Inday TrendingInday Trending
Napapala Ng Mga Ingrata

Napapala Ng Mga Ingrata

“Naku! Ano kayang mapapala natin sa isang kilo ng bigas at dalawang piraso ng de lata?” pagbubunganga ni Aling Margie habang sukbit sa kaniyang kamay ang supot ng bigas at de lata.

“Nahiya pa kamo! Dinagdagan pa nga ng dalawang piraso ng instant noodles. Eh hindi pa nga ‘to aabot sa isang araw eh? Naisip ba nila ‘yon?” sagot naman ng kaniyang kumareng si Aling Nene na tumutukoy sa mga nagbigay ng relief sa kanilang barangay.

Patuloy ang pagrereklamo ng magkumare habang nakasilip sa kanilang mga pintuan at sumusulyap sa mga taong nag-aabot ng tulong sa bahay bahay ng kanilang maliit at masikip na barangay. Ni minsan ay hindi man lang sila nagpasalamat sa mga tulong na inihahandog sa kanila. Kahit na sing hirap sila ng isang daga, na isang kayod, isang tuka, pakiramdam nila’y obligasyon sila ng gobyerno at ng mga mayayaman ngayong panahon ng lockdown.

Ina ng limang anak si Aling Margie at tatlo naman si Aling Nene. Ang mga kakarampot na tulong na naipapamahagi sa kanila na tulad ng isang kilong bigas ay hindi sumasapat sa isang araw na pagkain ng buong pamilya. Lalo na’t parehas construction worker ang kanilang mga asawa at pareho naman silang labandera sa isang mayaman na pamilya malapit sa barangay nila.

Habang ang mga kapitbahay nila ay patuloy sa pasasalamat, sing tirik ng araw ang busangot na mukha ng magkumareng ito. Kung pagsabihan man sila ng ibang tao, nagagalit lamang ang mga ito. Kaya naman, laman pa rin sila ng usapan sa buong barangay.

Ngunit namumukod tangi si Aling Martha, na may iisang anak na may karamdaman sa pag-iisip. Maagang yumao ang kaniyang asawa na dating isang marangal na sekyu sa isang mall. Matanda na si Aling Martha, mahina na ang pangangatawanan, marami ng iniinda at hindi na kayang maghanap buhay pa. Kaya naman, sa tuwing may maghahatid ng tulong sa kanilang barangay, palagi siyang nakakasama. Kailanman, hindi nalilimutan ni Aling Martha ang maging magpasalamat lalo na sa mga taong ginagamit ng Diyos para matulungan siya at ang kaniyang anak.

Kung ang buong barangay ay suko na sa ugali ng magkumareng Margie at Nene, hindi si Aling Martha. Umaasa pa rin siyang sa dulo ay magbabago ang mga ito lalo na’t marami silang anak.

“Oh, Margie at Nene, nariyan pala kayo. Abangan ninyo mamaya at may magbibigay daw ng stub dito sa tapat. May isang negosyanteng napili ang ating barangay upang maghatid ng tulong sa atin,” nakangiting paanyaya ni Aling Martha sa dalawang magkumareng maagang nagrereklamo.

“Ahh. Ehh. Uy, Nene sagutin mo nga ‘yang matandang ‘yan!” pabulong na wika ni Margie sa kumara habang patalikod na tinapik ito.

“Oh… Oho! Narinig nga po naming nung sinabi ‘yan ni kapitan kahapon. Ang pagkakasabi nga ho eh isang kilong bigas lang ang ibibigay. Nakakatawa na lang ho, ano?” pabirong banggit ni Aling Nene sa matanda na humalakhak sa sinabi niyang iyon. Nagtaka ang magkumare sa paghalakhak ng matanda. Maya-maya pa ay nagkunware ang dalawa na natatawa rin.

“Hah! Isang kilo, saan kaya aabot iyon? Sa ngala-ngala?!” tatawa-tawang dagdag ni Aling Margie na sinabayan naman ng mas malakas na halakhak ng magkumare. Ngunit napatigil ang mga ito ng makita ang seryosong mukha ni Aling Martha.

“Hindi ba’t ayos na iyon kaysa sa wala ni isang butil tayong maisaing? Kaysa sa wala tayong maihain sa mga anak natin?” pagseseryoso ng matanda. Yumuko ang dalawa sa leksiyon ng matanda sa kanila. Alam nilang may sapat na rason silang magreklamo ngunit alam din nilang tama ang sinasabi ng matanda sa kanila. Yumuko ang dalawa at napabulong sa kanilang isip, “heto na naman po kami…” kasabay nito ay ang malalim na hinga ng dalawa at sabay na pumasok sa kanilang mga bahay at nagsarado ng pinto at binatana.

Naiwan ang matanda na naghihintay sa mga taong mamimigay ng stub para sa rasyon kinabukasan. Muli, nabigo na naman si Aling Martha na pangaralan ang mga ingratang mga kapitbahay.

“Oh, ano, Aling Martha. Sabi naman po naming sa inyo, wala nang pag-asa magbago ‘yang dalawang ‘yan. Hindi marunong magpasalamat ang mga ‘yan at kahit na kailan ay hindi na makakaahon sa hirap ‘yang mga iyan!” wika pa ng isang kapitbahay na nakasaksi ng pangyayari.

Dumating ang kinabukasan, ang araw ng pagbibigay ng rasyon. Tanghali na at hindi pa ata gising ang magkumareng Margie at Nene. Sinadya kasi nilang huwag kumuha ng stub kahapon dahil naiinis silang magpapagod lamang para sa isang kilo ng bigas. Sa katirikan ng araw, nang lumabas si Margie ng kaniyang bahay ay nakita niyang halos abala ang mga tao sa pag-aayos ng kanilang mga pinamili. Ang iba pa nga ay patungo pa lamang sa bayan upang mamili ng kanilang stocks sa bahay. Halos magsalubong ang kilay ni Aling Margie dahil hindi niya maintindihan ang nangyayari. Agad siyang nagpunta sa bahay ng kumara niyang si Aling Nene. Natagpuan niya iyon na nanlulumong nakaupo sa kanilang hagdan. Nang magtama ang kanilang mga mata, agad na napatayo si Aling Nene.

“Ikaw kasi! Napaka-ingrata mo! Hindi tuloy ako nakakuha ng stub kahapon dahil sabi mo sa akin, isang kilong bigas lang ang ibibigay!” paninisi ni Aling Nene kay Margie.

“Ha? Bakit? Isang kilo lang…” hindi na pinatapos ni Aling Nene ang dapat na babanggitin ng kumare.

“May kasamang dalawampung libo! Dalawampung libo, Margie. Dalawampung libo!” muling nanlumo si Aling Nene ngunit mas naramdaman iyon ni Aling Margie na dahan-dahang lumakad palabas ngunit nakita niya roon si Aling Martha. Nakangiti ito sa magkumareng nag-iiyakan dahil hindi nakatanggap ng rasyon at pera. Iniabot ng matanda sa dalawa ang tig-limang libo na siyang mas kinaiyak ng dalawa. Binigyan ni Aling Martha ang dalawang pera mula sa nakuha niya sa rasyon. Panay naman ang pasasalamat ng dalawa sa matandang naghatid ng tulong sa kanila mula sa tulong na inihatid ng mayamang negosyante sa kanilang barangay.

Mula noon, nagpapasalamat na ang dalawa sa mga rasyon na dumarating sa kanilang barangay. Dahil sabi nga ni Aling Martha, iyon ay pagpapala, maliit man o malaki na karapat dapat lamang ipagpasalamat.

Advertisement