“Pumasok pa! Late ka na naman. Prof na ang nahihiya sa’yo ah? Kalahating oras na lang tapos na ang klase,” biro ni Jason na kaklase ni Nicko sa isang kurso sa pinapasukang unibersidad.
“Grabe! Mabuti nga pumasok pa ako. Pati ang mahalaga pumasok ako. Sa huli pa naman nag-a-attendance si sir. Ang mahalaga hindi ako nag-drop,” tugon naman ni Nicko.
Si Nicko ay kasalukuyang nag-aaral ng kursong engineering sa Maynila. Magaling siyang estudyante kahit na palagi siyang late sa klase. Dahil dito, bilib sa kanya ang kaniyang mga kaklase, dahil kahit marami siyang hindi naabutan na lessons, mataas pa rin ang nakukuha niyang marka sa quizzes at exams.
Kahit ganito si Nicko, may mas kinaiinisan pa siyang ugali sa sarili na hindi niya maalis. Ang pagiging makalilimutin. Hindi niya alam kung bakit pero kahit na importante na bagay ay nakakalimutan niya. Ito na marahil ang dahilan kung bakit madalas mainis ang kanyang girlfriend na si Sabrina.
“My gosh Nicko! 43 minutes na akong naghihintay sa’yo! Sobrang init pa,” galit na sabi ni Sabrina kay Nicko nang makita itong nagmamadaling pumasok sa restawran. Panglimang anibersayo na nila nang araw na iyon at balak sana nilang ipagdiwang ito buong araw.
“Sorry, hindi ko kasi na-alarm yung phone ko. Late ako nagising. Sorry na, mahal. I love you!” panunuyo ni Nicko.
“Palagi na lang ganyan. Kailan ka ba magbabago? Espesyal dapat itong araw na ito pero simula pa lang sira na agad. Kailan ka ba magbabago? Hay nako. Tara na nga!” ani ni Sabrina.
“Teka lang. Mahal, nakalimutan ko pala yung wallet ko. Sorry. May dala ka bang extra na pera?” nag-aalalang sabi ni Nicko.
“Ano ka ba naman?! Pati ba naman wallet mo? Paano ka nakapunta dito?” galit na tanong ni Sab.
“Mahal, kasi may pera sa bulsa ko. Ayun yung pinambayad ko. Hindi ko napansing wala pala sa bag ko,” pagdadahilan ng lalaki.
Hindi na lamang umimik si Sabrina, ngunit bakas sa kaniyang mukha ang inis sa boyfriend. Tinapos nila ang pagkain pero sa halip na mamasyal pa ay minabuti na lamang niya na mag half-day sa trabaho.
Nang pagdating sa office, napansin naman ni Gabriel ang malungkot na mukha ni Sabrina. “Oh? Kakapasok mo pa lang nakasimangot ka agad? Cheer up naman diyan. Ayokong nakikita kang malungkot,” pagpapasaya ng binata sa nagugustuhan niyang katrabaho.
“Hay nako, Gab. Napakalandi mo naman. ‘Wag mo nga akong pinagtri-tripan” wika ng babae. “Alam mo naman, ‘di ba? May boyfriend na ako?”
“Ayun na nga e. Kung ako naging boyfriend mo. Sisiguraduhin kong palagi kang masaya. Lahat ibibigay ko sa’yo. Iingatan kita at aalagaan. Huwag ka mag-alala, maghihintay ako. Pero sana pag-isipan mo, kung hindi ka na masaya, bakit pinagpalaban mo pa?” pangungulit ni Gab.
Napaisip naman si Sabrina sa sinabi ni Gabriel. Totoo nga na matagal na siyang nagdadalawang-isip sa relasyon nila ni Nicko. Pero kahit ganoon ay marami na rin naman silang pinagdaanan at mahal niya talaga ito. Pero para bang may kulang sa relasyon nila at para bang si Gabriel ang makakapagpuno ng kulang na ito.
Lumipas ang panahon at nakatapos na din ng pag-aaral si Nicko. Dahil na rin sa angkin niyang galing ay madali siyang nakahanap ng trabaho. Noong unang sweldo niya ay inanyayahan niya ang nobya na kumain sa isang mamahaling restaurant sa Makati.
“Mahal, ilang taon na kitang minamahal. Sobrang dami na natin pinagdaanan na nagpatatag ng relasyon natin. Araw-araw akong nagpapasalamat sa Diyos dahil binigay ka niya sa akin. Mahal, hindi na ako makapaghintay na makasama ka sa natitirang oras ng buhay ko. Gusto kong ikaw ang una kong makita sa tuwing gigising ako at huli sa pagtulog ko. Sabrina, will you spend the rest of forever with me?” naluluhang tanong ni Nicko habang nakaluhod sa harap ni Sabrina.
Laking gulat ni Sabrina sa ginawang ito ni Nicko. Mahal na mahal niya ito pero hindi niya akalain na magpo-propose na ito.
“Nicko, I’m so sorry. Pero hindi ko nakikita ang sarili kong tumanda kasama ka. Hindi ko alam kung kakayanin mo ba ang buhay mag asawa,” pagtanggi ni Sabrina
“P-pero bakit? A-anong kulang? Anong mali?” tanong ng lalaki
“Ikaw, Nicko! Napakapabaya mo! Pati mga importanteng petsa kinakalimutan mo. Paano pa kung may pamilya na tayo? Sorry Nicko. Sorry…” ito ang huling pag-uusap ng dalawa. Matapos nito ay hindi na nagpakita ulit si Sabrina kay Nicko.
Lumipas ang pitong taon at may bago ng karelasyon si Nicko. Naging magkarelasyon na din si Gabriel at Sabrina. Kahit na nabibigay ni Gabriel ang mga pagkukulang ni Nicko, hindi ito mahahalintulad sa pagmamahal na naipakita ni Nicko. Kung tutuusin nga ay mas matimbang pa ang naipakita ni Nicko kaysa kay Gab.
Isang araw, nakasalubong ni Jason, ang matalik na kaibigan ni Nicko, si Sabrina. “Sab! Kamusta ka na? Long time no see ah!” bati ni Jason.
“Okay naman ako. Ikaw kamusta na? Grabe iba na talaga kapag engineer,” biro naman ni Sabrina.
Matagal na nag-usap ang dalawa pero hindi napigilan ni Sabrina na mag tanong tungkol kay Nicko. “Kamusta pala si Nicko?” ani Sabrina.
Biglang napatahimik si Jason. Kita sa mukha nito ang lungkot pero tinatago ng isang ngiti. “Ah, okay naman siya. May asawa na siya ngayon!” sagot ni Jason.
Tila ba kinurot ang puso ni Sabrina sa narinig. Parang nadurog ang kaniyang puso dahil sa isip niya, siya dapat ang babaeng iyon.
“Sa totoo lang, ilang taon siyang durog na durog dahil sa iyo. Noong araw na nagpropose siya sa iyo, nakaplano na ang lahat para sa kaniya. Estudyante pa lamang kami ay nag-iipon na siya sa pagpa-part time kung saan-saan para lamang mabili ang singsing na binigay niya sa iyo. Malaki na rin ang naipon niya para sa magiging kasal niyo sana at kung anu-ano pa. Makakalimutin siya pero hindi niya nakakalimutan ang lahat ng gusto mo sa buhay. Kung alam mo lang na pinilit niya talagang magbago, pero siguro may mga bagay na kahit anong pilit mo ay hindi na mababago. Kailangan mo na lang tanggapin…” dagdag pa ni Jason.
Nang marinig ito ni Sabrina ay hindi niya napigilang tumulo ang luha. Kung noon lang ay nakuntento na siya kay Nicko at hindi tiningnan ang pagkukulang nito, siguro ay masayang-masaya na sila ngayon. Tanging pagsisisi lamang ang naiwan sa kaniyang puso.
Walang perpektong relasyon. Ang lahat ay may pagkukulang, may away at tampuhan. Hindi ito mawawala at kahit malungkot man, ito pa rin ang nagpapatatag ng relasyon. Sa huli ay kailangan pa rin ang pagiging kuntento at pagtanggap sa tao. Ang pagmamahal ay hindi lamang pagtanggap sa magagandang bagay ng isang tao, kundi ang pagmamahal rin sa mga pangit nito.