Bata pa lamang ay kinamulatan na ni Melai ang paglilingkod sa pamilya ng Lazaro. Simula kasi ng dalaga pa ang kaniyang inang si Aling Delia ay kasama na rin ito ng kaniyang ina sa paninilbihan sa pamilya. Hanggang sa mabuntis ang ina ni Melai at ‘di kalaunan ay naghiwalay din ang kaniyang mga magulang.
Maswerte na lamang din ang mag-ina sapagkat mababait ang kanilang mga amo. Matagal na silang nanunuluyan sa kanilang mansyon at higit sa lahat ay pinag-aaral din si Melai ng mga ito sa unibersidad kung saan din nag-aaral ang kaisa-isang tagapagmana ng pamilya, si Eloisa.
Walang hindi ata nakakakilala kay Eloisa. Dahil sa taglay na yaman at kagandahan nito, ang lahat ay nais siyang maging kaibigan ngunit pili lamang ang nais ng dalaga. Ang nais niya ay pawang kaniyang mga kauri lamang. Kaya sa paaralan ay mahigpit na bilin ni Eloisa na walang makakaalam kahit sino na taga-silbi sa kanilang mansyon si Melai.
“Ayaw kong malaman nilang dito ka rin nakatira sa mansyon namin at tanging taga-silbi ka lang dito. Ayaw kong isipin nila na daig ako ng isang muchacha lamang. Naiintindihan mo?” pagtataray ni Eloisa.
“Saka galingan mo naman ang gawa sa mga aralin ko. Napapansin ko talagang mas hinihigitan mo ang ganda ng gawa ng sa iyo para maungusan ako, e!” dagdag pa niya.
Tulad ng nakagawian ay hindi na lamang umiimik si Melai. Kahit na nahihirapan na rin siyang isabay ang mga pinapagawa sa kaniyang aralin ni Eloisa ay hindi siya makapagreklamo dahil sa hiya niya sa pamilya nito. Upang makaganti sa utang na loob ay patuloy na lamang niyang sinusunod ang mga utos ng dalaga kahit na madalas ay nakikipagsaya lamang ito sa kaniyang mga kaibigan.
“Wow, Eloisa, bago na naman iyang mga gamit mo. Napakaganda pa ng pagkakaayos mo ngayon. Tiyak ko niyan ay mapapansin ka na ni Renz,” sambit ng isang kaibigan ng dalaga.
“Ewan ko ba naman dyan kay Renz! Bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin ako nililigawan?! Halos kulang na lang ay sabihin ko sa kaniya ng deretsahan na siya ang gusto ko,” tugon ni Eloisa.
“Balita nga namin ay ka-kurso rin daw natin ang crush niyang si Renz. Malamang sa malamang, Eloisa, ikaw na ‘yun” panunukso ng isa pang kaibigan.
Halos lahat ng babae ay nahuhumaling kay Renz. Bukod kasi sa kagwapuhang taglay nito ay apo rin ito ng isa sa pinakamayamang nagmamay-ari ng malalaking kumpanya sa bansa. Kaya ganoon na lamang ang pagpapansin sa kaniya ng mga kababaihan lalong-lalo na si Eloisa sapagkat ang paniniwala niya ay sa tulad niya nababagay ang binata.
Kinagabihan ay nakita ni Eloisa si Melai sa beranda na tila may malalim na iniisip. Dala nito ang kaniyang gitara.
“Hoy, Melai, gumagawa ka na naman ng mga walang kwentang kanta mo! Natapos mo na ba ang mga pinapagawa ko sa’yo?” sigaw ni Eloisa.
“Oo, nasa mesa mo na sa kwarto mo, Eloisa.” tugon ni Melai.
“Patingin nga niyang sinusulat mo!” Sapilitang kinuha ni Eloisa ang papel na pinagsusulatan ng dalaga at kaniyang binasa. Pilit na kinukuha pabalik ni Melai ang papel.
“Nakakatawa naman ang mga sinulat mo! Akala mo naman ay maganda! O ayan! Basura naman ‘yang ginagawa mo!” padabog na pagbabalik ni Eloisa ng papel kay Melai.
Hindi na lamang lumaban pa si Melai.
Kinabukasan ay nagkakagulo ang lahat sa bulletin board.
“Ano ba ‘yan? Tumabi nga kayo!” giit ni Eloisa sa mga nag-uumpukang estudyante. Nabasa niya na ang pinagkakaguluhan pala ng mga ito ay isang kompetisyon sa pagsulat ng kanta. At ang mananalo ay makakasama ni Renz at ng banda nito sa isang konsyerto na gaganapin sa kanilang unibersidad bilang isang fundraiser. Naisip ni Eloisa na pagkakataon na niya ito upang makapagpapansin sa binata.
Agad niyang naisip ang ginawang kanta ni Melai.
Nang gabi ding iyon ay narinig ni Eloisa na patuloy ang pagkanta ni Melai ng kaniyang ginawang kanta at kaagad niya itong nirecord ay pinag-aralan.
Kinabukasan ay nagtungo si Eloisa upang mag audition sa nasabing kompetisyon. Laking gulat niya ng makita niya si Melai na naroroon din.
“Anong ginagawa mo rito? Kung ako sa iyo ay huwag mo nang balakin, Melai. Umalis ka na. Inuutusan kita bilang amo mo!” sambit ni Eloisa.
Masama man sa loob ni Melai ay kailangan niyang sumunod at isuko ang kaniyang gusto. Nang papaalis na siya ay laking gulat niya na marinig na kinakanta ni Eloisa ang kaniyang ginawang awitin.
Dahil lubos na napahanga ni Eloisa ang mga hurado ay siya na ang napili sa kompetisyon.
Hindi makapaniwala si Melai na magagawa ito ni Eloisa sa kaniya. Kaya kinumpronta niya ito kaagad pagkauwi.
“Ang pamilya ko ang nagpapaaral sa iyo at bumubuhay sa inyong mag-ina. Sa totoo lamang ay kulang pa ang ginawa mong kanta para makabayad sa utang na loob ninyo sa amin!” pagmamalaki ni Eloisa.
“Siguro ay may gusto ka rin kay Renz, ano? Kaya mo gustong makasama siya sa fundraising event na ‘yon!”
Ngunit walang ganitong intensyon si Melai. Ang tanging gusto lamang niya ay maipakita at maibahagi ang kaniyang talento.
“Tandaan mo, hindi kayo nababagay at kahit kailan ay hindi ka magiging isa sa amin. Mananatili ka lamang na tagasilbi sa aming pamilya!”
Hindi naglaon ay naganap na ang nasabing pagtatanghal. Dahil doon ay lalong napalapit si Eloisa sa binata. At dahil lubusang nagandahan si Renz sa kanta na animo ay ginawa ng dalaga ay inimbitahan niya ito upang gumawa sila ng kantang dalawa.
Walang mapaglagyan ang tuwa ni Eloisa. Ngunit ang isang problema ay hindi niya kayang gumawa ng kanta. Kahit anong tagal ng pagbibigay sa kaniya ni Renz ng panahon ay walang maisulat ang dalaga.
Hanggang sa narinig niya ang isang dalaga na kinakanta rin ang kantang inawit ni Eloisa. Mas maganda ang tinig nito at ang nakakatuwa pa ay siya mismo ang tumutugtog ng nasabing kanta. Hindi inalis ni Renz ang pagkikinig sa dalaga. Hanggang umawit muli ito ng isa pang orihinal na komposisyon. Dito ay hindi na nakatiis pa si Renz at tinungo niya ang dalaga. Kailangan niyang makita kung sino ang nasa likod ng mga obra.
Laking gulat niya ng makita si Melai sa tahanan nila Eloisa. Lalo niyang ikinagulat na ang mga kantang ito ay likha pala ng dalaga.
Hindi na naitago pa ni Renz ang paghanga sa dalaga. Laking pagkadismaya naman ang naramdaman niya kay Eloisa. Lubusan ang pagkapahiya ng dalaga dahil sa nagawang pang-aangkin. Naging tampulan siya ng tukso maging sa kanilang paaralan. Simula noon ay wala ng kahit sino pa ang nais na maging kaibigan siya.
“Ikaw ang tunay na nagmamay-ari ng kanta kaya dapat ay malaman ito ng lahat. Uulitin natin muli ang concert at sa pagkakataon na ito ay ikaw ang gusto kong makasama,” wika ni Renz sa dalaga.
“Sa totoo lamang masaya ako na ikaw ang makakasama ko, Melai. Wala akong lakas ng loob sabihin ito sa iyo noon pero matagal na akong nagkakagusto sa iyo,” dagdag pa ng binata.
Lubusan ang pagkabigla ng dalaga. Ngunit wala pa sa kaniyang isipan ang pagnonobyo sapagkat gusto lamang niya ay makatapos ng pag-aaral at maiahon ang ina sa hirap. Ngunit dahil sa pagkumbinsi ng binata kay Melai na sumulat pa ng mga kanta at iparinig ito sa madla ay nagkaroon siya ng lakas ng loob.
Hindi inaasahan na pagkatapos sa kolehiyo ay maraming record producers ang nais na kumuha kay Melai. Naging isang ganap nga itong composer at tanyag na mang-aawit. Dahil dito ay nabago ang takbo ng buhay ng mag-ina.
Tuluyan na silang umalis sa mansyon ng mga Lazaro at hindi na muli maninilbihan pa ang ina sa mga ito. Masaya din si Melai sapagkat sa wakas ay nakatakas na siya sa pang-aalipusta at pang-aalipin sa kaniya ni Eloisa.
Dahil din hindi sinukuan ni Renz ang panunuyo kay Melai ay napaibig niya ito at ngayon ay malapit na silang ikasal.
“Hind ko alam na sa ganito pala tutungo ang buhay ko. Maraming salamat at hindi ka bumitaw sa akin,” sambit ni Melai kay Renz.
“Masaya ako at sa wakas ay malapit na kitang maging asawa. Pero mas masaya ako sapagkat natupad mo na ang pangarap mo. Naabot mo sa pamamagitan ng husay at dedikasyon mo,” wika naman ni Renz.
Hindi naglaon ay ikinasal na ang dalawa at patuloy pa rin ang paglikha nila ng awitin ng magkasama.