“Pwede bang tantanan mo ako, Daisy?! Hindi kita inaano, kaya bakit ka nagagalit sa’kin ngayon?” Nanghihinang wika ni Lola Martha sa kaniyang apo na kanina pa siya sinusunggaban kunyari na papaluin ng hawak nitong walis. “Itigil mo ‘yan!” Galit ng saway ni Martha.
“Paano naman kung ayoko? Gusto mo ipalo ko pa ‘to sa’yo e! Tutal matanda ka na at wala ka nang lakas para lumaban pa!” Nang-aasar na wika ni Daisy habang patawa-tawa pa na animo’y tuwang-tuwa sa nakikitang inis sa mukha ng kaniyang lola.
“Oo, tama ka. Wala na nga akong lakas para ibalik sa’yo ang gagawin mo, Daisy. Pero sana tandaan mong maigi na hindi habambuhay ay bata ka. Bente otso ka na pero hanggang ngayon ay wala ka pa ring respeto sa mga makatatandang kagaya ko at kung tutuusin ay kadugo mo pa ako. Kung anuman ang ginagawa mo ngayon sa’kin ay baka danasin mo rin sa iyong pagtanda,” wika ni Martha.
“Sus! Wala akong pakialam kahit lola pa kita,” wika ni Daisy sabay palo ng hawak na walis sa katawan ng matanda. Nang makitang umaray ito sa sakit ay humalakhak pa ito ng tawa. “Buti nga sa’yo. Mam*tay ka na, gurang!” Muli pang pinalo ni Daisy si Martha hanggang sa matumba ito, saka lamang niya iniwan.
Mabilis na lumipas ang taon. Nagkaroon ng asawa si Daisy na ilang taon lamang ang tumagal dahil naghiwalay rin sila dahil sa pagiging babaero ng kaniyang asawa at binub*gbog pa siya nito. Pinalaki niyang mag-isa ang kaniyang tatlong anak na iniwan ng kaniyang magaling na asawa.
Ngayon ay otsyenta’y tres anyos na siya at matanda na. Kinupkop siya ng kaniyang bunsong anak na mayroon na ring sariling pamilya.
“Jenny! Paliguan mo nga ‘yang inutil mong ina. Ang bantot, kainis!” Inis na saad ni Hector sabay sipa kay Daisy dahil sa inis nito. “Doon ka kaya sa labas?! Nakakaasar ‘yang amoy mo e,” dugtong pa nito. Asawa si Hector ng kaniyang bunsong anak na si Jenny.
Nagdadabog namang nilapitan siya ni Jenny saka hinila ang kaniyang braso. “Ano ba naman kasi ‘yan, ‘nay?! Ilang ulit ko bang sasabihin na huwag kayong iihi sa salawal niyo? Bwisit!” wika ni Jenny sabay hila sa kaniya ng malakas papuntang banyo. “Nandito ang banyo! Ang b*bo mo! Nakakainis na. Ang sarap mo nang ipamigay. Dagdag lang kayo sa kunsumisyon ko.”
“P-pasensiya ka na Jenny,” nahihirapang wika ni Daisy.
“Puro kayo hingi ng pasensiya, pero paulit-ulit niyo rin namang ginagawa. Bakit hindi ka na lang kaya magpahinga nang tuluyan para mawala na ang kunsumisyon ko sa’yo. Pagod na akong mag-alaga ng gurang na katulad mo. Inutil ka na rin naman at walang silbi, kaya sana mawala ka na lang. Ayaw ka rin namang alagaan ng dalawa mo pang anak. Kung tutuusin ako na lang ang nagtatiyaga sa’yo. Tapos puro pahirap pa ang hatid mo,” seryosong wika ni Jenny sabay palo sa kaniya ng hawak nitong pamatpat.
Lihim na umiyak si Daisy, hindi dahil sa sakit na ginawang palo ni Jenny, kung ‘di dahil sa sinabi nitong mam*tay na siya.
Naalala niya noong kabataan niya at malakas pa. Naiinis siyang tingnan ang kaniyang Lola Martha, dahil sa kulubot nitong balat at sa bagal nitong gumalaw at magsalita kaya kapag nakikita niya ang matanda ay pinapalo niya nang kung anoman ang kaniyang mahawakan. Kaya laging sinasabi ng kaniyang Lola Martha noon darating ang araw at sisingilin rin siya ng karma sa lahat ng ginagawa niya rito at mukhang ito na nga iyon.
Sinisingil na nga yata siya ng kaniyang karma kaya nangyayari na sa kaniya ngayon ang mga ginawa niya noon sa kaniyang Lola Martha. Masakit nga pala talaga sa pakiramdam na para bang wala ka nang kwenta na kung tutuusin ay siya ang nagsakripisyo sa mga anak niya noong maliliit pa dahil iniwan sila ng kaniyang walang kwentang asawa. Tapos ngayon, harap-harapan nitong hinihiling na sana’y lisanin na niya ang mundo dahil pagod na itong alagaan siya.
Pinaparamdam ngayon sa kaniya ng Diyos ang mga maling ginawa niya noon sa kaniyang Lola Martha. Matanda na siya at isang inutil na naghihintay na lamang ng sariling kam*tayan.
Tama ngang huwag mong gawin sa iba ang ayaw mong gawin rin sa’yo. Dahil hindi man agad-agad naniningil ang karma, darating ang araw na ang lahat ng ginawa mo noon, babalik din sa’yo at mas higit pa.