Agad na umiral ang kalandian ng dalagang si Elisa pagkalipat na pagkalipat niya pa lang sa bagong bili niyang bahay. Sa unang araw kasi nang paninirahan niya rito, may isang binata agad ang nagpakita ng motibo sa kaniya na labis niyang ikinakilig hanggang buto.
Naglilinis siya noon ng kaniyang bakuran nang mapansin niyang may isang binata sa katabing bahay niya ang nakatingin sa kaniya. Noong una ay nakaramdam siya ng takot dahil mukha itong hindi gagawa ng maganda, kaya lang, nang siya’y ngitian at kawayan na nito, agad nang nalaglag ang panga niya sa kagwapuhang mayroon ito at sa laki ng mga bisig nito.
Sabi pa nito sa kaniya noon, “Bakit ngayon ka lang dumating? Ngayon lang tuloy ako nakakita ng isang magandang babae na tingin ko, magpapatibok na ng puso ko!” na agad na ikinanginig ng kaniyang kalamnan.
Lalo pa siyang nahumaling sa taglay nitong kakisigan nang makita na niya ito nang malapitan sa tuwing siya’y inaabutan nito ng ulam tuwing tanghalian.
“Hindi mo na ako kailangang bigyan ng ulam araw-araw!” pagpapakipot niya.
“Kailangan! Gusto ko kayang ipatikim sa’yo ang sarap ng pagmamahal ko!” tugon naman nito na talagang nga namang nagmarka sa puso niya.
Dahil sa araw-araw na pagpapakilig na ginagawa ng binata, hindi na niya naiwasang ikwento ito sa kaniyang kaibigan.
“Naku, baka may masamang balak sa’yo ‘yan, ha! Gusto mo bang samahan muna kita riyan sa bahay mo?” pag-aalala nito.
“Huwag na! Baka mamaya, sa’yo pa mahulog ‘yon! Masira pa ang pagkakaibigan natin! Ako nang bahala sa lover boy na ito, tiyak naman hindi ako gagawan ng masama no’n!” sigaw niya rito saka niya na agad na binaba ang tawag nang makita niyang kumakaway na naman sa kaniyang bintana ang binata.
“Bibigyan mo na naman ba ako ng ulam?” tatawa-tawa niyang sabi pagkabukas na pagkabukas niya ng kaniyang pintuan.
“Hindi na ito ulam! May ginawa akong regalo para sa’yo,” wika nito saka pinakita sa kaniya ang isang salaming kasing laki niya na may mga ilaw sa gilid!
“Diyos ko! Sobra naman yata ito!” sambit niya habang tinitingnan ang kaniyang sarili sa naturang salamin.
“Huwag ka nang mahiya! Mas maganda itong ilagay sa loob ng kwarto mo, ha? Baka kasi mabasag kapag dito lang sa sala,” bilin pa nito na agad niya namang sinunod.
Simula noon, walang araw na hindi na niya naiisip ang binata. Bukod sa madalas na nga itong nagbibigay saya sa kaniya, halos lahat ng ginagawa niya sa kaniyang silid katulad ng pagbibihis, paglalagay ng make-up at kahit pagtulog, siya’y nakatapat sa salaming ibinigay nito.
Isang araw, habang masaya niyang pinagmamasdan ang sarili sa naturang salamin habang siya’y nakain ng ice cream, napansin niyang ang isa sa mga ilaw na nakalagay sa paligid ng salamin ay may kulay pulang ilaw sa loob.
“Ano kayang meron doon? May sira kaya ang bumbilyang iyon?” tanong niya sa sarili saka agad na nilapitan at binusisi ang naturang bumbilya.
Kaya lang, nang tuluyan niya itong matanggal, siya’y labis na nanghina nang makakita siya ng isang maliit na kamera sa loob nito at sa minutong iyon, agad niyang narinig ang boses ng binata sa harap ng kaniyang bahay. Siya’y pilit nitong pinapalabas na tila ba may sikretong ayaw mabunyag.
Nang marinig niyang tila sinusubukan na nitong buksan ang kaniyang pintuan, siya’y agad na nagtago sa kaniyang kabinet saka na siya humingi ng tulong sa kaniyang kaibigan at mga pulis.
Mabuti na lamang, hindi ito nakapasok sa kaniyang bahay at agad na rumisponde ang mga kinauukulan. Nang sila’y magharap sa presinto, napag-alamanan niyang dati palang preso ang binata na may kasong pangbabastos sa mga kababaihan.
“Nagbago na ako, Elisa. Totoo ‘yong pagmamahal ko sa’yo, hindi kamera ‘yang nakita mo,” pangungumbinsi nito sa kaniya.
“Hindi kamera? Bakit mga bidyo siyang naka-save sa laptop mo?” tanong ng isang pulis na labis na nagbigay takot sa kaniya.
Sa mga ebidensyang nakalap ng mga pulis sa kalokohang ginagawa nito, ito nga ay agad na nakulong upang masiguro ang kaligtasan niya at upang mabigyan ito ng leksyon.
Hirap na hirap man siyang tanggapin na nabilog ng lalaking iyon ang ulo niya’t pinapanuod pa nito ang lahat ng ginagawa niya nang hindi niya alam, siya ay pinayuhan ng kaniyang kaibigan.
“Ang mga bagay na mahirap paniwalaan na totoo ay hindi talaga totoo, Elisa. Walang matinong lalaki ang agad na magbibigay ng kung anu-ano sa’yo para pasayahin ka nang hindi naman kayo magkakilala,” pangaral nito na nagbigay sa kaniya ng kaliwanagan.
Simula noon, naging maingat na siya sa pakikipagmabutihan kung kani-kanino. Inilagay niya na rin sa tamang lugar ang kalandiang mayroon siya dahil ngayon naunawaan na niyang iyon ang naging daan para siya’y maab*so ng isang lalaking hindi naman niya kilala.