Isang beses sa isang linggo kung umuwi si Aling Kris sa kaniyang pamilya. Sa kabilang nayon pa kasi ito nagtratrabaho at tuwing Sabado’t Linggo lamang siya walang pasok.
“Aling Kris, marami ka bang dalang paninda ngayon? Bibili ako mamaya, baka pwede mo naman ako ipagtabi na nung mga paborito kong tinapay!” salubong sa kaniya ni Rosa, kapitbahay ng ale.
“Oo, marami, tawagin mo pa ‘yung iba na gustong bumili at sabihin mong mamayang hapon ay magtitinda na ako,” magiliw naman na sagot ni Aling Kris dito.
Bukod sa pag-uwi niya sa kaniyang pamilya ay inaabangan din siya ng marami sa kanilang lugar. Nagtitinda kasi ng ibat-ibang produkto ang ale na sa kabilang nayon lamang nabibili. Hirap ang mga kapitbahay niyang magpunta roon, bukod sa mahal ang bilihin ay mahal din ang pamasahe. Kaya noong nagsimula si Aling Kris na magtinda sa kanilang lugar ay talaga namang tinangkilik siya ng marami.
“Kris, bakit parang nagmahal naman yata ang tinda mo ngayon? Noong nakaraan ay singkwenta lang itong brownies, bakit ngayon ay may dagdag nang bente? Ang laki naman ng tubo mo!” malakas wika ni Aling Chona.
“Ito naman talaga si Chona, napakabarat! Hindi ako basta nagpatong lang diyan, nagtaas din kasi ang kinukuhanan ko kaya nadagdagan ang presyo niyan. Isipin mo nalang, namasahe pa ako, naglakad tapos ang bigat pa nitong lahat. Lugi pa nga ako kung tutuusin!” sagot naman ni Aling Kris.
“Sus, alam mo ba ‘yung bagong asawa ni Paul ay taga-kabilang nayon. Nagpunta nung nakaraan dito at nagtinda ng mga ganyan, ang mumura! Diyos ko, Kris, mawawalan ka ng kustomer diyan sa ginagawa mo!” baling naman ulit ni Aling Chona.
“E ‘di sa kaniya ka bumili! Bakit ka pa nagpunta rito kung gaganyanin mo lang ang paninda ko? Alam mo ikaw, Chona, kahit kailan ka talaga! Hindi na kita pagbebentahan, umalis ka na!” galit na tinaboy ni Aling Kris si Aling Chona. Halos pagtulakan niya ito palayo sa kanilang bahay. Wala namang nagawa ang ibang mamimili kung ‘di bilihin ang tinda ni Aling Kris kahit nga may kamahalan ito. Hindi na rin niya pinagbili pa kahit kailan si Aling Chona kahit pa nga paulit-ulit itong humingi ng tawad sa kaniya.
Hanggang sa isang araw, nagmamadaling umuwi si Aling Kris sa kanilang bahay dahil sa inaapoy raw ng lagnat ang kaniyang anak.
“Manuel, tara na, dalhin na natin itong si Abby sa kabilang nayon. May ospital doon, hindi bumababa ang lagnat ng anak natin,” naiiyak na saad ni Aling Kris sa kaniyang asawa.
“Kanina ko pa ako naghahanap ng bangkang may biyahe pa-nayon kaya lamang huli na ‘yung sinakyan mo. Walang may gustong pumalaot dahil sa lakas ng alon,” sagot naman ni Manuel sa kaniya.
“Si Chona! Sina Chona, may bago silang bangka at malaki raw ang makina nun, kaya raw noong pumalot sa ganitong panahon,” dagdag na wika ni Manuel.
Napahawak sa mukha si Aling Kris sabay kuha ng tissue at napasinga ito nang marinig niya ang pangalan ni Aling Chona. “Magkaaway kami ni Chona!” baling ni Aling Kris sa asawa.
“Siya lang ang pag-asa natin,” sagot ni Manuel.
Naiinis man ay mabilis na kumilos si Aling Kris at pumunta ito kina Aling Chona.
“Alam kong masama ang loob mo sa akin, alam kong nayayabangan ka sa akin, alam kong magulang ang tingin mo sa akin pero babayaran kita ng malaki pahiramin mo lang kami ng bangka,” pahayag kaagad ni Aling Kris nang makarating sila kay Aling Chona.
“Chona, parang-awa mo na, hindi bumababa ang lagnay ni Abby ilang araw na kaya dadalhin namin siya sa kabilang nayon para madala sa ospital. Ikaw lang ang tanging pag-asa namin ngayon,” pagsusumamo naman ni Mang Manuel sa ale.
“Tara na, ang dami niyo naman sinasabi. Mas importante ang buhay ng bata,” mabilis na sagot ni Aling Chona sa dalawa. Nagtataka man ay nanatiling tahimik si Aling Kris habang sila ay nasa bangka kasama si Aling Chona.
Nadala na sa ospital si Abby at ngayon ay maayos na ang kalagayan nito.
“Chona, magkano ang utang ko?” nahihiyang tanong ni Aling Kris sa ale.
“Alam mo ikaw, Kris, tigilan mo na nga ako. Wala kang utang, kusa akong tumulong at hindi mo kailangan ‘yun bayaran. Tsaka huwag mo nang isipin ‘yung pinagtalunan natin dati, kalimutan na natin iyon. Kaya nga tayo magkakapit-bahay para tayo ang magtulungan,” sagot naman ni Aling Chona.
Hindi napigilan ni Aling Kris ang maiyak sa sinabi ni Aling Chona. Ngayon niya labis na naiintindihan na mali ang kaniyang ginawa. Hindi lamang sa pagpapatong ng malaking presyo kung ‘di sa asal niya mismo sa mga tao. Walang nakatataas higit kanino pa man, may bangka man o wala. May maganda mang trabaho o wala dahil hindi ka aani ng magandang bunga kung ang itinanim mo naman ay bulok at nakakalason na.
Simula noon ay nagbago si Aling Kris. Tinigilan na niya ang pagpapatong ng mataas na presyo at kung minsan ay hindi na siya nagpapatong pa ng tubo. Nagpapabayad na lamang siya ng kaunti para sa pamasahe. Makatarungang presyo para sa lahat ng mga tao.