Agad na bumangon si Esmie, 9 na taong gulang, nang marinig ang tilaok ng manok ng kanilang kapitbahay, hudyat na alas singko y media na at kailangan na niyang bumangon. Niyugyog niya ang kapatid na si Linda, na mahimbing pang natutulog, upang bumangon na ito. Araw ng Sabado. Araw ng pagtulong kay Inay.
“Bangon na Linda, pagagalitan tayo ni Inay kapag tinanghali tayo ng gising. Gising na yata siya. Naririnig ko na ang gilingang-bato…”
Bumalikwas ng bangon si Linda na noon ay limang taong gulang.
“Antok pa ako, Ate…”
“Bangon na… marami pa tayong gagawin. Maglalako pa tayo.”
Bumangon na nga ang magkapatid at naabutan nila ang kanilang Inay na naglalagay ng galapong sa kanilang gilingang-bato.
“Mabuti naman at gising na kayo. Kumain na muna kayo ng agahan, pagkatapos ay tulungan ninyo akong maglagay ng galapong sa dahon ng saging. Esmie, asikasuhin mo’ng kapatid mo,” utos ng kanilang Inay na si Aling Godyang.
Maaga silang naulila sa kanilang Itay matapos itong mam*tay dahil sa malubhang sakit. Mula noon, mag-isa silang tinaguyod ni Aling Godyang. Kung ano-anong mararangal na trabaho na ang pinasok nito. Tuwing Lunes at Miyerkules, naka-iskedyul itong mangatulong kina Misis Reyes na malapit lamang sa kanila. Tuwing Martes, Huwebes, at Sabado, naglalako ito ng mga panindang meryenda na gawa sa malagkit gaya ng puto, palitaw, suman, at marami pang iba gamit ang kanilang lumang gilingang-bato. Tuwing Biyernes naman, nagwawalis ito ng bakuran sa munisipyo. Tuwing Linggo, nagpapahinga ito mula sa paggawa.
Mahigpit ang bilin sa kanila ni Aling Godyang: ayos lamang na magkandakuba ito sa pagtatrabaho, basta’t mag-aral lamang silang mabuti. Subalit tuwing araw ng Sabado, inoobliga silang dalawang magkapatid na tumulong sa paggawa ng mga paninda, at paglalako nito.
Magkano man ang kanilang kitain ay hinahati-hati ng kanilang Inay: kalahati kay Esmie, at kalahati kay Linda. Mahigpit ang paalala ni Aling Godyang sa dalawang anak na ugaliin ang pagtitipid at pag-iimpok upang may magagamit sa panahon ng pangangailangan.
“Oh, Esmie, pagkatapos mong kumain diyan, tulungan mo na ako sa pagbabalot ha para makalako ka na,” utos ni Aling Godyang.
“Eh Inay, sino po ang maghuhugas ng mga pinagkainan?” tanong ni Esmie. Lumingon siya sa kaniyang Inay at nakita niyang itinuro nito sa pamamagitan ng kaniyang pinatulis na nguso ang nakababatang kapatid na si Linda.
“Linda, ikaw raw ang maghuhugas ng mga pinagkainan ha, kaya dalian mo nang kumain para matapos ka na agad,” utos naman ni Esmie. Kitang-kita niya ang pagsimangot ni Linda.
“Huwag ka nang sumimangot diyan at kagagalitan ka ng Inay,” bulong ni Esmie sa kapatid.
Pagkatapos ngang kumain ay agad na silang nagpokus sa mga trabahong iniatang sa kanila ni Aling Godyang. Matapos magbalot ng mga paninda, lumarga na sila ng paglalako. Hindi ikinahihiya ni Esmie ang paglalako ng kanilang mga paninda. Sa katunayan, ipinagmamalaki niya ito dahil pakiramdam niya, ipinamamalita niya sa kanilang lugar kung gaano kasarap magluto ang kanilang Inay.
Natatandaan niya, laging sinasabi ng kanilang Inay ang mga paalala nito.
“Wala na ang Itay ninyo. Tayo-tayo na lamang ang magtutulungan. Kaya kailangan magpakasipag kayo. Magtapos kayo ng pag-aaral para may bala kayo sa hirap ng buhay. Huwag puro pasarap. Saka na ang pasarap kapag may pera na.”
Kaya nang araw na iyon, sinikap ni Esmie na maibenta ang lahat ng mga paninda nila. Nais niyang regaluhan ang kanilang Inay para sa Mother’s Day. Napansin niya kasing luma na ang sinusuot nitong sandalyas. Pinag-ipunan niya talaga na mabilhan ang kaniyang Inay. Gusto niyang sorpresahin ito.
Nang bandang hapon, nagtagumpay naman si Esmie na maibenta ang kanilang mga paninda, subalit hindi gaya ng kanilang nakagawian, hindi muna sila umuwi ni Linda. Dumaan muna sila sa isang mall upang mabili na ang kanilang regalong sandalyas para sa kanilang Inay. Medyo ginabi na sila nang uwi dahil mahaba ang pila.
Pagdating sa kanilang bahay, galit na galit na sinalubong sila ni Aling Godyang. May hawak itong sinturon. Ito ang makapal na sinturon ng kanilang yumaong Itay.
“Saan kayong nagsuot na dalawa? Esmie, kung saan-saan mo dinadala ang kapatid mo! Alam mo bang nag-aalala na ako sa inyo?! Hindi ninyo man lamang naisip na pagod ang Inay ninyo, tapos pag-aalalahanin ninyo pa ako?”
Nagtago si Linda sa likod ni Esmie. Ngayon lamang nila nakitang galit na galit ang kanilang Inay.
“Eh… Inay… kuwan po kasi…” naumid ang dila ni Esmie. Hindi niya alam kung paano siya magpapaliwanag. Hindi niya inaasahang magagalit nang husto ang kanilang Inay.
“Ano? Magpaliwanag ka!” galit na sabi ni Aling Godyang. Umigkas ang kamay nitong may hawak na sinturon, at ipinalapat sa puwetan ni Esmie. Dalawang beses. Napaiyak sa sakit si Esmie.
“Inay! Inay! Tama na po. Huwag na po ninyong paluin si Ate! Ginabi po kami kasi binilhan po namin kayo ng regalo, Mother’s Day po kasi. Heto po oh…” at ipinakita ni Linda ang sinasabing regalo.
Nagulat si Aling Godyang. Kinuha niya ang iniaabot na regalo ni Linda. Napapalamutian ito nang magandang pambalot. Nakadibuho sa pambalot ang pagbating “Happy Mother’s Day!”
“Saan kayo kumuha ng pambili nito?” tanong ni Aling Godyang.
“Pinag-ipunan po namin ni Ate. Naawa na raw po kasi siya sa inyo. Sira-sira na po ang sandalyas ninyo. Kaya bumili po kami…” paliwanag ni Linda.
Sinira ni Aling Godyang ang balot ng regalo. Nakita niya ang maganda ngunit simpleng sandalyas na binili sa kaniya ni Esmie. Agad niya itong isinukat.
“Inay, Happy Mother’s Day po! Maraming salamat po sa lahat!” at niyakap ni Esmie ang kaniyang Inay. Sumugod na rin ng yakap si Linda. Hindi na napigilan ni Aling Godyang ang pagpatak ng luha sa kaniyang mga mata. Mahigpit na niyakap ang dalawang supling, lalo na ang panganay na si Esmie na napagbuhatan pa niya ng kamay.
“Maraming salamat, mga anak! Pasensya na kayo kung nagalit ako sa inyo. Nag-alala lang talaga ako. Mapanganib na ang panahon ngayon, at pareho pa kayong babae kaya nag-alala ang Inay. Iniwan na tayo ng inyong Itay, at ayokong mawalan ng dalawang masisipag at mapagmahal na anak. Patawarin ninyo ako kung marami akong pagkukulang sa inyo, lalo na sa pera, pero huwag kayong mag-alala, gagawin lahat ni Inay upang matupad ninyo ang mga pangarap ninyo. Mahal na mahal ko kayo!” umiiyak na pahayag ni Aling Godyang sa dalawang anak.
Simula noon, lalo pang nagsikap sa kanilang pag-aaral ang magkapatid na Esmie at Linda. Ayaw nilang biguin ang kanilang Inay. Pangako nila, tutuparin nila ang pangako nila sa kaniya: na magtatapos sila ng pag-aaral upang mapabuti ang kanilang buhay.