Inday TrendingInday Trending
Kung Sino Pa Ang Pinili Ko

Kung Sino Pa Ang Pinili Ko

“Ano nga ang nakita mo kay Arthur at siya ang minahal mo, Elisa?” animo sirang plaka na usisa ni Tootsie. “Sa dinami-rami ng mga mayayaman mong manliligaw ay si Arthur pa na drayber lang ng pedicab ang pinili mo?”

“Bakit, Tootsie? Hindi mo ba nakikitang guwapo, matangkad at macho rin si Arthur?” hirit naman ni Agatha.

“Eh, ano ngayon? Basta ang nagwagi ay ang pinakapobre sa lahat ‘di ba, Elisa?” gatol pa ni Jessa.

Ngiti lang ang naging tugon ni Elisa sa sinabi ng kaniyang mga kaibigan.

“Kaya nga nakakaintriga, eh. Poor versus rich tapos ay tinalo ng poor ang rich gayong lamang sa lahat ng anggulo ang rich. What’s behind that guy? Saad pa ni Tootsie.

Bumuntong-hininga muna si Elisa bago nagsalita.

“Okay. Ikaklaro ko kung bakit siya ang sinagot ko- kasi buo ang loob niya. Alam niyang zero ang status niya sa mga karibal niya sa akin pero nagawa pa rin niyang makipagsabayan. Sabi nga niya sa akin, mahirap nga raw siya pero mayaman naman sa pagmamahal. Doon daw, hindi uubra ang mga karibal niya. At alam niyo ba, doon pa lang ay nasaling na niya ang malambot na bahagi ng aking puso,” paliwanag niya sa mga kaibigan.

Walang pinagsisisihan si Elisa nang piliin niya si Arthur na kahit mahirap ay masipag at matiyaga. Kahit tutol pati ang kaniyang mga magulang na ito ang makatuluyan niya dahil may sinasabi sa lipunan ang kanilang pamilya ay ang lalaki pa rin ang pinili at pinakasalan niya.

Matuling umusad ang panahon at sa pag-usad na iyon ay napakaraming nagbago. Kabilang na ang katayuan sa buhay ng mag-asawang Elisa at Arthur na biniyayaan ng isang anak. Kung dati ay drayber lang ng pedicab, nagmamay-ari na si Arthur ng isang talyer at maliit na grocery sa kanilang lugar.

Isang araw, umuwi si Arthur sa bahay na may kasamang batang babae na nasa edad limang taong gulang. Nakita raw niya itong umiiyak sa kalye at tipong iniwan ng mga magulang at dahil malapit na ang gabi ay naisipan niyang iuwi ang bata sa kanilang bahay ngunit kinaumagahan ay inaapoy ng lagnat ang bata. Sa sobrang pag-aalala ni Arthur ay isinugod nilang mag-asawa ang bata sa ospital.

Kitang-kita ni Elisa na tarantang-taranta ang asawa.

“Arthur, ano’t kabadung-kabado ka riyan?” nagtatakang tanong ng babae sa mister.

“K-kasi baka may masamang mangyari sa bata, eh. Nasa poder pa naman natin,” rason ng lalaki.

“Dinala naman natin siya agad sa ospital, eh. Ang masama’y ‘di natin siya agad inasikaso, ‘di ba?”

Maya-maya ay lumabas ang doktor mula sa ICU na nag-aasikaso sa bata.

“Dok, kumusta po ang bata?” nag-aalalang tanong ni Arthur.

“Mataas pa rin ang lagnat niya at ayaw pa ring maalis ng pagkakatirik ng kaniyang mga mata,” sabi ng doktor. “Hayaan niyo at gagawin namin ang lahat para maging maayos ang kondisyon niya,” saad pa nito.

Lalong naging tensiyonado si Arthur sa sinabi ng doktor.

“W-wala ka namang pananagutan sa kaniya, mahal ko, dahil dinala naman natin siya rito,” sabi ni Elisa.

“M-may pananagutan ako sa kaniya, mahal ko… m-malaki…”

Biglang dumagundong ang malakas na kaba sa dibdib ni Elisa. Kumunot ang noo sa pagkakatingin sa asawa.

“B-bakit mo sinabing malaki ang pananagutan mo sa bata?” tanong niya sa nanginginig na boses.

“Mahal ko…” wika ni Arthur na ‘di tumitingin sa asawa. Wari’y nanlulumong sumandal ito sa pader ng upuan. “P-patawarin mo sana ako.” Diretso pa rin ang tingin ng lalaki sa kawalan. “D-dahil sarili kong dugo at laman ang bata… anak ko siya.”

Parang pinagsakluban ng langit at lupa si Elisa sa narinig. Nanlumo siya at kinilabutan.

“A-Arthur? Tell me it’s only a joke,” tangi niyang nasabi sa asawa.

Ngunit panay ang iling ng lalaki habang nahihiyang muling napayuko.

“Diyos ko, pinagtaksilan mo ako?!”

Sa ginawang pag-amin ni Arthur ay wari’y biglang gumuho ang pedestal na kinalalagyan niya sa puso ni Elisa. Ang akala ng babae ay matino ang lalaking pinakasalan, iyon pala ay santong makasalanan din pala ito na ‘di dapat pag-ukulan ng wagas na pagmamahal. Isang salawahan at isang malikot na kasuyo.

“Isinusumpa ko, Elisa, produkto lang ng isang makasalanang gabi ang anak kong si Bea. Hindi pa tayo magkasintahan noon nang may mangyari sa amin ng kaniyang ina. Isa siyang bayarang babae na nakilala ko sa bar. Siya si Carolina na kasalukuyang may malubhang sakit, mayroon siyang kans*r sa obaryo. May taning na ang buhay niya. Wala na siyang mga magulang, nag-iisa lang siyang anak at wala na ring mga kamag-anak. Hindi na rin niya kayang alagaan ang aming anak, kaya naisip kong iuwi na lang si Bea sa bahay natin,” sabi ng lalaki.

Hindi naniniwala si Elisa sa sinabi ng asawa kaya siya mismo ang tutuklas ng lahat. Inalam niya at pinuntahan ang ospital kung saan naka-confine si Carolina, ang babaeng naanakan ng kaniyang mister.

Naabutan niya ang isang babaeng nakahiga sa kama at payat na payat na.

“I-ikaw ba si Carolina?” tanong niya.

“O-oo, ako nga. S-sino ka?”

“Ako si Elisa, ang asawa ni Arthur,” matapang niyang sagot.

Sa una ay hindi agad nakapagsalita ang babae. Huminga muna ito nang malalim bago nakasagot.

“I-ikaw pala ang asawa ni Arthur. Alam mo na pala. Siguro ay narito ka para awayin ako at sumbatan dahil sa pang-aakit ko sa asawa mo, p-pero hindi pa kayo magkasintahan noon nang may mangyari sa aming dalawa. Wala naman sanang mangyayari, eh, kaso nalasing siya kaya hindi niya ako naiwasan at nagsiping kami, p-pero kahit kailan ay walang namagitan sa amin. Si Bea ay produkto lang ng one night stand. Hindi niya ako kailanman pinakisamahan ngunit kahit paano’y kinilala naman niyang anak ang anak ko. Inaabutan din niya ako ng kaunting halaga para sa aming anak. Iyon lang at wala nang iba. Hindi niya ako minahal, ikaw lang ang kaisa-isang babaeng minahal niya.” hayag ni Carolina.

Hindi nakapagsalita si Elisa. Imbes na magalit at magwala ay nakaramdam siya ng awa sa babae.

“Patawarin mo ako kung ibinigay ko si Bea kay Arthur kahit na alam kong lilikha lang ito ng gulo sa buhay niyo. Nararamdaman ko kasi na hindi na ako magtatagal, nakakaramdam na ako ng panghihina. Alam kong hindi niya papabayaan at mamahalin niya ang aming anak,” saad pa ng babae.

Hindi na napigilan ni Elisa na hawakan ang mga kamay ni Carolina.

“Naiintindihan ko na… huwag ka nang mag-alala. Tutulungan ko si Arthur na palakihin nang maayos ang inyong anak. Ituturing ko rin siyang parang tunay kong anak.”

“Salamat, pero sana’y patawarin mo na rin si Arthur. Mahal na mahal ka niya at batid na batid ko iyon,” hiling pa ng babae.

Sa pagbalik sa ospital kung nasaan ang asawa ay agad na kinausap ni Elisa si Arthur.

“Patawarin mo ako, mahal ko, kung hinusgahan kita. Ipinagtapat na sa akin ni Carolina ang lahat. Hayaan mo, makakaasa kang mamahalin at ituturing kong sariling anak si Bea. Hindi natin siya papabayaan,” maluha-luha niyang sabi sa mister.

“Sorry rin kung nagsinungaling ako sa iyo, hindi ko kasi alam kung paano sasabihin sa iyo ang…”

“Sssh… tama na. Naiintindihan ko na ang nangyari. Hindi ko dapat pinagdudahan ang pagmamahal mo sa akin. Ang mahalaga ay mabigyan natin ng buong pamilya ang anak mo, si Bea. May instant kapatid na si junior natin! ”

“Salamat, mahal ko. Mahal na mahal kita,” wika ni Arthur saka niyakap nang mahigpit ang asawa. “Nga pala, maayos na ang lagay ni Bea. Sabi ng doktor, maaari na raw siyang lumabas bukas.”

“Salamat sa Diyos at hindi niya pinabayaan ang anak natin.”

Napatunayan ni Elisa na tama ang desisyon niyang piliin si Arthur dahil sa kabila ng pagkakamali nito ay pinanindigan pa rin ng lalaki ang anak nito kay Carolina at naging mabuting asawa sa kaniya.

Advertisement