Naipit Siya sa Trapiko Gayong Nagmamadali Siya; May Balak pala ang Tadhana sa Kaniya

Napapamura na si Mike dahil sa tindi ng traffic. Talaga namang buhol-buhol ang mga sasakyan gayong napakaaga pa nang silaʼy umalis sa kanilang gym.

“Matagal pa ba tayo, Erick?” tanong pa ni Mike sa kaniyang kasamahan na siya rin nilang nagsisilbing driver sa ngayon.

“Pasensiya na, pare. Hindi talaga tayo makakalusot. Nakita mo naman, kahit motorsiklo, hirap ma makipagsiksikan sa tindi ng traffic ngayon!” sagot naman ni Erick na noon ay mukhang mainit na rin ang ulo.

Napapalatak pa si Mike. Ilang minuto na lamang at mahuhuli na siya sa championship ng track and field na kaniyang sinalihan. Matagal niyang pinaghandaan ang araw na ʼto, ngunit mukhang mapupurnada pa dahil lamang sa traffic!

Kailangan niyang sumali sa patimpalak dahil nagbabakasakali siyang mapanaluhan ang premyo nito na siyang makatutulong sa kaniya upang maipagamot ang kaniyang kapatid na babae. May sakit kasi ito at wala silang kakayahang ito ay ipagamot.

“Tulong! Tulong!” Maya-maya ay nawaglit ang atensyon ni Mike nang makarinig sila ng hiyawan sa labas. Isang sibilyan ang napadaan malapit sa bintana ng kanilang sasakyan kaya naman agad na nagtanong dito si Mike.

“Boss, ano poʼng meron? Bakit parang nagkakagulo roon sa unahan?” puno ng kyuryosidad na tanong pa ng binatang atleta. Hindi naman siya likas na tsismoso ngunit hindi niya alam kung bakit tila gustong-gusto niyang malaman ang sanhi ng sigawan doon sa may unahan.

“Naku, hindi ho kasi makaraan iyong tricycle na may sakay na mag-ina dahil sa sobrang traffic. Inaatake na raw ng sakit ang anak niyaʼt malapit nang maubusan ng hininga, pero kahit motorsiklo ay hindi rin makadaan sa dami ng sasakyan!” sagot naman ng napagtanungan ni Mike.

Advertisement

Bigla siyang kinabahan. Tila nakikini-kinita ni Mike sa kaniyang gunita ang kapatid na may sakit. Nang silipin niya ang direksyong itinuturo nito ay nakita niyang totoo ngang natataranta na ang mga tao sa paligid ng isang naglulumuhod nang ginang.

“Gaano ba kalayo ang ospital mula rito?” biglang naitanong ni Mike.

“Mga isang kilometro na lang naman, pero napakahirap talagang makaraan ng sasakyan kaya baka hindi na umabot iyong bata.”

Biglang lumabas si Mike sa kanilang sasakyan.

“Saan ka pupunta, pare? Mali-late tayo sa championship lalo niyan!” sigaw ng kasama niyang si Erick.

Hindi na sumagot pa si Mike, bagkus ay dali-daling nagtatakbo palapit sa mag-inang nanghihingi ng tulong kanina pa. Agad niyang kinuha ang bata mula rito.

“Itatakbo ko ang anak ninyo sa pinakamalapit na ospital. Kayo na ang bahalang sumunod,” sabi pa ni Mike at inumpisahan na ngang magtatakbo sa pinakamabilis na kaya niya!

Hiyawan ang bawat daanang tao ni Mike. Tila tumatakbo rin siya sa karerang sigurado siyang kanina pa nag-uumpisa. Kaya pala siya inipit sa trapiko ng tadhana ay dahil sa ibang karera siya nito balak patakbuhin… sa karera ng buhay.

Advertisement

“Maraming salamat! Sobrang nagpapasalamat po ako at naroon kayo noong mga oras na iyon. Hulog ka ng langit! Isa kang bayani!” halos maghumiyaw sa pasasalamat ang ina ng batang itinakbo ni Mike sa ospital. Tila hindi ito magkamayaw sa kung papaano nito ipakikita sa kaniya ang taos pusong pasasalamat sa pagliligtas niya sa buhay ng anak nito.

“Wala pong anuman. Diyos na po ang nagtakda sa mga dapat mangyari. Sumunod lang ako sa bulong ng aking puso.”

Naging instant celebrity si Mike simula namg mangyari ang naturang kabayanihan niya. Hindi man siya nakadalo sa championship ng patimpalak na dapat ay sasalihan niya, malaki pa rin ang karangalang kaniyang nakamtan dahil nakapagligtas siya ng buhay ng isang anghel dahil sa talento niya sa pagtakbo.

Kabi-kabila ang balita tungkol kay Mike. Laman siya ng mga balita sa telebisyon at radyo. Ganoon din sa mga commercials, at ilang advertisement. Maging ang kaniyang mga litrato ay kalat na rin sa social media na kung tawagin pa nga ng mga tao ay “The hero runner.”

Iyon na nga ang naging umpisa ng mas malalaking oportunidad para kay Mike. Oportunidad na hatid ng karerang hindi niya inatrasang paglabanan.

Minsan, hindi lamang ang kung ano ang alam natin ang siya nating dapat puntahan. Mas madalas kasi na ang tadhana na mismo ang siyang gumagawa ng paraan upang tayo ay mapunta sa tamang daraanan at tamang laban na atin dapat na bunuin.

Dahil doon ay naipagamot na ni Mike ang kaniyang kapatid. Dalawang buhay ang nasagip niya sa karerang kaniyang pinagtagumpayan.