Isang Matanda ang Pilit na Pinaaalis ng Mag-asawa sa Labas ng Kanilang Bahay; Nadurog ang Puso Nila nang Malaman ang Kwento Nito
Kasalukuyang nagluluto ng agahan si Myrna nang makarinig siya ng kakaibang kaluskos sa kanilang bakuran.
Mahina lang iyon, ngunit base sa narinig niya ay tunog iyon ng pag-ubo.
Kunot-noong nililis niya ang kurtina at sumilip sa labas.
Nanlaki ang mata niya sa labis na gulat.
Sa labas kasi ng bahay nila ay may isang tao na natutulog!
Mula sa marumi nitong kasuotan ay maruming katawan ay nahinuha niya na isa itong pulubi na nagawi sa bahay nila.
Marahil ay naiwan nila na nakabukas ang gate kaya nakapasok ang tao habang naghahanap ito ng masisilungan.
Tarantang isinara niya ang kalan bago niya ginising ang kaniyang asawa. Natatakot siya na lumapit mag-isa sa pulubi dahil baka nananakit ito.
“Hon, Hiro, gising… May tao sa baba…” aniya sa asawa habang ginagawaran ng malakas na tapik ang balikat nito.
Pupungas-pungas itong bumangon at sumilip sa bintana.
“‘Wag kang lalabas. Diyan ka lang sa loob ng bahay,” bilin nito bago maingat na binuksan ang pinto at lumapit sa walang kamalay-malay na pulubi.
“Manong…” narinig niyang tawag nito sa matanda.
Ilang minuto ring sinubok ng asawa niya na gisingin ang matanda, ngunit nanatili itong mahimbing na natutulog.
“Matandang lalaki. Ayaw magising. Hayaan na lang muna natin, mamaya siguro ay kusa rin na aalis ‘yan…” sabi ng asawa niya nang muli itong pumasok sa loob ng bahay.
Bagaman may agam-agam ay pilit niyang iwinaksi sa kaniyang isipan ang matandang pulubi sa labas ng bahay.
Maya-maya lang ay narinig na nila ang pagkilos nito mula sa labas. Ngunit taliwas sa inaasahan nila ay nanatili ang matanda roon na nakaupo habang nakatulala sa kawalan.
Matapos silang mag-almusal ay muling lumabas ang asawa niya upang paalisin ang matanda.
“Manong, hindi po kayo pwede tumambay sa tapat ng bahay namin. Umaga na naman po, baka pwede na po kayong umalis?” marahang pakiusap ni Hiro sa pulubi.
Nanatiling hindi natitinag ang matanda. Ni hindi nga nito nilingon ang lalaki. Ngunit nagsalita ito.
“Bahay namin ito, bahay namin…”
Ilang minuto pa na nanatili sa labas ang asawa niya bago ito inis na pumasok sa bahay.
“Akala ko pa naman ayos ‘tong bahay na nakuha natin. Hindi kamahalan at tahimik. Bakit may mga ganito?” iritableng bulalas nito.
Hindi niya naman masisi ang asawa. Alam niya na nais lamang nito na ligtas sila.
Simula umaga hanggang tanghali ay nanatiling nakatalungko sa labas ng bahay nila ang marusing na matanda.
Nais man nila na abutan ito ng pagkain o inumin ay hindi nila ginawa. Baka kasi mas lalo lang tumagal ang pananatili nito sa labas ng bahay kapag ginawa nila iyon.
“Ano kaya kung tumawag na tayo ng pulis?” anang asawa niya bandang hapon.
Mariin siyang tumanggi.
“Hindi kailangan ‘yan, hon. Baka ikulong pa nila ‘yung matanda, wala naman siyang ginagawang masama,” katwiran niya.
“Kapag nagutom ‘yan, malamang ay aalis ‘yan para maghanap ng pagkain. Isara na lang natin ang gate para hindi na siya makapasok ulit,” suhestyon niya.
Tahimik silang nagmatyag. Ngunit kalat na ang dilim ay hindi pa rin umaalis ang matanda.
“‘Anong gagawin natin?” problemadong bulong ni Hiro.
Mas lalong pang lumala ang problema nilang mag-asawa nang walang ano-ano’y bumuhos ang malakas na ulan.
Nang silipin nila ang matanda sa labas ng bahay ay nakita nila itong nakabaluktot sa labas ng pinto, yakap-yakap ang sarili.
Walang nagawa si Myrna nang balutin ng awa ang puso niya. Todo man ang pagkontra ng asawa niya ay binuksan niya ang tahanan para sa pobreng matanda.
Binigyan nila ito ng kumot, mainit na pagkain, at malinis na damit.
Mabagal, ngunit mabagal na kumain ang matanda. Hindi ito nagsasalita,
“Bakit ho ba kayo nasa labas ng bahay namin, Tatay?” hindi maiwasang usisa niya.
Umiling ito bago bumulong.
“Bahay namin ito… Sa amin ito… Bahay namin ito…” paulit-ulit na sabi nito.
Hindi na nila pinilit na kausapin pang muli ang matanda.
Halos magdamag na gising ang mag-asawa. Nais pa rin kasi nilang bantayan ang kilos ng estrangherong matanda.
Nang mag-umaga ay nakapagdesisyon na sila—hihingi sila ng tulong sa baranggay upang mapaalis ang matanda sa labas ng kanilang bahay.
Ngunit nang dumating ang kapitan at ang ilang mga tanod ay isang nakadudurog na kwento ang narinig nilang mag-asawa.
Nakilala nila ang matanda bilang si Mang Ben, ang dating naninirahan sa bahay na ngayon ay pag-aari na nilang mag-asawa.
“Napakasipag na tao ni Mang Ben. Halos buong buhay niya ay nagtrabaho sa ibang bansa bilang isang drayber. Mahal na mahal niya ang asawa niya, kahit pa hindi sila nabiyayaan ng anak…” kwento ng kapitan.
“Lahat ng pera, ibinibigay niya sa asawa niya. Gusto niya kasi na kapag matanda na sila ay may maayos silang buhay. Ang kaso, nalulong sa sug@l ang asawa niya, si Aling Gloria. Nagkandautang-utang, hanggang sa maisanla ang bahay na dugo’t pawis ni Mang Ben. Hindi kinaya ng konsensya ni Aling Gloria ang nangyari, kaya inatake siya sa puso at binawian ng buhay. Literal na wala nang inabutan na kahit na ano si Mang Ben nang makauwi siya Pilipinas—walang pera, tirahan, at wala nang asawa.”
“Hindi siguro kinaya ng isip niya ang nangyari, kaya tuluyang bumigay. Simula noon ay nagpalaboy-laboy na siya. Hindi rin namin magawang itaboy sa baranggay kasi alam namin na hindi naman siya mapanganib. Kung minsan ay bumabalik siya sa bahay nilang mag-asawa. Siguro ay isa ito sa mga bahay na hindi nawawala sa isip niya kahit wala na siya sa tamang pag-iisip,” mahabang kwento ng kapitan.
Panandaliang natulala ang mag-asawa dahil sa nakapanlulumong kwento ng pobreng matanda. Nagkatinginan sila, pawang nasa isip ang paulit-ulit na sinasabi ng matanda.
“Bahay namin ito… Sa amin ito… Bahay namin ito…”
Totoo pala ang sinasabi nito.
Sa huli, imbes na paalisin ang matanda at hayaan ito na muling magpalaboy-laboy ay tumawag sila sa mga social worker upang may masilungan ang matanda. Matanda na kasi ito at nangangailangan ng pangangalaga. Isa pa ay mapanganib kung mananatili itong pagala-gala.
Paminsan-minsan ay binibisita nila ito.
Bagaman malungkot ang naging buhay ng matandang si Mang Ben, dalangin nilang mag-asawa na sa natitirang mga taon nito sa mundo ay makahanap ito ng kapayapaan at kapahingahan mula sa malupit na mundo.