“Ken, ano ba! Gumising ka nga muna!”
Umungot ang asawa ni Lilibeth nang alug-alugin niya ito, habang natutulog.
“Sabi nang gumising ka diyan, eh!” Hindi niya pa rin ito tinigilan.
“Bakit ba, ano ba ʼyon?” Napahilamos naman si Ken sa kaniyang mukha at napilitang magmulat ng mga mata kahit na antok na antok siya.
“Ang lakas-lakas kasi ng hilik mo! Hindi ako makatulog. Nakakainis!” pabulyaw namang ani Lilibeth sa asawa.
Napakamot si Ken sa kaniyang batok. “Sorry, mami. Pagod na pagod kasi ako sa maghapong pagtatrabaho, e.” Napabuntong-hininga pa siya habang nagpapaliwanag.
“Kahit na. Nakaka-turn off ka, alam mo ba ʼyon? Hindi ka naman ganiyan dati noʼng hindi pa tayo ikinakasal,” kunot na kunot ang noong singhal pa rin ni Lilibeth sa kaniyang mister na si Ken.
Napayuko naman ang huli. Hindi na lamang siya sumagot para hindi mauwi sa pagtatalo ang usapan nila.
“Siya, sorry na talaga, mami. Doon na lang ako matutulog sa salas ngayong gabi para makatulog ka nang maayos dito, okay?” Iyon na lang ang naisip na sabihin ni Ken, pero sa loob-loob niyaʼy iniisip niyang sana ay hindi pumayag ang kaniyang misis. Mahirap kasing matulog doon sa salas laloʼt talagang pagod na pagod siya ngayong araw.
“Mabuti pa nga! Naiistorbo ang tulog ko dahil sa hilik mo, e!” inis namang sabi ni Lilibeth na mabilis pa sa alas kuwatrong bumalik sa pagkakahiga at pumikit na.
Napailing na lang si Ken, pero pinilit niyang intindihin ang misis. Ilang linggo na rin siya nitong sinusungitan sa hindi niya malamang dahilan.
Kinabukasan, sinikatan na ng araw si Lilibeth sa higaan. Nagising siya nang siyaʼy banasin na roon, dahil tirik na tirik na pala ang araw.
“Hala, tanghali na!”
Nagmadali siyang bumangon. Iniisip niyang baka tulog pa si Ken at malamang ay late na ito sa trabaho. Siya kasi talaga ang nag-aasikaso rito sa umaga, bilang asawa nito.
Ngunit nang lumabas siya ng kuwarto ay wala na roon ang kaniyang mister. Malinis na rin ang ginamit nitong kumot at unan na iniwan nitong nakatupi sa ibabaw ng sofa. May note pang nagsasabing, huwag na raw niya iyong ipasok pabalik sa kuwarto, dahil sa sofa daw ulit ito matutulog mamaya.
Biglang nakaramdam ng pagkakonsensya si Lilibeth sa kaniyang puso. Ilang linggo na niyang sinusungitan si Ken. Naaawa naman siya rito, ngunit hindi niya alam kung bakit kapag nakikita niya itoʼy naiirita siya sa mukha ng asawa.
Pagpunta ni Lilibeth sa kusina, may nakahanda nang almusal sa mesa. Ipinagluto pa pala siya ni Ken bago ito umalis kanina!
Naluha si Lilibeth. Pakiramdam niyaʼy ang laki ng kasalanan niya sa asawa dahil sa kabila ng pagsusungit niyaʼy nagagawa siya nitong intindihin. Dahil doon, nagpasiya siyang puntahan ito sa pinagtatrabahuhan nitong construction site.
Dinalhan ni Lilibeth ng pagkain si Ken bilang peace offering. Ngunit laking pagtataka niya dahil hindi niya nakita roon ang asawa.
“Marc, nasaan si Ken?” Tinawag niya ang isang katrabaho ni Ken. Si Marc, na isang kargador.
“Oh, Lilibeth, ikaw pala. Si Ken? Naku, wala siya, e. Nag-deliver.”
Biglang kumunot ang noo ni Lilibeth sa sagot ni Marc.
“Nag-deliver ng ano? Hindi baʼt lunch break nʼyo ngayon? Bakit nasa trabaho pa rin siya?” takang tanong niya.
“Hindi mo ba alam? Nagdodoble kayod ang asawa mo ngayon. Nagsa-sideline siya bilang delievery boy sa isang online shop. Ganito ang ginagawa niya tuwing lunch break, kapag nakakatanggap siya ng order.”
Halos malaglag ang panga ni Lilibeth sa nalaman. Kaya naman pala pagod na pagod ang kaniyang asawa sa tuwing uuwi ito, at ganoon na lang ang lakas ng hilik sa gabi ay dahil dalawa pala ang trabaho nito!
Pero bakit?
Nang gabing iyon, pag-uwi ni Ken ay agad siyang sinalubong ni Lilibeth ng komprontasyon.
“Bakit hindi mo sinabi sa aking nagsa-sideline ka? At bakit ka nagsa-sideline?” may galit sa tono ng babae. Paanoʼy kung anu-anong bagay na ang tumatakbo sa kaniyang isip. Nagkakaroon siya ng ibaʼt ibang kongklusyon sa utak at kasama na roon ang pag-iisip na baka may ibang babae ang kaniyang mister.
Bumuntong-hininga muna si Ken bago sinagot ang asawa.
“Pasensiya ka na, mami. Ayoko lang namang mag-alala ka kapag sinabi ko sa ʼyong nagdodoble kayod ako. May pinag-iipunan kasi ako, e.” Umupo si Ken at tinabihan si Lilibeth.
“At ano ʼyon?” masungit pa ring tanont nito.
“May hinala kasi akong buntis ka. Ilang linggo ko na kasing napapansin ang mga sintomas sa ʼyo, kaya agad akong nagpasyang gawin ʼto. Gusto kong magkaroon ng ipon bago ka man lang sana manganak, para handa tayo kung sakaling tama nga ang hinala ko,” sagot naman ni Ken na ikinabigla ni Lilibeth.
Bigla siyang naiyak. Naalala niya ang mga gabing inaaway niya si Ken dahil malakas itong humilik. Naaalala niya ang masasakit na salitang ibinabato niya rito, kapag inaaway niya ito. Biglang nakaramdam ng pagsisisi si Lilibeth.
Niyapos niya ang asawa. Humingi siya ng tawad habang umiiyak sa bisig nito. Siyempre, mabilis lang siyang pinatawad ni Ken dahil naiintindihan nito ang kaniyang kalagayan.
Nang gabi ring iyon ay nagpasiyang mag-pregnancy test si Lilibeth at doon ay nakumpirma nila ang hinala ni Ken. Buntis nga siyaʼt magkakaanak na sila!
Labis ang kaligayahan ng mag-asawa dahil madaragdahan na ang kanilang binubuong pamilya.
Simula noon, hindi na nagreklamo pa si Lilibeth sa lakas ng hilik ni Ken. Kinikilig pa nga siya sa tuwing naririnig niya iyon, dahil tanda iyon ng pagiging mabuting asawaʼt ama nito. Nag-iingat na lamang si Lilibeth dahil masama rin naman ang labis na paghilik. Minabuti niyang ipatingin sa doktor ang asawa at ayon dito ay tamang pahinga lang naman ang kailangan.