Inday TrendingInday Trending
Pinagmamalaki Niya ang Trabaho ng Asawa Upang Maikubli ang Katamaran Niya, Dekalibre Pala ang Hirap ng Trabaho Nito

Pinagmamalaki Niya ang Trabaho ng Asawa Upang Maikubli ang Katamaran Niya, Dekalibre Pala ang Hirap ng Trabaho Nito

Alkansya na sa oras ng kagipitan ay maaari niyang buksan upang kuhanan ng pera ang turing ng padre de pamilyang si Harold sa kaniyang asawa si Perla. Ito lamang kasi ang siyang kumikita sa kanilang pamamahay.

Isa itong empleyado sa isang sikat na hotel sa Maynila na kumikita ng sapat para sa pang-araw-araw nilang pangangailangan. Habang siya ay isang certified tambay sa kalsada kasama ang mga kababata niyang pawang mga wala ring trabaho katulad niya.

Sa ganda ng trabahong mayroon ang kaniyang asawa, hindi na niya makita ang dahilan para siya’y magbanat pa ng buto. Palagi niyang kinukubli ang katamaran niyang ito sa dahilang, “Walang mag-aalaga sa mga anak natin, mahal, kaya hindi na ako magtatrabaho. Ako na lang ang bahay dito sa bahay,” kahit pa ang totoo, lahat ng gawaing bahay pati pag-aalaga sa kanilang mga maliliit na anak ay inaasa niya sa kanilang panganay.

Buong araw ay wala siyang ginagawa kung hindi ang makipagkwentuhan, makipagtawanan at magturo ng daan sa mga delivery boy na naliligaw. Paminsan pa, kapag nagkayayaan ang kaniyang mga tropa na mag-inuman, todo piga pa siya sa kaniyang asawa na maglabas ng pera.

“Dali na! Pahinga akong tatlong daang piso!” pamimilit niya rito nang agad siya nitong tanggihan na bigyan ng pera.

“Wala na akong pera, Harold! Alam mo namang petsa de peligro na, uunahin mo pa ‘yang pang-inom mo?” galit nitong sabi.

“Hindi ako naniniwala sa’yong wala kang pera! Dali na, huwag mo na akong ipahiya sa mga kaibigan ko! Alam nilang maganda ang trabaho mo kaya dapat ko silang ilibre ng alak! Lalo na ngayon, dumating ‘yong isa naming kaibigan na may kaya sa buhay! Syempre, ayokong magmukhang kawawa kaya bigyan mo na ako ng pera!” sigaw niya rito sabay haltak sa wallet nito. Kahit anong pigil ng kaniyang asawa, dali-dali pa rin siyang kumuha ng isang libong piso, “Ibabalik ko ang sukli kapag may natira,” sabi niya pa saka agad nang umalis ng kanilang bahay upang magpabida sa kaniyang mga kaibigan.

Pagkadating niya sa kanilang tambayan, nandoon na ang kaibigan nilang may kaya sa buhay. May dala-dala itong magarang sasakyan at talaga nga namang kita sa kutis nito ang yamang mayroon ito.

Dahil nga ayaw niyang magpatalo, agad siyang nagpabili ng alak gamit ang dala niyang pera.

“Naku, Harold, ako na ang bibili ng alak. Hindi ba’t wala ka namang trabaho? Hayaan mo nang ako ang manlibre sa inyong lahat ngayon,” nakangiti nitong sabi.

“May magandang travel naman sa hotel sa Maynila ang asawa ko kaya maalwan din ang buhay namin,” pagyayabang niya saka winagayway ang perang nakuha niya sa asawa.

“Teka, si Perla pa rin ba ang napangasawa mo?” tanong nito.

“Oo, bakit mo natanong?” pang-uusisa niya rin.

“Galing kasi ako roon sa pinagtatrababuhan niyang hotel kagabi at may isang matapobreng matanda ang nagpahiya sa asawa mo!” balita nito saka pinakita sa kaniya ang bidyong nakuhanan.

Kitang-kita niya roon kung paano sabunut-sabunutan ng matanda ang asawa niya. Hindi pa roon natapos ang kahihiyan ng asawa niya dahil sa dulo ng bidyo, simpal pa ito ng pera saka malakas na sinisigaw ng matanda na magnanakaw ang asawa niya.

“Awang-awa nga ako kay Perla, eh, gusto ko sanang tulungan kaso todo awat ang asawa ko. Baka raw pati ako, madamay. Mahirap talaga ang trabaho niyan nila sa hotel, kaya ikaw, magpakabait ka sa asawa mo, hindi mo dapat siya ginagamit para maikubli ang katamarang mayroon ka,” diretsahang bulong nito sa kaniya na talagang nagpagising sa diwa niya.

Oramismo, agad siyang umuwi sa kanilang bahay upang ibalik ang pera sa kaniyang asawa. Bahala na kung anong sasabihin ng kaniyang mga kaibigan basta’t ang mahalaga sa kaniya ngayon, mayakap niya ang asawa niyang tiyak ay puno ng kahihiyan sa puso.

Sakto namang naabutan niya itong tahimik na umiiyak habang yakap-yakap ang kanilang mga anak na lahat ay tulog na. Labis itong ikinadurog ng puso niya dahilan para agad niya itong tabihan at hingan ng tawad.

Dahil doon, nagbuksan ang isip niya na bilang isang haligi ng kanilang tahanan, kailangan niya ring tumulong sa kaniyang asawa kahit na mayroon itong magandang trabaho. Kaya naman, kinabukasan, siya’y agad na naghanap ng trabaho matapos niyang paglutuan ng almusal ang kaniyang mag-iina.

Sa kabutihang palad, siya’y agad na natanggap bilang isang drayber sa isang hardware malapit sa kanilang bahay kaya habang siya’y walang ginagawa roon, nagagawa niyang silipin at kamustahin ang kanilang mga anak na bantay ng kaniyang panganay.

Sa ganoong paraan, hindi lang buhay nila umalwan, pati na rin ang relasyon nila ng kaniyang asawa na ngayon ay hangang-hanga sa kaniya.

Advertisement