Akala ng Dalaga ay Wala ng Pag-Asa na Matupad ang Pangarap Niyang Maging Doktor; ‘Di Niya Inasahan na Maaabot Niya Ito
Panganay si Mariela sa tatlong magkakapatid. Karpintero ang tatay niya at labadera naman ang kaniyang nanay. Bata pa lamang ay pangarap na niya ang maging doktor.
Matalino ang dalaga, palagi siyang nasa honor nung nasa elementarya pa siya pero dahil sa kahirapan ng buhay ay hindi na siya nakatuntong sa hayskul. Hindi na raw siya kayang pag-aralin ng mga magulang niya sa sekondarya, hanggang elementarya lang ang kaya ng mga ito kaya ang pangarap niyang maging doktor ay mananatiling pangarap na lamang.
Mas lalo pang lumabo ang pangarap niya nang ma-stroke ang tatay niya at hindi na maaaring makapagtrabaho. Hindi na ito nakakatayo at nakakalakad, palagi na lang itong nakahiga sa papag. Mula noon ay mas lalo silang nagipit, kaya kinailangan niyang magtrabaho para matulungan ang nanay niya sa pagsuporta sa kanilang pamilya. Ipinadala siya nito sa tiyahin niyang nakatira sa Maynila para doon maghanapbuhay.
“O, Mariela, dahil narito ka sa akin, dapat ay pagtrabahuhan mo ang ipapasahod ko sa iyo ha? Ang gagawin mo lang ay tulungan ako sa pagtitinda dito sa grocery ko. Huwag tatamad-tamad ha? Bukod sa buwanang sahod ay libre naman ang pagkain mo kaya masuwerte ka. Hala, umpisahan mo na ang trabaho at marami pa tayong gagawin,” utos ng tiyahin niyang si Meding.
“Opo, tiya. Huwag po kayong mag-alala, magiging masipag po ako,” tugon niya.
Hindi naging madali para sa kaniya ang trabaho sa negosyo ng tiyahin niya. Bukod sa pagtitinda, kailangan din niyang tumulong sa pagbubuhat, pagsalansan at pag-aayos ng mga paninda sa grocery. Kinakaya niya ang hirap doon upang kumita ng pera na ipapadala niya sa nanay niya sa probinsya.
Ilang buwan matapos magkasakit ang kaniyang ama, nabalitaan niya na binawian na rin ito ng buhay at ‘di na kinaya pa ang naging karamdaman. Durog na durog ang puso niya nang malaman iyon, nagpapakapagod siya sa kakatrabaho para kung malaki na ang naipon niya’y maipa-therapy niya ang ama pero hindi na ito mangyayari. Makalipas ang ilang linggo pagkatapos na mailibing ang tatay niya, hindi niya inasahan na kay daling nakahanap agad ng iba ang nanay niya. May kinakasama na itong ibang lalaki.
“Inay naman, wala pang isang taon na namayapa si tatay. Bakit nakipagrelasyon na kayo agad?” inis niyang sabi.
“Pasensya na anak, hindi ko kakayanin na mag-isang suportahan ang mga kapatid mo. Ngayong wala na ang tatay mo, kailangan ko nang katuwang sa paghahanpbuhay. Mabuti nga at sinusuportahan kami ng Tiyo Martin mo,” tugong ng ina .
Kahit masama ang loob ay wala naman siyang magagawa sa kagustuhan ng nanay niya. Hindi niya naman masisisi ito, kaya nga mas lalo siyang naging determinado sa pagtatrabaho upang maibigay sa kaniyang pamilya ang pangagailangan ng mga ito ng hindi umaasa sa iba.
Isang araw, magandang balita ang bumungad sa kaniya mula sa Tiya Meding niya.
“Mariel, pinapatanong ng pinsan namin ng nanay mo na si Ate Nympha kung gusto mo raw magtrabaho sa patahian niya? Marunong kang magtahi ‘di ba? Tutulong ka doon sa pananahi at ang kapalit ay pag-aaralin ka sa hayskul hanggang sa kolehiyo,” sabi ng tiyahin niya.
Nanlaki ang mga mata niya sa sinabi nito. “Naku, magandang balita po iyan tiya. Sige po, pumapayag na po akong magtrabaho sa kaniya,” sagot niya.
Agad siyang nag-empake ng mga damit at nagtungo sa pinsan ng tiyahin niya. Mabait din ang matandang babae gaya ng Tiya Meding niya at madaling pakisamahan. Naging magaaan ang trabaho niya roon bilang mananhi at pinag-aral siya nito sa hayskul.
Pinagbutihan niya ang pag-aaral, tulad noong nasa elementarya ay palagi rin siyang may honor kaya ‘di nagtagal ay nagtapos siya bilang Valedictorian sa hayskul. Nang mag-aral siya sa kolehiyo ay mas lalo niyang pinagbutihan kaya makalipas ang ilang taon nang pagsusunog ng kilay ay nakagradweyt siya sa kursong Medisina. Pinagsabay niya ang pag-aaral at pagtatrabaho, bukod sa pananahi ay umektra rin siya sa isang restawran bilang serbidora para maka-ipon ng pera. Nakakuha rin siya ng scholarship kaya hindi siya masyado nahirapan na maitawid ang pag-aaral niya ng Medisina. Kumuha rin siya ng board examat isa siya sa pinalad na makapasa at nagkaroon ng lisensiya.
“Congratulations, anak, isa ka ng ganap na doktor ngayon. Ipinagmamalaki ka namin ng mga kapatid mo,” tuwang-tuwang sabi ng nanay niya.
“Salamat po inay, ang lahat ng aking pagsusumikap ay para sa inyo, sa ating pamilya,” sagot niya.
“Nga pala, anak, gusto ka ring batiin ng Tiyo Martin mo,” wika pa ng kaniyang ina. Ang tinutukoy nito ay ang bago nitong kinakasama.
“Congrats, Mariela. Proud na proud sa iyo ang nanay at mga kapatid mo,” anito.
“Salamat po. Salamat din po pala sa pagmamahal at pag-aasikaso niyo kay inay at sa aking mga kapatid,” tugon niya.
“Mahal ko sila, Mariela gaya ng pagmamahal ng tatay mo sa inyo. Sana bigyan mo rin ako ng pagkakataon na ipakita iyon sa iyo…anak,” medyo nahihiyang sabi ng lalaki.
Ngumiti siya. “Iyon lang po pala, eh. Basta mahal ng pamilya ko, mahal ko na rin,” tugon niya.
“Maraming salamat,” panatag na sagot nito.
Bukod sa kaniyang pamilya ay labis din niyang pinasasasalamatan ang mga taong tumulong sa kaniya sa pag-abot ng pangarap niya gaya ng Tiya Meding at Tiya Nympha niya. Iniaalay din niya sa mga ito ang lahat ng narating niya.
Sa ngayon ay buong puso siyang nagsisilbi sa kaniyang kapwa bilang si Dra. Mariela Acosta. Naiahon niya na rin sa hirap ang nanay at mga kapatid niya. Sa wakas ay natupad na rin ang pinapangarap niya ang maging mahusay na manggagamot at mabigyan ng magandang buhay ang kaniyang pamilya.