Inday TrendingInday Trending
Ipinagtataka ng Dalaga kung Bakit Paborito Siya ng Ina Kaysa sa Kaniyang mga Kapatid; Ikagugulat Niya ang Malalamang Dahilan

Ipinagtataka ng Dalaga kung Bakit Paborito Siya ng Ina Kaysa sa Kaniyang mga Kapatid; Ikagugulat Niya ang Malalamang Dahilan

“Ano pa ang gusto mo, anak? Kumain ka pa nang marami,” saad ng kaniyang ina sabay lagay ng panibagong putahe sa kaniyang pinggan.

“M-mama, okay na po ako. Kaya ko na po, salamat po,” agad namang pigil ni Trish sa kaniyang ina.

Ramdam niya ang masasamang tinging ipinupukol sa kaniya ng kaniyang mga kapatid na hanggang ngayon ay pawang mga hindi pa nagsisimulang kumain. Bakas ang disgusto sa kanilang mukha, dahil sa labis na pag-aalalang ipinapakita sa kaniya ng kanilang ina.

Bata pa lamang sila ay ganito na silang tratuhin nito. Siya ang panganay sa kanilang magkakapatid, ngunit kung ituring siya ng ina ay parang siya pa ang pinakabata. Siya ang mas inaasikaso nito, ang mas pinagtutuunan ng pansin. Mas mahal, mas inaalagaan at mas binibigyan ng atensyon kaysa sa kaniyang mga kapatid. Kaya naman hindi siya lumaking malapit sa mga ito. Palagi na lamang malayo ang loob nila sa kaniya buhat pa noon, dahil nga sa hindi pantay na pagtrato sa kanila ng ina.

Kompetisyon ang lahat sa kanilang magkakapatid. Imbes kasi na magturingan silang pamilya ay ‘kalaban’ kung ituring siya ng mga ito. Ginagawa nila ang lahat upang maagaw sa kaniya ang atensyon ng kaniyang ina, ngunit kailan man ay hindi naman sila nanalo sa kaniya.

Isang malaking palaisipan din para kay Trish ang tungkol doon. Noon pa man ay itinatanong na niya sa sarili kung bakit tila walang pakialam ang ina sa iba pa nitong anak dahil kung umasta ito ay parang nag-iisa lamang siya.

Isang araw, pagkagaling ni Trish sa opisina ng kaniyang yumaong ama kung saan siya ang nagpapatakbo ng kompaniya ay hindi sinasadyang narinig niya ang pagtatalo ng kaniyang ina at ng kaniyang mga kapatid…

“Naiinis na ako sa inyo, mama. Masiyado n’yo na yatang bini-baby ang anak na ’yon ng asawa n’yo! Hindi n’yo na kami maasikaso kapag nariyan siya sa tabi n’yo,” inis na sabi ng isa sa mga ito na agad namang inalo ng kaniyang ina.

“Alam n’yo namang siya ang nag-iisang tagapagmana ng papa n’yo sa last will and testament, kaya nga simula pa noong bata siya ay labis ko nang kinuha ang loob niya. Hindi maaaring hindi tayo ang makinabang sa lahat ng kayamanan ng asawa kong ’yon!” sagot naman ng kaniyang ina na ikinapanlaki ng mga mata ni Trish!

“Huwag n’yo ngang tawaging ‘papa namin’ ang asawa n’yo. Alam naman nating lahat na hindi niya kami anak. Si Trish lang naman ang walang alam tungkol doon,” inis na sabi pa nito sa ina.

Natutop ni Trish ang kaniyang sariling bibig. Nabigla siya sa narinig. Totoong wala siyang alam tungkol sa pinag-uusapan ng mga ito, dahil nang dumating siya sa pinas mula sa pag-aalaga ng kaniyang lola sa ibang bansa ay nasa buhay na nila ang mag-iinang ito. Ang buong akala ni Trish ay ito ang talagang nanay niya, dahil masiyado pa siyang bata nang makilala niya ito. Sabi kasi ng papa niya ay talagang kinuha lang siya ng lola niya upang alagaan dahil nalulungkot itong mag-isa sa ibang bansa.

Matapos sumakabilang buhay ang kaniyang ama ay ang kaniyang ‘ina’ na ang siyang nag-alaga sa kaniya kaya naman simula noon ay naging labis na malapit siya rito. Hindi naman niya inaasahan na ganito pala ang dahilan kung bakit ‘paborito’ siya nito sa kanilang lahat.

Hindi napigilan ni Trish ang maluha. Labis siyang nasaktan sa nalaman, ngunit minabuti niyang tigasan ang kaniyang loob at ipaglaban ang kaniyang sarili. Hindi niya hahayaang saktan siya ng mag-iinang ito, kahit pa labis naman niya silang minamahal.

Agad na nakipag-usap si Trish sa kanilang abogado at doon ay nalaman nga niya ang totoo. Matagal na pala itong tinatakot ng kaniyang ‘ina’ na pinagkakautangan nito ng loob, kaya naman hindi ito nagsalita sa loob ng mahabang panahon.

Ganoon na lang ang gulat ng kaniyang ina nang malaman nitong alam na niya ang buong katotohanan, maging ang tangka nitong pag-angkin sa lahat ng kaniyang mga ari-arian. Sinubukan pa nitong makiusap sa kaniya na huwag silang paalisin sa mansyon na tinitirhan nila at huwag niyang kunin sa kanila ang maganda nilang buhay, ngunit alam ni Trish na hindi niya mapagkakatiwalaan ito kung pananatilihin niya ito sa tabi niya. Sa huli ay binigyan na lamang niya ang mga ito ng isang kumportableng titirahan at ng perang pang-umpisa ng bagong buhay bago niya tuluyang pinutol ang koneksyon niya sa kanila.

Advertisement