingin mo sa iyong sarili!” Eksaheradang wika ni Zia. “Hindi ka gano’n ka gwapo upang pagnasaan ng mga kabaro ko hijo,” matalinhagang wika ni Zia.
“Naniniguro lang ako Binibini,” natatawang wika ni Cedric. “Basta ah. Samahan mo ako. Susunduin kita bukas, kaya maghanda ka,” bilin pa ni Cedric na tanging irap lamang ang isinagot ni Zia.
Naiirita na si Zia dahil kanina pa silang dalawa ni Cedric nakatayo sa labas ng sinehan kung saan ang usapan ng mga itong magkikita.
“Ano na, Cedric? Wala pa ba ang ka-date mo?” Naiiritang tanong ni Zia.
“Ewan ko ba? Hindi na nga nagrereply e.”
“Ano ba naman ‘yang ka-date mo!” Walang magawang sambit ni Zia kahit ang totoo ay naiinis na siya sa sitwasyon. Kung pwede lang ay nilayasan na niya si Cedric, kaso ay mukha naman itong kawawang naghihintay kapag iniwan niya ito.
Maya-maya ay inakbayan siya ni Cedric, habang may pilyong ngiti sa labi. “Ano?” Naiinis niyang tanong sa lalaki.
“Nagsisimula na yata ang palabas,” mahinang wika ni Cedric.
“Ano naman ngayon? Nasaan na ang ka-date mo? Grabe ha! Siguraduhin ng babaeng iyan na maganda siya. Sa haba ng oras na pinaghintay niya tayo’y hindi nakakatuwa!” Naiinis na pahayag ni Zia.
“Pumasok na lang tayo sa loob,” nakangiting wika ni Cedric sabay hila sa kanya upang pumila na sa mga pumapasok at nag-aabang sa palabas ng sinehan.
“Paano ang ka-date mo?” Takang tanong ni Zia.
“Hayaan mo na. Sayang naman ang ticket natin kung hindi gagamitin,” anito sabay lahad ng dalawang ticket. “Tayong dalawa na lang ang mag-date.”
“Aw! Sabagay,” nakangiting sambit ni Zia, saka sumunod kay Cedric.
Masaya ang palabas at saglit niyang nakalimutan ang totoong pakay nila ni Cedric. Kaya ngayong tapos na ang kanilang pinapanuod ay muli na naman niyang naalala ang lapastangang babaeng hindi sinipot ang kaibigan niya.
“May pina-reserve ako doon sa paborito nating kainan. Kumain muna tayo doon at saka mamasyal,” wika ni Cedric na labis niyang pinagtaka.
Bakit parang hindi man lang apektado si Cedric na hindi ito sinipot ng ka-date. Samantalang siya ay nanggigil na sa babaeng hindi niya kilala, ito naman ay kalmado lang.
“Teka nga lang. Ayos ka lang ba?” Takang tanong ni Zia. Nais niyang masigurong ayos lang ang kaibigan.
“Oo naman.”
“Hindi ka apektado?” Muling tanong ni Zia.
“Hindi.” Agad namang sagot ni Cedric saka siya hinila sa restaurant na nais nitong kainan nila. “Mamaya. Ipapaliwanag ko sa’yo.”
Pagdating sa sinabi nitong kainan ay nagulat si Zia sa nakitang nakasulat sa may pader. “Please be my girlfriend, Zia.” Ito ang katagang nakasulat sa pader ng pinasukan nilang restaurant.
“Ano ito, Cedric?” Takang tanong ni Zia. Wala siyang mahagilap na salita dahil pakiramdam niya’y lumulutang siya sa alapaap sa mga oras na ito.
“I’m sorry kung kinailangan ko pang magsinungaling sa’yo. Ginawa ko lang naman ‘yon kasi hindi ko alam kung paano sasabihin sa’yo ‘yong totoo kong nararamdaman nang hindi mo ako binabara,” nahihiyang pag-amin ni Cedric.
“Ano?” Nagtataka pa rin si Zia sa nangyayari.
“Wala akong babaeng makakatagpo. Walang saysay ang paghihintay natin sa sinehan dahil wala naman akong ibang hinihintay. Kasi kasama ko na ang babaeng makaka-date ko, Zia. Matagal ko ng pinagplanuhan ito at sa wakas nagawa ko na rin,” masayang wika ni Cedric.
“Hindi ko matandaan kung kailan kita minahal Zia, pero alam ko sa sarili kong ikaw lang ang bukod tanging babaeng mamahalin ko. Noong una ay natakot ako na baka mawala ka sa’kin kapag sinubukan kong isugal ang pagkakaibigan natin. Pero naisip kong mas maiging sumugal kaysa habang buhay na magsisi dahil hindi ko man lang nasabi sa’yong mahal na mahal kita,” pag-amin ni Cedric.
“Loko-loko ka,” umiiyak pero nakangiting wika ni Zia. “Pwede mo naman kasing sabihin sa’kin ng deretso, dinaan mo pa sa ganito.” Natatawang sambit ni Zia. “Matagal na rin kitang minamahal, hindi ko lang maamin. Siyempre, kasi isa akong dalagang Pilipina,” biro pa ni Zia.
Hindi niya maipaliwanag ang tunay niyang nararamdaman. Masaya siya pero gusto niyang umiyak. Akala niya noon ay habambuhay na lamang siyang magiging kaibigan at chaperone ni Cedric. Mabuti na lang kahit hindi niya hiningi kay Cedric na suklian nito ang pagmamahal niya’y kusa namang binigay ng lalaki sa kaniya ang pagmamahal na noon pa man ay pinangarap na niyang makamtan.
“I love you, Zia. Pasensya ka na kung napagod akong maging kaibigan mo lang. Kasi ngayon, gusto kong maging kasintahan mo na. Pangako, mas magkakasundo tayo bilang magkasintahan,” makulay na mga pangako ni Cedric saka siya niyakap ng mahigpit.
“Hindi magiging madali ang lahat, Cedric. Pero nakakasiguro akong ayokong masira ang matagal na nating pinagsamahan mula noong mga bata pa tayo. Kaya hangga’t kaya natin, ipaglaban natin ‘to hanggang sa dulo,” malambing namang sagot ni Zia.
Isang mainit na halik ang nagkandado sa kanilang mga pangako. Walang makakapagsabi kung hanggang saan sila dadalhin ng pagmamahal nila sa isa’t-isa. Basta ang mahalaga, alam nilang pareho silang lalaban para sa kanilang habambuhay na kaligayahan.