Inday TrendingInday Trending
Iba ang Gustong Manugangin ng Inang Ito kaya Ipinahiya niya ang Nobya ng Anak; Magugulat Siya sa Gagawin ng Kaniyang Unico Hijo!

Iba ang Gustong Manugangin ng Inang Ito kaya Ipinahiya niya ang Nobya ng Anak; Magugulat Siya sa Gagawin ng Kaniyang Unico Hijo!

Unang nakadaupang palad ni Rita ang ina ng kaniyang nobyo noong mag-fiesta sa kanilang lugar, ngunit hindi naging maganda ang kanilang naging pagkikita. Masama ang naging impresyon nito sa kaniya, dahil nakita siya nitong maraming kasamang kabarkada at nakikipag-inuman siya sa mga ito.

Iyon din naman ang unang beses na tumikim siya ng alak dahil pinilit lamang siya ng kaniyang mga kaibigan. Kaarawan kasi ng isa sa kanila, at hindi niya matanggihan ang mga ito. Ngunit buhat noon, hindi na nabago pa ang tingin sa kaniya ng nasabing ginang, kahit pa lumipas na ang ilang taon…

“Mama, papa, may ipakikilala ho ako sa inyo,” nakangiting anang unico hijo ni Aling Selya. Agad namang napangiwi ang ginang nang makitang kasama ng anak niya ang nobya nitong si Rita na kailan man ay hindi niya nagustuhan para sa anak.

“Magandang araw po, tita, tito…” magalang na bati ng dalaga sa kanila ngunit ganoon pa man ay hindi pa rin iyon naging maganda sa pandinig ni Aling Selya. “Happy birthday po, tita,” dagdag pa nito sabay abot ng regalo sa kaniya.

Biglang tumayo si Aling Selya at hindi pinansin ang pagbati ng nasabing dalaga. Ni hindi man lang niya tinapunan ng tingin ang iniaabot nitong regalo. Namataan niya kasing pumasok sa loob ng kanilang bahay ang kanina niya pa hinihintay na bisita…si Annie, ang kababata ng kaniyang anak na matagal na niyang gustong manugangin noon pa man.

“Annie, mabuti naman at nakarating ka! Akala ko ay hindi ka na aabot pa sa birthday ko, e,” tuwang-tuwang ani Aling Selya na malawak ang pagkakangiti.

“Naku, maaari ho ba namang kalimutan ko ang birthday ng magiging biyenan ko?” nakangisi namang pasaring din ni Annie na lalo pang ikinagalak ni Aling Selya. “Heto nga po pala at may dala akong regalo para sa inyo.”

“Naku, nag-abala ka pa! Sapat naman na sa aking nagpunta ka rito, dahil gustong-gusto talaga kitang makita. Pero salamat dito sa dala mo, hija, mukhang mamahalin!” dagdag pa ni Aling Selya sabay sulyap sa nobya ng kaniyang anak na ngayon ay biglang namutla sa kinatatayuan. Halatang-halata ang pagkapahiya nito lalo na nang bigla niyang ayain si Annie patungo sa iba pa nilang bisita upang ipakilala ito bilang kaniyang mamanugangin!

Hindi nagustuhan maging ng asawa mismo ni Aling Selya ang kaniyang ginawa. Ang totoo ay nakailang saway ito sa kaniya, ngunit talagang matigas ang ginang at hindi ito nakikinig. Gusto niyang ipahiya si Rita, dahil nais niyang malaman nito na hindi niya ito gusto. Umaasa siyang sa paraang iyon ay iiwan nito ang kaniyang anak at titigilan na ang pakikipagrelasyon dito.

Maya-maya pa, napangisi na lang si Aling Selya nang biglang lumapit sa kanila si Rita upang magpaalam…

“Tita, tito, aalis na po ako. Tumawag po kasi sa akin ang boss ko, may kailangan pala akong gawin sa trabaho,” magalang pa ring paalam nito sa kanila na bagama’t halatang nagdadahilan lamang ay hindi naman nagpakita ng kahit katiting na galit sa ginawa ni Aling Selya.

Tumalikod na si Rita at tuloy-tuloy na naglakad palabas ng kanilang pintuan. Agad naman itong hinabol ng kaniyang unico hijo kaya naman sinundan din nina Aling Selya at ng asawa niya ang mga ito.

“Mahal, sandali—”

“Bumalik ka na ro’n, Jake. Kaya ko namang umuwing mag-isa, e,” sagot naman ni Rita.

“Mahal, huwag kang magalit sa ’kin. Hindi naman totoo ’yon. Ikaw lang naman ang gusto kong pakasalan at wala nang iba,” pakiusap naman ni Jake sa babae.

Dahil sa nakitang senaryo ay nag-init ang ulo ni Aling Selya. Tinawag niya ang anak, ngunit imbes na sundin siya nito ay tinapunan siya ng masamang tingin ng anak, bago ito muling bumaling sa nobya at biglang lumuhod!

“Ikaw lang ang gusto kong maging asawa, Rita. Mahal na mahal kita, at walang sinuman ang kayang pumigil sa damdamin ko para sa ’yo, kahit ang mama ko!” anang lalaki na ikinabigla nila!

Matapos ang pangyayaring iyon ay agad na lumayo sa puder nina Aling Selya ang nag-iisang anak. Dahil doon ay agad siyang nagsisi sa ipinakita niya sa nobya nito. Alam niyang maling-mali ang ginawa niya dahil kahit kailan ay wala namang masamang ipinakita sa kanila ang dalaga.

Mabuti na lang at sadyang mabuti ang kalooban ni Rita. Ito mismo ang kumumbinsi kay Jake upang makipagbati na sa kaniyang ina. Laking pagpapasalamat naman ni Aling Selya. Humingi siya ng tawad kay Rita, at sa wakas ay tinanggap niya ito sa kanilang pamilya. Napatunayan niyang ito nga ang tamang babae para sa kaniyang anak, at siya ang nagkamali sa tangkang pagkontrol niya sa buhay nito at sa panghuhusga agad sa dalaga.

Advertisement