Inday TrendingInday Trending
Masiyado raw Nakakasakal ang Pagiging Maalaga ng Kaniyang Mister Kaya Naghanap Siya ng Iba; Panandalian lang pala ang Hatid Nitong Saya!

Masiyado raw Nakakasakal ang Pagiging Maalaga ng Kaniyang Mister Kaya Naghanap Siya ng Iba; Panandalian lang pala ang Hatid Nitong Saya!

“Mahal, papasok na ako ng trabaho. Nakapagluto na ako’t nakapaglinis na rin ng bahay. Huwag ka nang masiyadong magkikilos, ha? Hintayin mo ako mamayang pag-uwi ko, para ako na ang magluluto ng hapunan,” malambing na paalam ng kaniyang mister na si Garry sabay halik sa kaniyang noo.

Nakahiga pa noon si Thalia at hindi pa bumabangon sa higaan, dahil maaga ngang gumising si Garry upang ito na mismo ang mag-asikaso sa kaniyang sarili. Imbes na matuwa naman si Thalia sa ginawa ng asawa ay napaismid siya. Pakiramdam niya ay itinuturing siya nitong inutil dahil halos ayaw na siyang pagawain nito ng kahit na ano buhat nang siya ay maospital dahil sa kaniyang hika.

Noong una ay ikinatutuwa ni Thalia ang ipinapakitang pag-aalaga sa kaniya ng asawa, ngunit habang tumatagal ay ikinaiinis na niya iyon. Itinuturing kasi siyang prinsesa nito, ngunit hindi iyon ang gusto niya. Ganoon pa man, imbes na kausapin si Garry ay hinayaan lamang ni Thalia na manatili ito sa ganoong gawain, hanggang sa siya ay mapuno na. Madalas niya nang awayin ang asawa, kahit sa maliliit na bagay, puwera na lang sa tunay na dahilan kung bakit niya ito kinaiinisan.

Walang kaalam-alam si Garry na halos isumpa na siya ng babaeng halos pagsilbihan niya. Hanggang sa natuto nang lumabas-labas ng bahay si Thalia, na hindi naman kinondena ni Garry dahil sa pag-aakalang baka nabo-bore lamang ang kaniyang misis.

Hindi niya naman alam na dahil pala roon ay makakakita ng ‘iba’ si Thalia. Doon ay nahanap ng babae ang ‘challenge’ na gusto niyang maranasan kay Garry. Sa isang bar nakilala ni Thalia ang binatang si Philip, at agad niya itong nagustuhan dahil sa angkin nitong ‘angas’ na hindi niya makita sa asawa. Hindi ito sunod-sunuran sa kaniya. Siya ang pinahahabol nito, kaya naman pakiramdam ni Thalia ay nabuhay ang lahat ng init sa kaniyang katawan dahil doon. Ibang-iba ito sa asawa niyang sobrang maalaga, mapagmahal at maalalahanin, dahil kung umakto si Philip ay tila ba wala itong pakialam sa kaniya, ngunit pagdating sa ‘ibang’ bagay ay kayang-kaya siya nitong ‘i-satisfy.’

Unti-unting napansin ni Garry ang madalas na pag-alis ni Thalia sa bahay at ang biglaang panlalamig nito sa relasyon nila ang nagbigay sa kaniya ng ‘ideya’ tungkol sa kung ano’ng ginagawa nito sa likod niya. Dahil doon, isang araw ay kinausap niya ang asawa…

“Saan ka na naman galing? Ang sabi ng kapitbahay, may lalaki raw na sumundo sa ’yo,” malumanay na tanong ni Garry sa kaniyang misis. Walang pambibintang sa kaniyang tinig, ngunit ikinagulat niya ang naging sagot ng asawa.

“Kung iniisip mong may lalaki ako, hindi ka nagkakamali, Garry…” diretsahang sagot ni Thalia sa kaniya na ikinalaglag naman ng balikat ni Garry. “Maghiwalay na tayo,” dagdag pa nito na para bang ganoon lang nito kadaling itapon na lamang basta ang ilang taon din nilang pinagsamahan dahil lokong-loko na ito ngayon sa bago niya.

Sinubukan ni Garry na kumbinsihin ang asawang ayusin pa ang lahat sa kanila, ngunit talagang si Thalia na ang may ayaw. Sa huli ay wala siyang nagawa kundi pakawalan ito at hayaan na ang babae kung saan ito sasaya.

Itinuon na lamang ni Garry ang kaniyang sarili sa pagtatrabaho at sa pagpapaunlad sa kaniyang sarili. Ngayong nag-iisa na siya ay nawalan na siya ng takot na sumubok ng mga bagay na maaaring magpaunlad sa kaniya ’tulad ng pagnenegosyo. Hindi naman niya ito pinagsisihan, dahil sa loob lamang ng limang taon ay halos nagbago na agad ang buhay niya. Sinuwerte siya buhat nang mawala sa kaniya si Thalia, at ngayon ay nakahanap na rin siya sa wakas ng bagong mamahalin.

Sa panahong iyon naman ay puno na ng pagsisisi si Thalia, dahil buhat nang makisama siya sa binatang si Philip ay labis na paghihirap na ang dinanas niya. Kung sa piling ni Garry, siya ay prinsesa, sa piling ni Philip ay daig pa niya ang katulong at babaeng bayaran kung siya ay ituring nito! Doon lamang niya napagtantong nakahiga na siya sa kama noon, ngunit mas pinili pa niyang lumipat at humiga sa matigas at malamig na sahig na wala man lang kahit na anong sapin!

Huli na para bumalik pa siya kay Garry, dahil sa pagkakataong ito ay hindi na siya kayang piliin pa ng lalaki. Iba na ang gusto nitong makasama, at halos manigas siya sa inggit nang makitang ‘reyna’ kung ituring nito ang bagong minamahal.

Advertisement