Sunod-sunod na Kamalasan ang Naranasan ng Dalaga Noong Araw na Iyon; Hindi Niya Alam na Maituturing Pala na Swerte ang Mga Iyon
Nagising si Rizza dahil sa malakas na pagkatok sa pintuan ng kaniyang silid.
“Rizza, hindi ba’t may pasok ka? Bumangon ka na riyan! Alas otso na,” anang malakas na tinig ng kaniyang ama.
Nawala ang antok niya nang marinig ang oras na sinabi ng tatay niya. Nanlalaki ang matang napasulyap siya sa orasan sa dingding. Napamura siya nang makumpirma ang oras. Walong minuto makalipas ang alas otso.
Halos liparin niya ang patungo sa banyo sa labis na pagmamadali. Habang nagbibihis ay hindi niya maiwasang sisihin ang mga tao sa bahay nila.
“Hindi niyo ba alam na dapat alas otso, nakaalis na ako? Hindi na ako aabot sa company shuttle nito!” busangot na reklamo niya.
Agad na rumatsada ang bibig ng kaniyang ina.
“Aba, Rizza, ‘wag mo kaming sisisihin! Halos mapudpod na ang kamao ko sa kakakatok, pero hindi ka gumigising. Ikaw ang may kasalanan niyan!” anito.
Hindi na siya nagsalita. Ngunit alam niya na totoo na ang sinasabi ng kaniyang ina. Madaling araw na rin kasi siyang nakatulog dahil sa kinalolokohan niyang Korean drama.
“Alis na po ako!” nagmamadali niyang paalam bago tinakbo ang sakayan ng jeep. Sa isip niya ay naroon ang piping hiling na sana ay umabot pa siya sa shuttle o ang libreng sakay papunta sa trabaho niya.
Nagliwanag ang mukha niya nang pagbaba niya ng jeep ay natanaw niya pa ang kanilang company shuttle.
Lakad-takbo ang ginawa ni Rizza upang makaabot. Sa sobrang pagmamadali niya ay hindi niya napansin ang isang umpok ng prutas sa gilid.
Nasagi niya iyon, dahilan upang tumilapon ang mga dalandan. Gumulong ang mga dalanda sa iba’t ibang panig ng daanan.
“Naku po, ang paninda ko!”
Nang lingunin niya ang sumigaw ay nakita niya ang isang matandang babae na hinahabol ang ilang pirasong dalandan na gumugulong.
Sumulyap siya sa suot niyang relong pambisig.
Kinse minutos na lang ay alas nuwebe na. Iyon din ang oras ng pag-alis ng kanilang company shuttle.
Kung hindi pa siya tatakbo ay talagang maiiwan na siya.
Nagtalo ang isip niya. Makakatakas naman siya kung tutuusin. Ngunit nang mapasulyap siya sa matanda na dinaan-daanan lamang ng mga tao at wala man lang tumutulong ay binagabag siya ng konsensya.
Hindi niya maatim na hayaan ang matanda na malugi lalo pa’t marami-raming piraso ng dalandan na rin ang naapakan ng mga dumadaan.
Napabuntong-hininga siya bago isa-isang dinampot na rin ang mga dalandan sa paanan niya.Nang maibalik nila ang mga piraso ng dalandan sa basket ay lampas alas nuwebe na. Tuluyan na ring umalis ang company shuttle.
Humingi siya ng paumanhin sa matanda, bago sinubukang bayaran ang mga pirasong hindi nito naibenta, ngunit tumanggi ito.
Dismayado siyang nag-abang ng bus papunta sa kanilang opisina. Nang may dumating na bus, siksikan man ay hindi na siya nag-inarte pa.
Init na init ang pakiramdam ni Rizza lalo pa’t halos wala nang distansya sa kanilang mga pasahero.
Maya-maya ay nanlamig siya nang maramdaman ang paghipo ng kung sino sa kaniyang hita. Sa labis na pagkagulat niya ay natampal niya ang kamay ng estranghero.
Hinanap ng mata niya ang may-ari ng kamay, ngunit nang magtama ang mata nila ay mabilis pa sa alas kwatro na bumaba ito bago pa siya makapagreklamo.
Napakabigat na nga ng daloy ng trapiko, nasiraan pa ang bus, sa kamalas-malasan!
Kaya naman halos alas dose na nang makababa siya sa bus. Mangiyak-ngiyak si Rizza dahil sa sunod-sunod na kamalasang sinapit niya noong araw na iyon. Pawis na pawis siya at gusot-gusot ang damit.Ang sama-sama ng loob niya.
“Ang malas-malas naman ng araw na ‘to!” nakabusangot ng bulong niya habang naglalakad papasok sa gusali kung saan naroon ang opisina nila.
Ngunit pagpasok niya pa lang ay ginulantang na siya ng malakas na sigaw.
“Rizza, anak!”
Gulat na napalingon siya sa kaniyang mga magulang na humahangos palapit sa kaniya. Pawang mugto ang mata ng mga ito, kaya hindi niya naiwasang kabahan.
“May nangyari ba?” sa loob-loob niya.
Nang makalapit ang mga ito ay magkapanabay siyang niyakap ng kaniyang nanay at tatay.
“Diyos ko, anak! Maraming salamat at ligtas ka!” umiiyak na bulalas ng kaniyang tatay.
Doon niya napansin ang maraming tao na naghihintay sa lobby ng gusali.
“A-ano po ba ang n-nangyayari?” naguguluhang tanong niya.
Ikinagulat niya ang ibinalita ng kaniyang ina.
“Anak, alam mo ‘yung company shuttle na sinasakyan mo? Nabangga ng truck, anak. Nasawi raw ang lahat ng sakay!” anang kaniyang ina.
“Hindi sinabi sa balita ang mga pangalan ng biktima, pero alam namin na ‘yun ‘yung sinasakyan mong shuttle. Sumugod kami kaagad dito!” bulalas ng kaniyang ina.
“H-hindi ka dumating… Kaya akala namin kasama ka sa mga biktima…” napasigok pa ang kaniyang ina. Ramdam na ramdam niya ang pangangatal nito.
Gulantang na gulantang si Rizza. Ang sama ng loob na nadarama niya kanina lang ay napalitang ng libo-libong pasasalamat.
Kung hindi kasi nagsunod-sunod ang kamalasang inabot niya, malamang ay nasama siya sa mga nasawi sa malagim na aksidente.
Tunay nga na ang bawat nangyayari sa buhay natin, maganda man o hindi, ay may dahilan.
Kaya naman nang makauwi silang pamilya noong araw na iyon ay sabay-sabay silang nanalangin.
Una ay para sa kaluluwa ng mga namayapa. At ikalawa, para sa ikalawang buhay na naipagkaloob sa kaniya.