Inday TrendingInday Trending
Malandi Ang Nanay Mong Titser

Malandi Ang Nanay Mong Titser

Bulung-bulungan ng mga kapwa guro si Ms. Dina Dimagiba dahil bukod sa malaswa raw itong magdamit ay isa rin itong ‘disgrasyada’.

“Ewan ko ba kung bakit naging titser ang babaeng ‘yan. Hindi siya magandang ehemplo sa mga estudyante niya!” inis na sambit ni Mrs. Jimenez.

“Disgrasyada na nga, ang laswa pa kung magdamit. Gusto yatang ipakita na sa buong eskwelahan ang kanyang kaluluwa. Isa siyang malaking kahihiyan sa ating mga guro!” hirit naman ni Ms. Agbayani.

“Dito pa niya ipinasok sa eskwelahang ito ang anak niya sa pagkakasala. Kaawa-awang bata,” gatol ni Mrs. Sanchez.

Kahit puro panlalait ang ibinabato ng mga kasamahang guro ay balewala naman iyon sa anak ni Ms. Dina na si April. Matagal na niyang alam na anak siya sa pagkadalaga ng kanyang ina ngunit ipinaliwanag naman sa kanya nito kung bakit iyon nangyari. Sinabi sa kanya ng ina na niloko at iniwan ito ng kanyang ama kaya siya ang naging bunga. Pagdating naman sa pananamit ay nasanay na ang kanyang ina na magsuot ng mga pang-sexy dahil maganda naman talaga ang hubog ng katawan nito. Kahit naman ganoon magdamit ang ina ay hindi naman ito malaswa na salungat sa sinasabi ng mga tsismosang guro sa eskwelahan.

Para kay April ay napakabait na magulang ng kanyang ina kaya sa tuwing nakakarinig siya ng mga panlalait tungkol dito ay hindi niya maiwasang mainis at sumama ang loob.

“Ma, pinagtsitsismisan na naman po kayo sa school,” aniya.

“Hayaan mo sila, anak. Sanay na ako sa mga tsismoso at tsimosa sa school,” natatawang sabi ng ina.

“Basta ako, anuman ang sabihin nila sa sa iyo, hindi magbabago ang tingin ko sa sa iyo, Ma. Mahal na mahal kita,” sabi niya sabay yakap nang mahigpit sa ina.

“Naku, yakap mo pa lang, anak, ay lumakalas at mas nagiging matatag na ang loob ni Mama,” wika naman ni Dina saka hinalikan ang anak sa noo.

Nang sumunod na araw ay may bago na namang pinagtsitsismisan ang mga dalahirang guro.

“Alam niyo ba na may bagong tsismis kay Ms. Dimagiba? Hindi na talaga nahiya ang babaeng ‘yan, pati mga binatilyo niyang estudyante ay pinapatulan,” hayag ni Mrs. Jimenez.

“Ano’ng pinapatulan?” tanong ni Mrs. Sanchez.

“Ano pa, eh ‘di ginagawan niya ng kahalay*n at kababuy*n ang mga kawawang estudyante!” bunyag ng ginang.

“Ano? Totoo ba ‘yan?!” gulat na tanong ni Ms. Agbayani.

“Totoo. Nakita ng janitor nating si Mang Berto si Ms. Dimagiba na may kasamang tatlong binatilyong estudyante sa classroom niya bandang alas-nuwebe nang gabi. Maniniwala ba kayo na may titser pang nagtuturo sa ganoong oras?”

“Diyos ko, dito pa mismo sa eskwelahan gumagawa ng kababalaghan ang babaeng ‘yan!” sabi ni Ms. Agbayani.

Kinaumagahan, kinausap ni Mrs. Jimenez si April tungkol sa ina.

“April, hija, pagsabihan mo naman ang Mama mo na itigil na niya ang kanyang ginagawa.”

“Ano pong ibig niyong sabihin, ma’am?” nagtatakang tanong ng dalagita.

“Sino bang matinong guro ang nagtuturo sa mga binatilyong estudyante tuwing alas-nuwebe ng gabi? Pakisabi sa Mama mo irespeto naman niya itong eskwelahan at tigilan ang paggawa niya ng kalaswaan!”

Ikinagulat ni April ang sinabi ni Mrs. Jimenez. ‘Di siya makapaniwala na magagawa iyon ng kanyang ina.

“Mabuti pa ay sumama ka sa amin ng mga co-teacher ko, hija, para ikaw mismo ang makakita sa mga pinaggagagawa ng magaling mong ina.”

Pagsapit ng alas-nuwebe nang gabi ay sabay-sabay na inalam ng tatlong guro ang ginagawang kababalaghan ni Ms. Dina Dimagiba. Isinama nila ang anak nitong si April para ipamukha sa dalagita kung anong klaseng ina mayroon siya.

Ilang minuto pa ay nakita nilang pumasok sa classroom ang ina kasama ang tatlong binatilyong estudyante. May dala pang flashlight si Ms. Dimagiba habang lumilinga-linga sa paligid.

“Ma? Diyos ko, ano ‘yang ginagawa mo?!”

“Nakita mo, hija ang ginagawang kababalaghan ng Mama mo? Ano’ng klaseng ina ‘yan na mas inuuna pa ang kalandian kaysa asikasuhin ang anak,” gigil na sabi ni Mrs. Sanchez.

“Ano pang hinihintay natin, ma’am? Sugurin na natin!” sabi ni Ms. Agbayani.

“Siguradong malalagot siya sa Principal. Hindi ko ito palalagpasin!” saad pa ni Mrs. Jimenez.

Dahan-dahan nilang nilapitan ang classroom. Napansin nila na nakasara ang pinto, pero nakabukas ang ilaw sa loob. Nang malamang hindi naka-lock iyon ay agad nilang itinulak nang malakas ang pinto. Nagulat sila nang makitang nagsusulat sa pisara si Ms. Dimagiba at tahimik namang nagsusulat sa kaniya-kaniyang kuwaderno ang tatlong binatilyong estudyante.

Saglit ding nagulat si Ms. Dimagiba nang pasukin siya ng tatlong guro kasama ang anak.

“Magandang gabi! Bakit narito pa rin kayo? Anak, ano’ng ginagawa mo pa rito? Ang akala ko’y umuwi ka na sa bahay,” nagtatakang sabi ni Dina.

Ikaw ang dapat naming tanungin, Ms. Dimagiba. Alas-nuwebe nang gabi ay narito ka pa rin? Ano’ng ginagawa mo sa mga binatilyong ito?” gigil na tanong ni Mrs. Jimenez.

“Ano ang ginagawa ko? Ano pa, eh’ di nagtuturo sa mga estudyante ko. Ang tatlong binatilyong ito ay mga working student. Nagtatrabaho sila sa umaga at nag-aaral naman sa gabi. Pinakiusapan nila ako na turuan ko sila sa gabi dahil hindi sila nakakapasok sa umaga at sa ganitong oras lang sila libreng tatlo.

“Tama po si ma’am. Gabi na po kasi natatapos ang trabaho namin sa fast food chain kaya sa ganitong oras lang po kami nakakapag-aral. Napakaswerte nga po namin at talagang may mabuting loob si Ms. Dimagiba dahil pumayag siyang turuan kami sa mga oras na dapat sana’y nagpapahinga na siya,” wika ng isang binatilyo.

“Ipinagbigay alam ko na rin ito sa ating Principal at pinayagan naman niya akong magturo sa ganitong oras para rito sa tatlong masisipag kong estudyante,” saad pa ng guro.

Napanganga ang tatlong tsismosang guro sa sinabi ni Ms. Dimagiba. Labis na napahiya ang mga ito dahil wala naman palang ginagawang kababalaghan ang kasamahan nila sa trabaho. Sa ginawa nilang panghuhusga, lumalabas na mas propesyunal pa at matinong guro si Ms. Dimagiba kaysa sa kanila.

Nilapitan ni April ang ina at niyakap.

“Sorry, Mama kung pinag-isipan kita ng masama. Hindi ko po kayo dapat hinusgahan agad, dahil sa kanilang lahat, ako po ang higit na nakakakilala sa inyo. Ipinagmamalaki ko po kayo, Ma!”

Tandaan na huwag gamitin ang kahinaan ng isang tao para husgahan ito, sa halip ay tingnan kung ano ang mabuti nitong nagawa o naiambag sa kaniyang kapwa.

Advertisement