Sumbong ng Ulyanin Niyang Ina, May Ibang Lalaki raw ang Kaniyang Asawa; Ito’y Labis na Ikinagalit ng Pinagbibintangang Ginang
Ganoon na lang ang galit ni Benjo sa kaniyang mga kapatid nang iwan sa kaniya ng mga ito ang kanilang ulyaning ina. Katulad niya, wala ring maaayos na trabaho ang mga iyon at may kaniya-kaniya na ring pamilya dahilan para silang lahat ay magturuan kung sino ang mag-aalaga sa kanilang ina.
Ngunit dahil nga siya ang panganay sa magkakapatid, kahit na alam niyang mahihirapan din siya sa pag-aalaga sa kanilang ina, wala siyang nagawa kung hindi ang kupkupin ito nang minsan itong iwan na lamang ng basta-basta ng bunso niyang kapatid sa tapat ng kanilang bahay.
Buong akala niya, pag-aalaga at pambili lang ng gamot ng kaniyang ina ang poproblemahin niya kapag pinatira niya ito sa kanilang bahay ngunit siya pala ay nagkakamali dahil pagkapasok na pagkapasok niya pa lang dito sa kanilang bahay, bunganga na agad ng kaniyang asawa ang narinig niya.
“Ano, Benjo? Dito na talaga titira ‘yang nanay mo? Anong ipapakain mo riyan? Saan mo patutulugin ‘yan? Kung makaako ka ng responsilidad, akala mo ang taba-taba ng bulsa mo’t mansyon ang bahay mo! Ibalik mo ‘yan sa mga kapatid mong walang awa sa’yo!” sigaw nito sa kaniya na agad niyang ikinarindi.
“Akong bahala, mahal, huwag ka nang magalit d’yan. Pangako, hindi magiging pabigat sa atin ‘tong si nanay,” tugon niya habang pilit na pinipigilan ang inis na kaniyang naramdaman.
Sa araw-araw niyang pag-aalaga sa ina, napansin niyang tila umaayos na muli ang pag-iisip nito na talagang ikinatuwa niya. Kaya lang, isang araw, siya’y hinila nito sa kusina at siya’y piningot nang malakas!
“Aray ko, nanay! Ano ba pong problema niyo?” gulat niyang tanong dito saka ito pilit na pinainom ng tubig upang kumalma.
“Bakit ka nagbubulaglagan, ha? Hindi mo ba alam na may inuuwing lalaki ‘yang asawa mo rito kapag nasa trabaho ka? Pinipilit niyang maglaro sa kalsada ang mga anak mo at kinukulong niya ako sa kwarto para makapaglandian sila ng lalaki niya! Tinatali niya pa nga ang kamay ko! Tingnan mo, o, may mga bakat pa!” sigaw nito sa kaniya na narinig pala ng kaniyang asawa.
“Talaga nga namang sisiraan mo pa ako sa anak mo, ha? Hoy, ulyaning matanda, mahiga ka na lang sa kwarto at pigilan mo nang huminga para wala nang pabigat sa bahay na ‘to! Tinatali kita dahil nagbabasag ka ng pinggan kapag hindi mo makita si Benjo!” bulyaw nito sa kaniyang ina habang dinuduro-duro pa kaya agad niya itong inawat, “Kung gusto mo maniwala riyan sa nanay mong may sakit sa pag-iisip, iwan mo na kami ng mga anak mo!” sigaw pa nito saka tuluyang lumabas ng kanilang bahay.
Walang araw na hindi nagsusumbong ang kaniyang ina tungkol sa lalaking hindi umano, kabit ng kaniyang asawa. Ngunit dahil nga wala itong maipakitant ebidensya at ang sakit na mayroon ito, hindi niya ito magawang mapaniwalaan.
Patuloy mang bumabagabag sa kaniya ang mga sumbong nito, ito’y kaniyang binabalewala hanggang sa isang araw, nang makalimutan niyang dalhin ang kaniyang ID sa trabaho at siya’y magpasiyang bumalik sa kanilang bahay kahit pa siya’y nasa biyahe na, roon niya napagtagpi-tagpi ang lahat ng sinasabi ng kaniyang ina.
Una, nakita niyang abala sa paglalaro ang kanilang mga anak sa kalsada kahit katirikan ng araw. Nang pauwiin niya ang mga ito, sagot ng panganay niyang anak, “Mamaya na po, papa, magagalit po si mama kapag umuwi kami agad, eh,” na talagang ikinanginig na ng kaniyang tuhod.
Nakita niya pang nakasilip lang sa bintana ang kaniyang ina habang nakatali ang kamay nito sa rehas ng naturang bintana at katulad ng sabi nito, pagkabukas na pagkabukas niya ng pinto, tumambad nga sa kaniya ang kababuyang ginagawa ng kaniyang asawa. Nakita niya pang nakakandado nga ang silid na ginagamit ng kaniyang ina dahilan upang dekalibreng galit na lang ang kaniyang maramdaman!
“Benjo, nagkakamali ka, hindi…” agad niya nang pinutol ang sinasabi nito dahil sa kaniyang galit.
“Anong kasinungalingan pa ang itatanim mo sa utak ko, ha? Hindi ka na naawa sa akin, sa nanay ko, lalo na sa mga anak natin! Sana pala naniwala na ako sa nanay ko noon pa man! Hindi ‘yong maniniwala ako sa asawa kong may kababuyan sa katawan! Ikaw ang pabigat sa bahay na ‘to, hindi ang nanay ko!” mangiyakngiyak niyang sabi habang pilit na pinipigilan ang sarili na masaktan ito at ang lalaking kasama nito.
Dahil sa pangyayaring iyon, hindi niya na muling nagawang pagkatiwalaan ang kaniyang asawa. Mas pinili rin nitong ipagpatuloy ang relasyon sa ibang lalaki kaysa ang buuin ang kanilang pamilya dahilan para kaniya na lamang itong hayaan at ituon ang kaniyang atensyon at lakas sa kaniyang ina at kaniyang mga anak na sa kaniya lahat iniwan ng kaniyang asawa na animo’y isang dalaga.
Mabigat man ang mga responsibilidad na nakapatong sa kaniyang balikat ngayon, mas gusto na niya ang ganitong klaseng buhay kaysa magkaroon ng masayang buhay kasama ang asawa niyang hindi na pala siya ang nagpapasaya.
Sa ngayon, kuntento na ang puso niya na makitang gumagaling na kahit paunti-unti ang kaniyang ina at nasa maayos na lagay ang kaniyang mga anak na pareho-parehong lumusog nang siya na ang mag-alaga.