Noon, Siya ay Naging Biktima; Ngayon, Siya ay Magiging Tagapagtanggol na

Lumaki at nagka-isip si Sofie sa puder ng kaniyang lola at lolo. Naranasan niya ang pagmamahal na hindi niya naramdaman sa kaniyang tunay na mga magulang. Namulat siya sa kandungan ng mga ito at ng kaniyang tita Ennie na siyang gumabay sa kaniya habang siya ay lumalaki. Kahit papaano ay nagpapasalamat siya sa araw-araw nitong pagtalak at pagsabi ng kaniyang kamalian dahil naramdaman niya ang pag-iingat at pagpapahalaga nito sa kaniya. Pinag-aral siya nito at siyang nagturo ng pagpantig, pagbasa at pagsulat lalo na ng mga pangaral patungkol sa kailangan niyang matutunan sa buhay.

Halos labing walong taon ang kaniyang binuno para makatapos ng kursong abogasya at ngayon ay ganap na siyang abogado. Hindi siya huminto na makamit ang pangarap dahil alam niyang ito ang bubuo sa sarili niya.

“Masaya ako para sa ‘yo,” madamdaming wika ng kaniyang Tita Ennie. Niyakap niya ito at hindi na mapigil ang pag-iyak. Humihikbi siya, na para bang humihingi rito ng saklolo. “Huwag ka nang umiyak.” Pinunasan ng kaniyang Tita ang luhang pumatak mula sa kaniyang mg mata.

“Gusto ko lang malaman, Sofie, ano ang naging basehan mo para pursigihin ang iyong sarili na mag-abugado?” tanong pa ng nasisiyahan niyang tiyahin.

“Tita, gusto ko ng hustisya sa nangyari sa akin noon… gusto kong ipaglaban ang mga katulad kong nakaranas ng makamundong pang-aab*uso.” Napapikit si Sofie at muling lumuha. Napakunot ang noo ng kaniyang tiyahin sa kaniyang sinabi. Nakita niya ang sakit, ang galit, pagkaawa at halo-halong emosyon mula sa mga mata nito.

Hindi ito nagsalita ngunit alam niyang gusto nitong isalaysay na niya ngayon ang nangyari noon na hindi niya nagawang ikuwento rito simula nang siyaʼy mapunta sa puder nito kaya nagkuwento siya ng natatandaan niyang pangyayari.

“Pitong taong gulang ho ako noon, tita. Noong mga panahong hindi nʼyo pa ako kinukuha kina mama. Hindi ko akalaing magagawa niya sa akin iyon, tita… siya pa na sarili kong ama. Binaboy niya ako, tita!” muli ay napahikbi si Sofie nang muling alalahanin ang bangungot ng kaniyang buhay.

“Tinakot niya po ako noon. Ang sabi niyaʼy idadamay daw po niya ikaw at sina lolo at lola kapag nagsalita ako,” paputol-putol nitong pahayag. Napakuyom ang kaniyang tiyahin sa nalaman. Matinding galit ang rumehistro sa mukha nito, lalo na nang sabihin niyang ang kaniyang sariling ama ang gumawa nito sa kaniya.

Advertisement

Niyakap niya ito at muling napaiyak dahil hindi man siya buong-buo, alam niyang may nagmamahal pa rin sa kaniya.

Ipinaliwanag ni Sofie sa kaniyang Tita na hindi na maaari pang habulin ang kaso. Lalong napuyos ng galit ang kaniyang Tita Ennie ngunit wala na rin itong magawa.

Gusto man ni Sofie makuha ang hustisya ay hindi na mangyayari pa iyon dahil matagal na ring binawian ng buhay ang taong gumawa ng karahasan sa kaniya. Ang mahalaga sa kaniya ngayon, sa wakas ay naisiwalat na niya ang bangungot na matagal din niyang kinimkim sa kaniyang puso. Gayunpaman, ang marka ng kahapon ay nakatatak na sa kaniyang pagkatao, manatili man iyong lihim sa iba… at iyon ang siya niyang naging inspirasyon upang ipaglaban ang bawat kababaihang nakadaranas din ng kalupitang dinanas niya noon. Mahirap o mayaman man ang kliyente niya ay sinisiguro niyang makakamit ng mga ito ang hustisya sa pang-aabus*ong naranasan nila sa kamay ng walang konsensiyang mga tao. Dahil doon, pakiramdam niya ay nakakamit na rin niya ang hustisyang hindi niya naibigay noon sa sarili.

Naging tanyag na abogada si Sofie dahil sa sunod-sunod na panalo ng kaniyang mga hinahawakang kaso. Pinupuri at hinahangaan siya sa bawat tagumpay niya. Isa siyang inspirasyon para sa nakararami at itinuturing namang bayani ng kaniyang mga natutulungang kliyente. Isa sa adbokasiya ni Sofie ay ang pagtulong sa mahihirap. Hindi niya sinisingil nang malaki ang mga kliyente niyang walang kakayahang magbayad.

“Attorney, maraming-maraming salamat po sa inyo! Hulog po kayo ng langit. Kayo po ang ibinigay sa amin bilang tagapagtanggol. Salamat po!”

Katatapos lang ng isang kasong hinahawakan niya at tulad ng inaasahan ay nanalo na naman sila. Laking pasasalamat ng pamilyang tinutulungan ni Sofie na nakuha na ng mga ito ang hustisya para sa kanilang anak.

Pinakatitigan ni Sofie ang dalagitang nahihiya pang tumingin sa kaniya. Hinaplos niya ang buhok ng dalagita.

“Huwag kang mahiya o tumigil sa pangangarap, hindi mo kasalanan ang nangyari.” Lumakad na siya palayo matapos niyang sabihin iyon.