May Nakakatakot Siyang Karanasan sa Pampublikong Palikuran Kaya Hindi na Siya Nagamit Nito, Paano Kapag Siya’y Tinawag ng Kalikasan?
Kahit halos isang dekada na ang nakalipas simula nang may manilip sa kaniyang lalaki, hindi pa rin magawa ni Honey na kalimutan ang takot na naramdaman niya noon.
Tanghaling tapat no’n, habang naghahanda siyang para sa kaniyang business proposal na itatanghal niya sa kaniyang mga boss sa kumpanyang pinapasukan niya, siya’y biglang nakaramdam ng pagkaihi dahilan para siya’y agad na humangos sa pinakamalapit na palikuran. Kaya lang, pagkaupong-pagkaupo niya sa inodoro, nakita niyang may isang lalaki na naninigarilyo pa ang nakadukwang sa itaas na bahagi ng cubicle na kaniyang pinasok na talaga nga namang nagbigay sa kaniya ng hindi matatawarang takot.
Napatawan man ng karapat-dapat na parusa ang lalaking iyon, kakaibang tr*uma naman ang naibigay nito sa kaniya dahilan upang simula noon ay hindi na siya kailanman gumagamit ng pangpublikong palikuran, kahit pa ang mga palikuran sa kumpanyang pinagtatrababuhan niya.
Mahirap man para sa kaniya na pigilan buong araw ang pagkaihi niya at kung minsan pa pati ang pagdumi niya, ginagawa niya ang lahat upang hindi talaga siya makapasok sa isang pampublikong palikuran.
Kahit na ihing-ihi o duming-dumi na siya, hihintayin niya pa ring makauwi siya sa sarili niyang bahay at doon lamang ilalabas ang mga hindi kanais-nais na dumi sa kaniyang katawan.
Sa katunayan, sa isang araw na pagtatrabaho niya, isa hanggang dalawang beses lamang siya umiinom ng tubig upang huwag siyang maihi. Kung kailangang-kailangan niya namang uminom dahil nga boses din ang puhunan niya sa trabaho, kapatak na tubig lang ang dinadampi niya sa kaniyang lalamunan upang hindi ito magdulot ng pagkaihi sa kaniya na labis nang ikinapag-aalala ng kaniyang ina.
“Anak, huwag mo naman sanang hayaang habang-buhay kang magdusa nang dahil lang sa naranasan mong tr*uma. Matagal na ‘yon, anak, siguro naman, karapatan mo nang mabuhay nang normal ngayon. Maaari mo namang ilibot muna ang mga mata mo sa isang palikuran bago ka gumamit o kaya’y magpasama ka sa isa mong katrabahong babae para masiguro mong wala talagang maninilip na sa’yo. Hindi pwedeng habang-buhay kang gan’yan, anak, magkakasakit ka niyan,” pangaral nito sa kaniya, isang umaga bago siya pumasok sa trabaho.
“Hindi pa nga ako palagay, mama. Hindi naman kasi ikaw ang nakaranas ng ganoong bagay kaya hindi mo ako maintindihan, eh!” sigaw niya rito saka agad nang sumakay sa taxi na tinawagan niya.
Kaya lang, nasa biyahe pa lamang siya papuntang trabaho, agad na siyang nakaramdam hindi lang ng pagkaihi, kung hindi pati na rin pagkadumi at doon niya lang naalala na dahil sa inis na naramdaman niya sa payo ng ina, hindi pala siya nakaihi at nakadumi bago pumasok ng trabaho!
“Manong, pwede bang bumalik muna tayo sa bahay?” sabi niya sa drayber na agad nitong sinunod.
Ngunit, sila ay naipit pa sa trapiko na talagang nagbigay na sa kaniya nang matinding problema. Sa paglipas ng bawat minuto, patuloy na nanginginig ang kaniyang kalamnan habang pinakikiramdaman ang paghilab ng kaniyang tiyan.
Ayaw na niya sanang isipin ang nangyayari sa kaniyang tiyan at pantog kaya lang, tila isang tulak na lang, sabay na itong lalabas kaya wala na siyang nagawa kung hindi ang bumaba sa naturang taxi at tumakbo sa pinakamalapit na mall na may pampublikong palikuran.
At dahil desperada na siyang mailabas ang tawag ng kalikasan, katulad ng sabi ng kaniyang ina, humingi siya ng tulong sa babaeng guard sa mall na pinasukan niya upang siya’y bantayan. Bago rin niya ibaba ang kaniyang pantalon, inikot niya muna ang kaniyang mata sa buong palikuran saka na siya tuluyang naglabas ng sama ng loob.
May pag-aalinlangan man siyang nararamdaman sa puso habang nanatili sa banyong iyon at kung anu-anong bagay ang pumapasok sa isip niya, nilaksan niya ang kaniyang loob upang maibsan na ang nararamdaman niyang sama ng tiyan.
Kakaibang ginhawa ang kaniyang naramdaman matapos ang ilang minuto niyang pananatili sa banyong iyo at doon niya napagtanto na kaya niya na palang kaharapin ang takot niya.
Agad niya itong ikinuwento sa kaniyang ina matapos niyang pasalamatan ang guard na nagbantay sa kaniya. Walang mapaglagyan ang kasiyahan ng kaniyang ina sa tapang na kaniyang ginawa.
“Alam kong hindi naging madali para sa iyo ang ginawa mo, anak, kaya labis akong natutuwa! Salamat, hindi mo na hinayaang magkasakit ka para lang malaman mong mas malakas ka kaysa sa takot na naranasan mo! Isang emergency na magdumi lang pala ang magiging daan para magising ka sa katotohanan!” tuwang-tuwa sabi nito na talagang ikinataba rin ng puso niya.
Simula noon, unti-unti na muling napalagay ang loob niya sa paggamit ng pampublikong palikuran at syempre, ito ay laging may kaakibat na pag-iingat na nakapagbibigay kapanatagan sa puso’t isip niya.