“Mare, nakita mo ba yung nakita ko kanina? Napasilip kasi ako sa bintana nang may sumisigaw na bata na para bang humihingi ng tulong,” sambit ni Aling Jona sa kaniyang kapitbahay nang minsang tumahimik ang kanilang paligid mula sa sigaw ng isang batang kalye.
“Aba, oo naman! May kinuha na namang batang kalye si Mang Lito! Kitang-kita ko nga kung paano niya buhatin yung bata noong pumapalag ito!” bulong ni Aling Lolit habang pasimpleng sumisilip sa bahay ng nasabing matanda.
“Tingin ko talaga dapat na natin ‘yang isumbong sa barangay! Pang ilang batang kalye na ang pinapasok niya d’yan sa bahay niya at hindi na lumalabas!” ‘ika niya, bakas sa mukha nito ang pangamba.
“Isang beses pa talaga, hindi na ako magdadalawang-isip magsumbong! Ayoko lang kasi ng gulo, eh, pero nakakabahala na. Tingin ko naman marami sa atin ang nakakakita sa ginagawa niya,” dagdag pa ng kaniyang kumare habang sinisipat pa rin ang naturang bahay.
“Sasamahan kitang magsumbong! Ayokong dumating sa puntong maubos ang mga batang kalyeng puntirya niya at mga apo ko naman ang kunin niya,” ‘ika niya saka iiling-iling nang dahil sa pangamba.
Matagal nang naninirahan sa naturang barangay si Aling Jona. Sa katunayan nga, dito na niya napalaki ang kaniyang tatlong anak na pawang may sari-sarili na ring pamilya. Dito na rin niya nakilala ang isang matandang dalagang naging matalik niyang kaibiga, si Aling Lolit. Ngunit tila ngayong taon lamang sila nakapansin ng hindi pangkaraniwang gawain ng isa sa kanilang mga kapitbahay.
Labis na lamang ang pangamba ng dalawang ginang sa bawat sigaw at iyakang naririnig nila mula sa bahay ng isang matandang lalaki na si Mang Lito.
Nagsimula silang mag-alala nang harapang masaksihan ang pagdala ng matanda sa mga batang umiiyak saka pinapasok sa bahay nito’t hindi na lumalabas noong nakaraang buwan na nasundan pa ng hindi mabilang na beses.
‘Ika pa ni Aling Lolit, “Baka nga pinagkakakitaan niya ang mga batang nadudukot niya, eh! Nakita ko yung isang batang dinala niya d’yan doon sa parke, may dalang pagkain tapos inabot sa kaniya! Kawawa nga yung bata, eh, mukhang galing sa limos ang pagkain!” na lalo pang nakapagpakaba kay Aling Jona.
Kinabukasan, nagising na naman siya sa atungal ng isang bata. Mula na naman ito sa bahay ng naturang matandang lalaki. Agad siyang dumungaw sa bintana at nang makitang nakasilip din ang kaniyang kumare, agad niya itong sineniyasang lumabas ng bahay.
“O, paano ba ‘yan? Mukhang may bagong biktima na naman ang matanda nating kapitbahay,” bungad nito sa kaniya.
“Oo nga, eh, nakakaalarma na talaga! Pinalabas kita para makapagsumbong na tayo sa barangay,” sambit niya saka hinila ang kumare sa kanilang barangay.
Doon naabutan nila ang kanilang kapitan na nagkakape kasama ang mga kagawad nito. Agad nilang pinagbigay alam ang hindi pangkaraniwang gawain ng isa sa kanilang mga kapitbahay.
Dahil nga sa sumbong nila, hindi na nagdalawang isip ang kapitan na puntahan ito sa bahay kasama ng mga kagawad at tanod sa barangay. Sakto namang may malakas na tunog ang nagmula sa bahay na tila ba may bumagsak na mabigat na bagay at nasundan pa ng pag-iyak ng isang bata dahilan upang mataranta silang lahat at mapilitang pasukin ang bahay.
“Lumibot kayo sa buong bakuran,” sambit ng kapitan sa kaniyang mga kagawad at agad na inutusan ang isang tanod na sipain ang pintuan upang masaksihan ang kaganapan sa loob ng naturang tahanan.
Laking gulat ng dalawang magkumare nang tumambad sa kanila ang hindi bababa sa labing limang batang kalyeng nakaupo sa isang mahabang hapagkainan habang karga-karga ng naturang matanda ang isang tatlong taong batang tila kakatapos lamang umiyak.
“O, kapitan, napadalaw po kayo?” sambit ni Mang Lito saka binaba ang karga niyang bata, “Sandali lang mga anak, ha? May kakausapin lang ang tatay,” ‘ika pa niya saka tuluyang lumapit sa dalawang ginang at sa kanilang kapitan.
Kamot ulong pinaliwanag ng kapitan ang sumbong ng dalawang ginang at ang eksenang kanilang narinig dahilan upang humagalpak ng tawa ang matanda.
Dito na nila nalamang lahat na hindi pala totoong dinadala nga ng matanda ang mga batang kalye sa kaniyang tahanan, hindi sa masamang kadahilanan kundi para ampunin ang mga ito, bigyan ng tahanan, pagkain at pagmamahal.
“Alam niyo naman pong wala akong pamilya, eh, kaya naisipan kong ampunin na lamang sila, dito ko naramdamang masaya pala ang magkapamilya,” sambit nito dahilan upang mapatameme na lamang ang dalawang ginang, “Yung mga iyakan po nila, normal lang ‘yon, ‘di ba? Kasi nga bata pa sila,” dagdag pa nito saka tumingin sa mga batang masayang kumakain.
Lubos na humingi ng tawad ang kapitan sa naidulot nilang eksena, ganoon din ang dalawang ginang na labis ang pagsisisi sa kanilang mga hinala.
“Pasensiya ka na, Mang Lito, dapat pala kinausap ka na muna namin,” nakatungong sambit ni Aling Jona, tinapik-tapik naman siya nang matanda at bahagya siyang nginitian.
Nawala na ang pangamba sa puso ng dalawang ginang at napalitan ito ng saya at inspirasyon na tulungan ang naturang matanda na alagaan ang mga batang kalyeng parte na ng pamilya nito.
Araw-araw nilang itong dinadalaw upang abutan ng kahit isang tasang pagkain, tulungan itong magpaligo at turuan ang mga batang magbasa’t magsulat.
Hindi man natigil ang naririnig nilang iyakan tuwing umaga, napalitan naman ito nang pagtutulungang walang makapapantay.
Madali ang manghusga ngunit lagi nating isipin, mas madali ang tumulong at makiisa, lalo pa kung para ito sa ikabubuti ng iba.