May Pagtingin ang Babae sa Kapatid ng Bestfriend Niya; Nagulat Siya Nang Malamang May Kinalaman Pala Ito sa Totoong Pamilya ng Kaniyang Ama

Tatlong linggo na ang nakararaan nang ilibing ang ina ni Katherine ngunit hindi pa rin niya matanggap na wala na ito. Pumanaw ang ina dahil sa hypertension na ikinahina ng puso nito ngunit sa puntong iyon ay wala siyang magagawa kundi mag-move on at ipagpatuloy ang buhay.

Kinaumagahan ay nagpunta siya sa opisina at agad na nakipag-set ng meeting sa abogado ng kanilang pamilya na si Atty. Marasigan upang pormal na ilipat sa kaniya ang pamamahala ng kanilang negosyo. Subalit saglit na natigilan ang abogado nang kaharap na siya nito.

“M-may problema po ba, attorney?” tanong ng dalaga.

“There’s something you should know, Katherine.”

“A-ano po ‘yon?” Bigla na lamang siyang nakaramdam ng kaba.

“Siguro naman ay hindi lingid sa iyo na hindi ang mama mo ang nagsimula ng wine business ninyo,” sabi nito.

Marahan siyang tumango.

“At si Donato Aurello… ang iyong ama ang namuhunan nito.”

Advertisement

Alam kasi ng abogado ang tungkol sa napakasakit na katotohanang nakadikit sa pagkatao ng kaniyang ama. Ang katotohanang may iba itong pamilya. Mayroon na noong unawaan ang mama niya sa kaniyang ama ngunit nagpakasal na pala ito sa ibang babae. Huli na nang malaman ng kaniyang ina na may asawa na pala ito kaya lumayo ito at hindi ipinagtapat sa ama na nagdadalantao ito sa kaniya. Kalaunan ay nahanap din sila nito at nakipag-ayos sa kaniyang ina.

Dahil mahal na mahal ito ng mama niya ay napatawad nito ang pagsisinungaling ng kaniyang ama. Para makabawi ay binigyan nito ng kapital ang mama niya upang makapagsimula ng negosyo na makakatulong sa pinansyal nilang pangagailangan ngunit ang pera palang iyon ay galing sa asawa ng papa niya. Sumakabilang buhay na rin ang amang si Donato kaya wala ng ibang makapagpapatunay kung totoo iyon kundi ang pamilya nito.

“Naghahabol ang pamilya ng ama mo sa negosyong iniwan ng mama mo.”

“A-ano po?” gulat niyang bulalas.

“Yes, hija. Alam mo naman na isa na ang wine business ninyo sa pinakasikat ngayon sa bansa kaya nagkaroon ng interes ang pamilya ng ama mo sa inyong negosyo. At gaya nga ng sinabi ko sa iyo, nanggaling sa asawa ng ama mo ang puhunan upang masimulan ang operasyon ng negosyo.”

“Hindi maaari, wala silang karapatan para maghabol sa negosyong pinaunlad ng mama ko. May laban ba sila, attorney?,” sagot niya.

“Nagpakita sila ng mga dokumento kaya tatapatin kita, masasabi kong malaki ang laban nila, hija.”

Dahil sa nalaman ay handa niyang ipaglaban ang karapatan ng mama niya sa negosyong pinaunlad ng dugo’t pawis nito kaya naging mas lalong abala siya nang mga sumunod na araw para paghandaan ang napipinto nilang paghaharap ng pamilya ng kaniyang ama ngunit sa kabila noon ay kinukulit naman siya ng kaniyang best friend na si Yvette na pumunta sa kasal nito. Sinabi niya sa kaibigan na baka malabo siyang makadalo dahil marami siyang dapat na asikasuhin sa iniwang negosyo ng ina ngunit pursigido itong makapunta siya kaya pinapunta nito sa bahay niya ang napakaguwapo nitong kapatid na si Jordan.

Advertisement

“A-anong ginagawa mo rito?” tanong niya sa lalaki.

“Ano pa, eh ‘di sinusundo ka. Gusto ng kapatid ko na naroon ka sa araw ng kasal niya kaya pinapunta niya ako rito para sunduin ka,” sagot nito.

“Sinabi ko na sa kaniya na hindi ako makakarating. Alam na niya ‘yon,” tugon niya.

“Basta, kailangan mong sumama sa akin.”

Wala siyang nagawa nang buhatin siya ng lalaki at isinakay siya sa kotse nito.

“Hoy, bitawan mo nga ako, Jordan!” sigaw ng dalaga.

Inis na inis siya sa ginawa nito, pero deep inside ay kinikilig siya. Matagal na siyang may pagtingin sa nakatatandang kapatid ng bestfriend niya ngunit pinipigilan lang niya ang sarili dahil alam niyang may nobya na ito. Sinabi iyon sa kaniya ng kaibigan nang minsang pinagkuwentuhan nila ang kapatid.

“Diyan ka lang. Just relax, okay? Ang gusto lang naman ni Yvette ay makasama ka sa espesyal na okasyon sa buhay niya kaya please, hayaan mong dalhin kita sa kaniya. Bukas pa naman ang kasal kaya sa hotel ng mga guest kita dadalhin. Don’t worry, may susuotin ka na roon at may mag-aayos na rin sa iyo. Pinaghandaan ng kapatid ko ang lahat, makadalo ka lang sa kasal niya,” wika ng lalaki.

Advertisement

“Ginawa niya iyon?” tanging nasabi niya.

Hindi pa sila nakalalayo nang ihinto ni Jordan ang kotse.

“Bakit mo inihinto?” takang tanong ng dalaga.

Awtomatikong dinuggol siya ng kaba nang mapuna ang tatlong lalaking nasa unahan ng kanilang sasakyan. Lalo pa siyang kinabahan dahil napansin na may hawak na mga baril ang mga ito.

“Oh no!” naibulalas niya nang mapansing lumigid ang dalawang lalaki sa kanilang sasakyan.

“Anong gagawin natin?” sambit ni Katherine na takot na takot na.

“Huwag kang mag-alala, hindi kita papabayaan,” tugon ng lalaki.

Maya-maya ay isang malakas na sigaw ang kanilang narinig.

Advertisement

“Baba!” sigaw ng isang lalaki.

“Ano bang problema?” tanong ni Jordan.

“Walang problema. Gusto lang naming imbitahin kayo ng kasama mong babae sa kuta namin. Kilala namin ang babaeng ‘yan, siya si Katherine Aurello ang tagapagmana ng Cerveza Primero na pinakasikat na pagawaan ng alak sa bansa,” sagot ng bigotilyong lalaki.

“Bakit? Ano’ng kailangan niyo sa kaniya?” tanong ng lalaki.

“Sumama na lang kayo sa amin nang walang gulo,” tumaas na ang boses ng bigotilyong lalaki.

Nakaramdam si Jordan na balak na kidnapin ng mga lalaki si Katherine. Sa tingin niya ay nakahanap ng pagkakataon ang mga ito kanina nang sunduin niya ito sa bahay at sinundan sila. Hindi na siya nagdalawang isip pa at biglang inagaw ang baril ng maangas na lalaki at nakipaglaban rito. Hindi siya nagpatalo at agad na napadapa ang bigotilyong lalaki. Isa pala siyang black belter kaya madali niyang napataob ang tatlong armadong lalaki kahit pa may hawak na baril ang mga ito. Ilang minuto lang ay parang nabalian na ng mga buto ang tatlong ungas na kidnaper.

Nginig na nginig pa rin sa takot si Katherine sa nangyari kaya agad siyang niyakap nang mahigpit ni Jordan para pakalmahin.

“Okay na. Ligtas ka na,” sabi nito.

Advertisement

Hindi na napigilan ng dalaga na mapaluha.

“S-salamat, Jordan, at hindi mo ako pinabayaan,” sambit niya habang humihikbi.

“Hindi ko hahayaang may mangyaring masama sa bestfriend ng kapatid ko,” tugon ng lalaki.

Mas lalong napaiyak si Katherine. Iniligtas lamang siya ni Jordan dahil bestfriend siya ng kapatid nitong si Yvette, ‘yun lang at wala nang iba pa. Kahit kailan ay wala na talaga siyang pag-asa sa puso nito dahil mayroon na itong girlfriend.

Ipinahuli ng lalaki ang mga kidnaper sa mga pulis. Dahil sa nangyari sa kanila ay kinansela muna ng kaibigang si Yvette ang kasal nito. Mas mahalaga raw ang kaligtasan niya kaya hinayaan muna siyang makapagpahinga ngunit pagkatapos ng tangkang pangingidnap sa kaniya ay may kasunod pa pala iyon.

“Thank God, you’re alive, hija,” sabi ni Atty. Marasigan nang tumawag ito sa kaniya.

“Salamat, attorney,” tugon niya. “S-so- how’s the case?” nag-aalalang tanong niya.

“Tuloy ang paggiit nila sa kanilang karapatan. Nag-set ng meeting ang anak niyang babae, ang kapatid mo.”

Advertisement

“B-bakit ang anak niya?” gulat na tanong ng dalaga.

“Hindi ko alam. Pupuntahan ka niya sa opisina bukas.”

Kinaumagahan ay agad siyang tinawag ng kaniyang sekretarya. Dumating na raw ang mga bisita niya. Nagulat pa siya dahil ang alam niya ay ang anak lang ng papa niya ang makikipag-usap sa kaniya. Mabilis niyang tinungo ang isang pribadong kwarto, unang nahagip ng paningin niya ang isang magandang babae na maiksi kung magdamit at nabaling ang kaniyang tingin sa lalaking kasama nito. Laking gulat niya nang makilala iyon.

“J-Jordan? A-anong ginagawa mo rito?” bulong niya sa sarili.

Ang lalaki man ay saglit na napahinto nang makita siya.

“Good morning, Ms. Aurello,” bati ng sopistikadang babae. “I’m Lovely Aurello, the legitimate daughter of Donato Aurello.”

“Calm yourself, Katherine. Huwag mong ipakita na isa kang talunan,” sambit niya sa sarili.

“Oh! By the way, I’m sure na kilala mo na si Jordan De Veyra. Siya ‘yung kapatid ng bestfriend mong si Yvette De Veyra at nagligtas sa iyo nung muntik ka nang makidnap, right?”

Advertisement

“Lovely, your mouth!” hindi nakatiis na sabad ni Jordan sa mahina ngunit mariing boses.

“It’s okay, Mr. De Veyra. So, bakit ka kasama ni Ms. Aurello?” matapang niyang tanong.

“Hindi ba niya nabanggit sa iyo na siya ang boyfriend ko?”

Naiawang ni Katherine ang mga labi. Litong nagbaling siya ng tingin kay Jordan.

“H-Hindi ko alam na ikaw pala ang namamahala ng Cerveza Primero,” nauumid na tugon ng lalaki,

“P-pero totoo ba ang sinabi niya?”

Napahinga nang malalim si Jordan. Hindi makatingin nang diretso.

Parang sinaksak ng patalim ang puso ni Katherine sa inakto nito. Pinaglabanan niya ang mga luhang gusto nang pumatak sa kaniyang mga mata. Hindi niya matanggap na may kinalaman pala ang lalaking pinakamamahal niya sa pamilya ng kaniyang ama.

Advertisement

“Ano ba’ng dahilan kung bakit kayo naririto?” sarkastiko niyang tanong.

“Para bawiin ang nararapat na para sa amin!” mariing sagot ng babae.

“Nararapat sa inyo? Maaari ngang pinamuhunan ito ng ama mo pero gusto kong ipaalala sa iyo na ang mama ko ang nagpaunlad nito, kaya wala kayong karapatan dito!”

“Kung tutuusin ay kabit lang naman ng papa ko ang mama mo kaya wala kayong karapatan sa negosyong pinamuhunan niya. Kasalanan itong lahat ng magaling mong ina!”

Nag-init ang dugo ni Katherine sa sinabi ng kapatid sa ama.

“Huwag mong idadamay ang mama ko. Hindi niya alam na may asawa na pala si papa kaya wala siyang kasalanan. Saka lumayo naman kami, eh kaso mahal din kami ni papa kaya hinanap niya kami at pinanindigan. Nagtataka lang ako kung bakit ngayong kilalang-kilala na ang Cerveza Primero saka lang kayo naghahabol? O, baka naman naghihirap na kayo?” bulalas niya.

“Bruha kang babae ka!” sigaw ni Lovely.

“Shut up, Lovely!” sabad ni Jordan.

Advertisement

“Mas mabuti pang ilabas mo na rito ang babaeng ‘yan, Mr. De Veyra.”

Sinibat siya nang makahulugang tingin ni Jordan. Pagkuwan ay hinila na palabas ng opisina si Lovely.

Bakit ba hindi man lang pumasok sa isip niya na may koneksyon si Jordan sa pamilya ng kaniyang ama? Ang mas masakit, boyfriend pala ito ng half-sister niya. Buong araw niyang dinamdam ang natuklasan, maaga siyang lumabas sa opisina at nagmukmok sa bahay.

Makalipas ang ilang araw ay isang balita ang natanggap niya kay Atty. Marasigan.

“Good news, hija, nagback-out na sa kaso ang pamilya ng ama mo. Balita kong malaki ang naitulong ni Jordan De Veyra, ‘yung kapatid ng kaibigan mong si Yvette na ikakasal na sana. Hindi ko alam kung ano’ng ginawa niya, basta wala na raw magaganap na court hearing ,” sabi ng matandang abogado.

“Naku, thank God! Salamat naman po kung ganoon,” pakiramdam ng dalaga ay nabunutan siya ng tinik sa dibdib. “Salamat din, Jordan,” dugtong niya sa isip.

Agad niyang tinawagan ang lalaki at nakipagkita rito.

“Hindi ko alam kung paano mo nakumbinsi ang girlfriend mo na huwag nang magsampa ng kaso, pero labis akong nagpapasalamat sa iyo,” wika niya sa lalaki.

Advertisement

“Wala ‘yon. Wala naman talagang laban ang pamilya ng ex ko,” tugon ni Jordan.

“Ex?!” gulat na reaksyon ni Katherine.

“Hiniwalayan ko na si Lovely.”

“B-bakit mo ginawa ‘yon?”

“Ayoko sa mga manloloko. Alam mo ba na pineke lang ng mama niya ang mga dokumentong gagamitin sana sa kaso? Hindi totoong nanggaling sa asawa ng papa mo ang kapital na ibinigay sa mama mo noon. Iyon ay perang nanggaling mismo sa bulsa ng papa mo,” bunyag nito.

“T-totoo ba ang sinabi mo? P-pero iyon lang ang dahilan kaya hiniwalayan mo siya?” tanong ng dalaga.

“Bukod doon ay hindi ko naman talaga siya minahal. Ipinagkasundo lamang ako ng aking mga magulang sa kaniya kahit tutol ang aking kalooban, pero ayoko nang dayain pa ang aking damdamin dahil may iba akong babaeng minamahal.”

“S-sino naman?”

Advertisement

“I-ikaw ang mahal ko. Mahal kita, Katherine Aurello. Noon pa man ay may pagtingin na ako sa iyo. Hindi lang kita magawang ligawan dahil bestfriend ka ng kapatid ko, pero nang manganib ang buhay mo ay naisip kong hindi ko na hahayaan na maulit pa iyon dahil ipinapangako kong hindi ka na mag-iisa,” pagtatapat ng lalaki.

Napaluha si Katherine dahil ang lalaking pinakamamahal niya ay mahal din pala siya.

“I love you too, Jordan De Veyra. Matagal na rin akong may pagtingin sa iyo. I already have this feeling for you mula pa man noong una kang ipinakilala sa akin ni Yvette,” sagot niya.

“So, the feeling is mutual pala,” tuwang-tuwang sabi ni Jordan saka hinalikan sa labi ang babaeng pinakaiibig niya.

Mula noon ay hindi na ginulo si Katherine ng pamilya ng ama. Natuloy rin ang kasal ng bestfriend niya at kalaunan ay sila naman ni Jordan ang ikinasal at bumuo ng sarili nilang pamilya.