Excited ang Matandang Babae na Magmartsa sa Araw ng Kaniyang Graduation; Nakaka-Iyak Pala ang Pinagdaan Niya
Sinulyapan ni Aling Sylvia ang sarili sa maliit salamin, inayos ang ribbon sa kaniyang dibdib at nilagyan ulit ng kaunting lipstik ang labi niya, dapat ay maganda siya sa mga litrato. Isasabit kasi iyon sa dingding ng bahay nila kaya kailangang makita na maganda siya habang nagmamartsa kasama ang iba pang estudyanteng gagradweyt.
“Aba, ayokong sabihin ng mga bibisita sa bahay na mukha akong lola ‘no! Gusto ko makita nila na kahit sisentay otso anyos na ako’y mukha pa rin akong bagets,” masaya niyang sambit sa sarili.
Mayamay ay tumugtog na ang musika na tanda upang magmartsa na ang lahat. nakangiti siyang humarap sa mga kamera, proud na proud na kumaway pa. Mayroong tatlong anak si Aling Sylvia, maaga silang nagsama noon ng mister niyang si Mang Hernan, disi-sais anyos lamang sila noon. Matalino ang kaniyang asawa, katunayan ay ito ang napipisil bilang Salutatorian sa eskwelahan nila perokaso nahinto sa pag-aaral at hindi nakapagtaos dahil nabuntis na siya nito. Bumalik tuloy sa alaala niya nang palayasin siya ng mga magulang niya dahil sa nangyari.
“Nakakahiya ka, Sylvia! Napakabata mo pa, ke aga mong kumerengkeng!” galit na sabi ng nanay niya.
“At ikaw naman Hernan, ano ang ipapakain mo sa anak ko, eh hindi ka pa rin nakakapagtapos sa pag-aaral? Pareho pa kayong nasa hayskul. Diyos ko, ano na ang magiging buhay ninyo?” sabad naman ng nanay ng lalaki.
Yakap siya noon ni Hernan, pareho silang nakatungo. Hiyang-hiya siya sa mga magulang nila.
“Patawarin niyo po kami. Nadala lang po kami ng aming pagmamahal sa isa’t isa…”
Hindi na siya pinatapos magsalita ng tatay niya. “Aanhin niyo ang pagmamahal kung mamamat*y naman kayong dilat ang mga mata! Paano ninyo bubuhayin ang inyong anak?”
“Huwag po kayong mag-alala, paninindigan ko po si Sylvia at ang aming magiging anak,” tugon ni Hernan.
“Ah! Talagang panindigan mo dahil mula ngayon, sa iyo na siya! Tapos na ang obligasyon naming mag-asawa sa batang ‘yan. Bahala kayong magutom, pagdusahan ninyo ang karupukan ninyong dalawa,” sabi ng tatay ni Sylvia.
“P-Pero itay…” hindi na naituloy pa ni Sylvia ang sasabihin nang magsalita naman ang nanay niya.
“Umalis na kayo, buhat sa araw na ito wala na kaming pakialam pa sa inyo,” anito.
Gayon din ang mga magulang ni Hernan. Itinakwil na rin ang lalaki.
“Ginawa ninyo ‘yan, eh! Kaya panindigan ninyo!” sambit pa ng tatay ni Hernan.
Walang nagawa ang dalawa kundi ang lumisan. Mula noon ay nagsama na sila sa hirap at sa ginhawa. Namasukan bilang kargador sa palengke si Mang Hernan habang naglalabda naman si Aling Sylvia. Minsan ay naiisip ng ginang na maganda sana ang kinabukasan ng mister niya kundi lamang siya nito pinanindigan. Sana ay nakatapos na ito sa hayskul at nakapag-kolehiyo na. Sayang kasi ang talino nito, kung tuusin ay pareho naman silang mahusay noon sa eskwela pero mas angat nga lang sa kanya ang mister.
Nagising sa pagkakatulala si Aling Sylvia nang magsalita nang sabihan siya ng guro na siya na ang magsasalita. Bilang Suma Cum Laude ng batch nila ay kailangan niyang magbigay ng speech. Ang taray ‘di ba? Sa edad niyang iyon ay siya pa ang nakaksungkit ng pinakamataas na parangal sa mga magsisipagtapos.
Masiglang tumayo si Aling Sylvia sa kinauupuan at umakyat sa entablado. Kinuha ang mikropono at nagsalita na.
“Magandang umaga sa inyong lahat. Nais kong magpasalamat sa aking mga naging guro na aking naging mga gabay upang mairaos ko ang aking mga aralin. Nagpapasalamat din ako sa eskwelahang ito na binigyan ako ng pagkakataon para makapag-aral muli. Sa aking mga kamag-aral na tumulong sa akin at naging mga kaibigan ko, at higit sa lahat sa aking pamilya na walang sawang sumuporta sa akin sa paglalakbay kong ito. Sa aking mga anak na lahat ay propesyunal na at sa pinakamamahal kong asawa na si Hernan na umagapay sa akin para marating ko ang kinatatayuan ko ngayon,” hayag niya.
Naging emosyonal ang mga estudyante, guro at mga magulang na naroon sa sinabi niya lalung-lalo na ang mga anak niya’t asawa na kanina pa siya pinipiktyran at binibidyuhan habang siya’y nagsasalita. Hindi napigilan ng mga ito na ma-iyak.
“Mahal na mahal kita, Hernan, kahit kailan ay hindi ka nagpakita ng kahinaang loob. Lahat ng hirap ay sinuong mo para lamang sa aming mag-iina. Lahat ng trabaho ay pinasok mo para may mailaman sa aming mga sikmura at para maigapang ang pag-aaral ng ating mga anak. Ang araw na ito ay para rin sa iyo, ikaw na nagtiwala sa akin noong mga panahon na akala ko’y huli na ang lahat. Ikaw ang nagpaalala na huwag akong basta susuko sa pag-aaral dahil ikaw ay nagawa mo ring magsikap at magtapos na mayroon ding karangalan. Hindi lang ang iyong sarili at tatlong anak natin ang iginapang mo- pati ako’y pinag-aral mo rin,” lumuluhang sabi ni Aling Sylvia. “Para naman po sa aming nga magulang na tumaboy at sinukuan kami noon, para din po sa kanila ang tagumpay kong ito dahil sila rin ang nagpalakas ng loobnamin upang lumaban sa buhay,” dagdag pa niya.
Umugong ang malakas na palakpakan mula sa mga manonood. Puring-puring sila ng mga taong naroon dahil ang pamilya nila ay isang inspirasyon. Mas lalong lumakas ang palakpakan nang bumaba na sa entablado si Aling Sylvia at patakbong niyakap ang kaniyang mister at mga anak. Isinabit pa niya sa kaniyang asawa ang medalyang nakuha niya.
“Para sa iyo iyan, mahal ko. Katas ng ating pagsisikap at pagmamahal sa isa’t isa. Mahal na mahal ko kayo ng mga anak natin,” bulong niya kay Mang Hernan.
“Proud na proud kami sa iyo ng mga bata. Mahal na mahal ka rin namin,” tugon ng mister saka hinalikan siya sa pisngi.
Tuwang-tuwa naman ang tatlo nilang anak na walang ginawa kundi ang piktyuran sila at bidyuhan. Mayamaya ay nagyakap ang buong pamilya habang ang mga taong naroon ay wala pa ring tigil sa pagpalakpak at paghanga sa kanila.
Ipinakita sa kwento na hindi hadlang ang edad para magkaroon ng edukasyon. Ang pagnanais matuto ay nasa kagustuhan ng taong gustong lumawak pa ang kaalaman at gustong mas magtagumpay pa sa buhay tulad ni Aling Sylvia at Mang Hernan na hindi sinukuan ang pag-aaral kahit may mga anak na sila.