Sinisiraan Niya ang Kaniyang Boss Dahil Palagi Itong Nawawala sa Mga Importanteng Pagpupulong, Nakonsensya Siya nang Malaman ang Pinagdaraan Nito
Ilang minuto na lang ang lilipas, kailangan nang magtanghal ng kaniyang boss sa harapan ng mga kasosyo nito sa negosyo upang ipakilala ang bago nilang produkto. Kaya lang, kahit ni isang tawag niya sa selpon ay wala itong sinasagot kaya ganoon na lang namomoblema ang dalagang si Jodi.
“Jodi, hindi pa rin ba nasagot si sir sa’yo?” tanong ng isa niyang katrabaho na nakatoka sa panglilibang ng mga panauhin nila ngayong araw.
“Hindi pa rin nga, eh! Kagabi niya pa hindi sinasagot ang mga mensahe ko! Ako na nga ang gumawa ng report niya, eh, dahil nga wala siyang paramdam tapos hanggang ngayon, hindi siya mahagilap!” reklamo niya habang patuloy na tinatawagan ang kanilang boss.
“Baka naman may problema si sir, Jodi? Wala ba siyang nababanggit sa’yo?” pang-uusisa nito.
“Walang problema ‘yon, ‘no! Sadyang tamad lang siyang magtrabaho! Noong isang linggo, hindi rin ‘yon sumipot sa ganitong pagpupulong, eh! Ako rin ang pinangsangkalan niya no’n!” inis na inis niyang sabi.
“Kung ganoon, wala ka na ngang ibang pwedeng gawin kung hindi ang akuin ang trabaho niya ngayon kaysa paghintayin natin sa wala ang mga kasosyo niya sa negosyo,” payo nito na agad niyang ikinapanghina.
“Diyos ko! Pagod na pagod na ako sa trabaho ko! Alam ko, sekretarya lang ako, hindi tagasalo ng trabaho niya!” sigaw niya habang mangiyakngiyak na.
“Sige na, Jodi, gawin mo na. Baka nakakalimutan mo, kapag nawalan siya ng kasosyo sa trabaho, mawawalan din tayo ng trabaho,” paalala nito kaya wala na siyang ibang nagawa kung hindi ang punan ang trabaho ng kaniyang boss.
“Ito na!” padabog niyang sabi saka agad nang pumasok sa meeting room ng kaniyang kumpanya kung saan naghihintay ang mga bigating kasosyo sa negosyo ng kaniyang boss.
Tumagal ng halos dalawang oras ang pagtatanghal niyang iyon sa harap ng mga negosiyante at sa kabutihang palad naman, agad itong inaprubahan ng mga ito na labis niyang ikinatuwa.
“Maraming salamat po sa inyong lahat! Makakaasa po kayong pagbubutihin pa namin ang pagtatrabaho!” pagbati niya sa mga ito.
“Mabuti naman kung ganoon, Miss Jodi! Ikamusta mo na lang ako sa boss mo, ha? Bali-balita ngayon sa samahan namin na may dinaramdam siya, eh,” sambit ng isa sa mga negosiyante na ikinatawa niya.
“Naku, tinatamad lang po ‘yon,” bulong niya kaya siya’y agad na siniko ng kaniyang katrabaho. “Ano po? May dinadamdam po siya?” tanong nito upang siya’y mapagtakpan.
“Aba’y, oo! Hindi niyo ba alam? Pasaway talaga ‘yong boss niyo! Ayaw na ayaw na ipinagsasabi na may sakit siya! Kaya nga wala rin siya noong isang linggo, eh. Nagpatingin siya sa doktor at napag-alamanang may butas ang kaniyang puso. Ngayon ang operasyon niya kaya siya wala,” kwento nito na talagang ikinalaki ng kaniyang mga mata, “Mabuti na lang mayroon siyang responsable at mabait na sekretarya, ano?” sabi nito sa kaniya kaya siya’y agad na nakaramdam ng konsensya.
Pagkatapos na pagkatapos ng pagpupulong na iyon, agad niyang hinanap kung saang ospital nananatili ang kaniyang boss. Doon niya nga nakumpirma na may operasyon iton ngayon at bahagyang malala ang lagay.
Wala siyang ibang nagawa noon kung hindi ang humingi ng tawa dito habang patuloy na pinagdasaral ang pagtatagumpay sa operasyon nito.
Sa kabutihang palad, dahil sa galing ng mga doktor nito, ito’y matagumpay na naoperahan at ilang buwan lang ay tuluyan na ring bumalik sa pagtatrabaho na talagang ikinatuwa niya dahil bukod sa mababawasan na ang bigat ng gawain niya, matatapos na rin ang pangongonsenyang nararamdaman niya dahil sa paninira niya rito.
Dahil sa ipinamalas niyang galing sa trabaho habang wala ito, siya’y labis na nagulat nang bigyan siya nito ng malaking halaga ng pera at isang bahay at lupa!
“Totoo po ba ito, sir? Huwag naman kayong magbiro ng gan’yan!” mangiyakngiyak niyang sigaw.
“Kung tutuusin, kulang pa ‘yan sa lahat ng ginawa mo para sa akin at sa kumpanyang ito. Dekalibreng hirap ang naransan mo sa kamay ko, Miss Jodi, kaya karapatan mo lang ang mabigyan ng ganitong gantimpala,” sabi pa nito na talagang ikinaiyak niya.
Iyon ang naging daan upang mas lalo siyang magsipag sa pagtatrabaho. Kung dati ay puno ng pagrereklamo at paninira ang lumalabas sa bibig niya, ngayo’y pasasalamat ang palagi niyang nasasambit, lalo na sa amo niyang patuloy na nagbibigay ng parangal sa kaniya.
“Salamat po, Panginoon, kahit na mareklamo ako, binigyan Mo pa rin ako ng lakas na gawin ang trabaho ko at isang boss na may utang na loob,” bulong niya habang nakatingin siya sa altar ng bago niyang bahay.