Siya ang Dahilan ng Pagkawala ng Kaniyang Ina; Iyon ang Sabi ng Kaniyang Ama

“Itay, ayos lang ho ba kayo?” nag-aalalang tanong ni Cassandra nang matumba ang lasing niyang ama.

“Ikaw na babae ka! Nagkandamalas-malas ang buhay ko simula nang ipanganak ka!” puno ng pait at galit ang mga binitiwang salita ng kaniyang ama. Napayuko na lamang siya dahil hindi niya malabanan ang masamang titig ng ama.

“P-Pasok na ho kayo sa b-bahay,” aniya sa mababang boses na sapat upang marinig ng lasing na ama. Ngunit inalis lamang nito ang pagkakahawak niya sa siko nito para ito ay maalalayan niya. Hindi ito nakuntento na saktan siya sa mga salita at bahagya pa siyang itinulak, dahil doon ay napaupo siya sa lupa.

Naluluha siyang tumayo. Naiintindihan niya naman ang pinagmumulan ng galit nito. Sadyang napakahirap lang talaga na tanggapin iyon. Matagal nang yumao ang kaniyang ina matapos siyang iluwal sa sinapupunan. Samuʼt saring komplikasyon ang tumapos sa buhay nito na dahilan ng labis na galit ng kaniyang ama ngayon sa kaniya.

Mahal na mahal nito ang kaniyang ina. Ito raw kasi ang buhay niya at at siya ang naging dahilan ng pagkawala nito sa mundo.

Malupit sa kaniya ang ama at kailan man ay hindi siya ginustong arugain. Kung kani-kanino siya inihahabilin nito noong bata pa siya. Hindi rin niya naramdaman ang pagmamahal nito ngunit hindi iyon sapat para kamuhian niya ito. Mahal niya ang kaniyang ama at handa niyang tiisin ang lahat makasama lang ang nag-iisa niyang pamilya.

Naghanda si Cassandra ng pamunas at maligamgam na tubig at saka pinunasan ang parte ng katawan ng ama upang mas madaling mahimasmasan. Hindi niya mapigilan ang mapaluha na agad rin niyang pinunasan dahil baka magising ito. Ngunit taksil ang kaniyang luha dahil patuloy ang pag-agos nito hanggang hindi niya namalayang humahagulhol na siya.

Kinaumagahan ay maagang nagising si Cassandra at ipinaghanda ng mainit na sabaw ng gulay ang kaniyang ama. Nag-ayos na rin siya upang pumasok sa restaurant kung saan ay isa siyang waitress. Hindi na rin siya nakapag-aral dahil ayaw ng kaniyang ama ngunit paunti-unti ay nag-iipon siya para makabalik sa eskwela.

Advertisement

Nagpatuloy ang maghapon ni Cassandra. Pagod na pagod siya ng makauwi sa bahay ngunit hindi pa rin siya makapagpahinga dahil lilinisin niya pa ang kalat na gawa ng mahal niyang ama.

“Sandra! Si Mang Pando naaksidente!” Dali-daling nagtatakbo si Cassandra sa hospital na sinabi ng kaibigan. Nakita niya kung gaano ito kabaldado. Naawa siya at halos maiyak sa kalagayan ng kaniyang ama.

Naging matagal ang proseso nito at ilang linggong nanatili sa hospital kaya ganoon kalaki rin ang binayaran niya sa hospital na ikinalubog niya sa mga kaibigan.

Nahati rin ang oras niya dahil walang mag-aalaga sa kaniyang ama kaya tuwing umaga hanggang tanghali na lamamg siya nakapagtatrabaho. Kita ang pagod sa kaniyang katawan ngunit hindi niya iyon iniinda.

Isang hapon ay naghahanda siya ng pagkain para sa ama ng hawakan nito ang kamay niya.

“S-Sandra, anak ko,” tila hindi kinaya ng kaniyang emosyon ang winika ng sariling ama. Pakiramdam niya ay iyon na ang pinakamasayang tagpo sa buhay niya.

“I-Itay,” lumuluha rin niyang sambit. Ang isang butil ng luha ay nagtuloy-tuloy at naging hagulhol na.

“Patawad, anak ko. Patawad sa matagal na paninisi ko sa iyo sa pagkawala ng iyong ina. Patawad, anak. M-Mahal na mahal ko si Lordes at hindi ko kinaya ang kaniyang pagkawala,” may hikbi ang bawat salita nito. Pakiramdam ni Cassandra ay matagal na itong kinikimkim ng ama.

Advertisement

“Mahal kita, Itay. Gusto kong malaman mo na wala akong sama ng loob sa ‘yo dahil naiintindihan ho kita.” Yumakap siya sa ama kasabay ang pagkurba ng totoong ngiti sa kaniyang labi habang patuloy ang pagtulo ng luha.

“Mahal din kita, anak.” Sapat na ang salitang binitiwan ng ama upang hindi niya sukuan ang buhay.

Sabay silang kumain ng hapunan. Masayang binalikan ng kaniyang ama ang panahon na masaya ang mga ito. Kilig na kilig si Cassandra habang nagkukuwento ang ama. Sa pagdaan ng oras ay nakatulog na rin ang kaniyang ama.

Bahagya niyang itinaas ang kumot ng ama hanggang baywang.

“Hindi ako magsasawang alaagan ka, Itay. Mahal na mahal po kita,” madamdaming saad ni Cassandra bago tinungo ang palabas ng kwarto.

Hindi niya inakala na darating ang araw na matutupad ang kaniyang hiling. Ang makita siya bilang anak, ang pahalagaan at marinig ang “mahal kita” mula sa sariling ama. Sa wakas, natupad na!