Inday TrendingInday Trending
Nasaksihan ng Ina kung Paano Pagmalupitan ng Kaniyang Anak ang Pamilya Nito; Isang Paraan ang Gagawin Niya Kahit Madurog ang Kaniyang Puso

Nasaksihan ng Ina kung Paano Pagmalupitan ng Kaniyang Anak ang Pamilya Nito; Isang Paraan ang Gagawin Niya Kahit Madurog ang Kaniyang Puso

“Ano ba kayong mag-asawa, ang aga-aga, bangayan kayo nang bangayan!” hiyaw ni Aling Belinda matapos niyang dumungaw mula sa pintuan ng bahay ng kaniyang anak at ng pamilya nito, na katabi lamang naman ng sa kaniya. Nagising na naman kasi siya dahil sa pag-aaway ng dalawa, gayong alas singko pa lang ng umaga at bago pa lamang sumisikat ang araw!

“Inay, ito ho kasing anak ninyo, ipinangsugal na naman ’yong pambili sana namin ng gatas ng anak namin! Inay, ilang araw ko ho ’yong pinag-ipunan sa paglalabada, ’tapos ay gagastusin lang niya nang ganoon kabilis sa kaniyang bisyo! Hindi niya man lang inisip na wala na akong makukuhanan pa ng panggatas ni baby,” sumbong naman ng kaniyang manugang na si Gia. Nasapo nito ng sariling mga kamay ang kaniyang mukha pagkatapos ay napahagulhol na lamang sa sobrang sama ng loob.

“E, sa natalo nga! Ipinangsugal ko lang naman ’yon kasi akala ko susuwertehin ako’t madaragdagan pa,” katuwiran naman ng anak niyang si Bong.

Alam ni Aling Belinda sa kaniyang sarili na mali ang ginawa ng kaniyang anak, ngunit ’tulad ng dati ay nagbingi-bingihan at nagbulag-bulagan na naman siya roon. Hindi niya ito kayang pagalitan dahil masiyado niya itong ‘mahal’ kaya naman imbes na pagsabihan ang anak ay naglabas na lang siya ng pera mula sa kaniyang bulsa at ibinigay iyon kay Gia.

“Tumahimik na kayo. Heto ang pera, ibili mo agad ng gatas ng anak mo, Gia, dali!” aniya pa.

Hindi sumagot ang kaniyang manugang ngunit kinuha nito ang pera sa kaniyang mga kamay. Iiling-iling pa itong tumalikod bago naglakad papunta sa kuwarto upang magbihis. Paglabas ni Gia ay nagkakape na ang kaniyang asawa, habang ang biyenan niyang si Aling Belinda ay karga na ang tatlong buwang gulang niyang supling. Hinarap niya ito upang magpaalam.

“Inay, aalis na ho ako. Sana ho, habang wala ako ay mapagsabihan n’yo ’yang si Bong para hindi kayo ang laging sumasalo ng kasalanan niya. Hindi ho sa lahat ng oras nandito kayo sa tabi namin. Hindi ko na ho alam kung paano pa siya matututong tumayo sa sariling paa kung patuloy ninyo siyang kukunsintihin,” tahasang sabi ni Gia sa biyenan bago siya lumabas ng bahay upang magtungo sa bayan.

Hindi nakasagot si Aling Belinda. Mas minabuti niyang huwag na lamang intindihin pa ang sinabi ng manugang, dahil alam naman niyang galit lang ito sa ngayon. Hinayaan niyang makaalis ang anak na si Bong nang araw na ’yon nang hindi niya napagsasabihan. ’Tulad noon ay wala siyang sinabing kahit na ano tungkol dito.

Tindera si Aling Belinda sa palengke. Nang hapong iyon ay minabuti niyang umuwi nang maaga, dahil mayroon siyang hindi magandang nararamdaman sa kaniyang dibdib na hindi naman niya maipaliwanag kung ano. Agad naman iyong nasagot nang pagkababang-pagkababa pa lamang niya sa kaniyang sinasakyang tricycle ay dinig na dinig niya na ang malakas na sigawan sa pagitan ng manugang na si Gia at ng anak na si Bong.

Humahangos na nagtungo agad si Aling Belinda sa bahay ng kaniyang anak, at ganoon na lamang ang gulat niya nang makitang nakaamba ang kamao ni Bong sa asawa, kahit pa nakita naman nitong karga-karga ni Gia ang kanilang anak!

“Bong, itigil mo ’yan!” hiyaw ni Aling Belinda. “Masasaktan ang anak mo sa ginagawa mo!”

“Huwag kayong makialam dito, ’nay! Hayaan mong masaktan ang batang ’yan dahil manang-mana ’yan sa nanay niyang napakaingay!” galit na sagot naman sa kaniya ng anak.

Nang sulyapan ni Bong si Aling Belinda ay kitang-kita ng ginang ang namumula nitong mga mata. Mukha rin itong nakainom kahit pa hindi naman ito amoy alak. Alam ni Aling Belinda na may hindi tama sa ikinikilos ng anak, kaya naman pumasok na siya ng bahay at sinampal niya ito, na unang beses lamang niyang ginawa sa tanang buhay niya.

“Hindi ko alam kung bakit ngayon ko lang naisip na disiplinahin ka, Bong. Sana ay noon ko pa ginawa ito, nang hindi ka sana lumaking ganiyan! Matagal akong nagbulag-bulagan sa maling ginagawa mo sa ’yong mag-ina, pero hindi ko na hahayaan ’yon ngayong pati sa apo kong walang kamalay-malay ay wala ka nang awa!”

Mabilis na kumilos si Aling Belinda pagkatapos no’n. Agad siyang tumawag ng pulis upang siya mismo ang magsuplong sa kaniyang anak. Agad namang rumesponde ang mga ito at dahil doon ay nahuli ang lalaki. Masakit iyon kay Aling Belinda ngunit alam niyang iyon ang tamang gawin. Mahal na mahal niya ang anak, kaya’t mas pipiliin pa niyang makulong ito kaysa makagawa ito ng mas mabigat na kasalanang tiyak na ikasisirang tuluyan ng buhay nito.

Advertisement