Inggit Sa Kinis Ng Kutis

Nakatambay sa tindahan ni Aling Ason sina Ali at Mika nang dumaan ang kanilang kapitbahay na si Venice.

Halos mapihit ang mga leeg ng ilang kalalakihang nakatambay din sa lugar habang dumaraan ang dalaga. May basketball ring kasing nakasabit sa poste sa tapat ng naturang tindahan kaya maraming kabinataan ang naglalagi roon. Iyon din ang dahilan kung bakit naroon sina Ali at Mika. Paanoʼy sumisilay sila sa kani-kaniya nilang mga crush.

“Pare, ang ganda ni Venice, ano? Ang kinis-kinis!” komento ni Vincent, ang crush ni Ali.

“Oo nga, e. Pero kahit na ganoʼn, kahit kailan hindi ko nakitang magsuot ng napakabulgar na damit ʼyon. Napakasimple niya. Type ko nga siya, e,” nangingiti namang sagot ni Jino, ang siya namang hinahangaan ni Mika.

“Inagawan mo pa ako, pare!” Pabirong sinuntok ni Vincent ang balikat ng kaibigan na ginantihan naman ni Jino. Nagbiruan na ang dalawa, habang sina Ali at Mika naman ay halos malukot ang mukha dahil sa kanilang mga narinig.

“Iyon lang? Crush na agad nila si Venice dahil lang makinis?” naiiritang bulong Ali kay Mika ukol sa kanilang narinig.

“Kaya nga, e! Naku, hindi lang talaga ako palaayos. Pero kapag nag-ayos ako, baka isipin nila katulong ko lang ʼyang si Venice,” pagyayabang pa ni Mika.

“Sigurado, may ipinapahid lang sa balat niya iyan kaya ganiyan siya kakinis. Makikita mo, kikinis din tayo. Aalamin ko kung ano ang inilalagay niya sa balat niya.” Ngumisi si Ali at tila nagkaintindihan na sila ni Mika sa mga sandaling iyon.

Advertisement

Kinagabihan, magka-text sina Ali at Mika. Matapos silang magplanong dalawa ay agad na umuwi si Mika upang basagin ang kaniyang alkansya, habang si Ali naman ay nagmanman sa bahay nina Venice upang alamin kung anong klaseng pamahid ang inilalagay nito bilang pampakinis ng kutis. Ang pera sa alkansiya ni Mika ang gagamitin nilang pambili niyon!

Hindi makasilip si Ali sa bintana ng kuwarto ni Venice dahil sarado ang mga iyon, kayaʼt minabuti niyang umakyat sa bubong ng bahay nina Venice upang silipin ang loob ng kuwarto.

Nakita ni Ali si Venice na kasalukuyang nagpapahid ng lotion sa balat. Nanlaki ang kaniyang mga mata!

Agad siyang tumayo mula sa pagkakayuko sa maliit na butas na iyon sa bubong ng kuwarto ni Venice upang i-text kay Mika ang pangalan ng lotion. Tuwang-tuwa siya nang mag-send na ang kaniyang message!

Ngunit sa sobrang tuwa, hindi namalayan ni Ali na nagkamali na pala siya nang tinapakan. May nakausli palang matulis na bato sa bubong!

“Aray!” napadaing si Ali at tarantang hinawakan ang paa niyang nasaktan…ngunit bigla naman siyang nawalan ng balanse at tuloy-tuloy na nahulog mula sa bubong!

Samantala, dali-daling nagpunta sa pinakamalapit na mall si Mika upang bilhin ang sinabing lotion ni Ali sa kaniya. Sumingit pa nga siya sa cashier dahil sa sobrang pagkasabik.

Matapos bumili ay agad na dumiretso si Mika sa comfort room ng naturang mall at dali-daling ipinahid sa mukha at katawan ang bagong bili niyang lotion upang subukan… ngunit wala pang dalawang minuto ay tila nag-aapoy na sa init ang pakiramdam ni Mika! Nang tingnan niya ang ingredients ng naturang lotion ay mayroon pala iyong sangkap na papaya. Allergic siya roon!

Advertisement

Disgrasya ang inabot ni Ali at Mika dahil sa inggit nila kay Venice.

Dahil sa pagkahulog, si Ali ay nagtamo ng malaki at malalim na sugat sa kaniyang mukha na siguradong mag-iiwan ng hindi kaaya-ayang peklat doon, habang si Mika ay natuklap-tuklap din ang balat dahil sa tindi ng kaniyang allergic reaction sa papaya lotion!

Pagsisisi ang unang naramdaman ng dalawa. Naghihinagpis din sila dahil sa kanilang sinapit. Bukod doon ay naging tampulan pa sila ng tsismis sa buong barangay dahil sa pagiging inggitera nila.

Samantala, iiling-iling naman si Venice nang mabalitaan ang nangyari. Hindi niya akalaing ganoon pala katindi ang inggit sa kaniya ng dalawa. Kaya pala sa tuwing siyaʼy daraan sa harap ng mga ito ay inam siya nilang pandilatan ng mata. Sa huli ay minabuti na lamang ni Venice na huwag nang magkomento sa mga tsismis at manahimik na lang.

Alam niya sa kaniyang sarili na walang magandang idudulot ang inggit, ngunit hindi rin naman maganda ang maging masaya sa masamang sinapit ng ibang tao.

Nang mga panahong iyon ay napagtanto nina Ali at Mika na hindi naman ang kutis ni Venice ang pinakadahilan kung bakit mas nakaaangat ang dalaga sa kanila. Iyon ay dahil, si Venice ay may mabuting puso at hindi inggitera.