Inday TrendingInday Trending
Inggit na Inggit ang Babaeng Ito sa Kaniyang Pinsan kaya naman Gumawa Siya ng Paraan Upang Sirain Ito; Sarili Niya lang pala ang Kaniyang Ipapahamak

Inggit na Inggit ang Babaeng Ito sa Kaniyang Pinsan kaya naman Gumawa Siya ng Paraan Upang Sirain Ito; Sarili Niya lang pala ang Kaniyang Ipapahamak

Noon pa man ay inggit na inggit na si Coline sa kaniyang pinsang si Janine. Bata pa lamang sila ay narito na ang lahat ng papuri at atensyon ng kanilang mga kaanak dahil sa angkin nitong talino at ganda. Manang-mana ito sa mama nito na kapatid naman ng kaniyang ama. Mayroon itong magandang mukha, makinis, maputi at pinong balat at balingkinitang katawan na talaga namang pinag-aagawan ng iba’t ibang modeling agency. Ngunit bukod doon ay labis talagang kinamamanghaan ng lahat ang makapal, mahaba at itin na itim nitong buhok na natural ang pagkakakulot sa bandang dulo. Singlambot iyon ng bulak at napakadulas na animo lagi iyong ipinaaalaga sa salon, gayong natural na talagang ganoon kaganda ang buhok nito.

Ganoon pa man, ilang taong nagtiis si Coline na maging anino lamang ng dalaga, dahil dadalawa lang naman silang babae sa kanilang pamilya. Ngunit nito lamang nakaraan, nang maging nobyo ni Janine ang lalaking matagal nang minamahal ni Coline nang palihim ay napuno na siya.

“Hindi ko na kayang maging anino lang ni Janine! Inagaw na niya ang lahat sa akin, wala na siyang itinira!” hiyaw ni Coline sa sarili habang nasa loob siya ng kaniyang silid at umiiyak matapos niyang malamang wala na siyang pag-asa sa binatang tinatangi. “Bakit ba lahat na lang ay napupunta sa babaeng iyon? Maganda na siya, seksi, matalino, pagkatapos, pati ang lalaking gusto ko ay napunta pa rin sa kaniya?” Humarap si Coline sa malaking salamin sa kaniyang kuwarto at hinaplos ang sariling buhok. “Bakit ba kasi hindi man lang napunta sa akin kahit katiting na kagandahan niya?”

Punong-puno ng inggit ang damdamin ng dalaga. Dahil doon, nang mga sandaling ’yon ay hindi niya naiwasang makaisip ng hindi magandang ideya, lalo na nang bigla siyang mapalingon sa bukas na telebisyon sa kaniyang silid kung saan ipinapalabas ang isang patalastas tungkol sa isang epektibo raw na hair removal cream.

Napangisi si Coline sa ideyang kaniyang naisip. Kung talagang hindi niya kayang maging magandang katulad ni Janine, bakit hindi na lamang ito ang gawin niyang pangit?

“Janine, p’wede ba akong maki-sleep over sa inyo mamaya? Gusto ko kasing magpaturo sa ’yo sa isang subject dahil nahihirapan ako,” nang araw na ’yon ay tanong ni Coline sa kaniyang pinsan.

“Oo naman. Nakapagpaalam ka na ba kina tito?” Tinanguan niya ang tanong na iyon ni Janine at dahil doon ay nagkasundo silang sabay na lamang na uuwi mamaya.

Balak niyang isagawa na ngayong gabi ang plano. Tiniis niya ang ilang oras na kasama ito habang matiyaga siya nitong tinuturuan sa subject na totoo namang nahihirapan siya. Hinintay ni Coline ang magandang pagkakataon para mailagay niya ang binili niyang hair removal cream sa bote ng shampoo nito, bago siya matulog nang gabing ’yon.

“Tingnan natin kung magustuhan ka pa rin ng nobyo mo kapag nakita niyang kalbo ka na, Janine,” nakangisi pang sambit ni Coline sa sarili bago siya tuluyang nahiga sa kama ng pinsan at nagpahinga.

Napasarap ang tulog ni Coline. Masiyado siyang kumportable sa pagkakahimbing kagabi, dahil ipinaubaya sa kaniya ng pinsan ang silid nito at doon ito natulog sa kabila upang bigyan siya ng privacy. Dahil doon ay tinanghali siya ng gising at huli na nang maalala niyang ngayong araw pala ang photoshoot niya sa pinakaunang modeling job kung saan siya natanggap!

Masiyadong naging okupado ng inggit ang kaniyang isip, kaya naman nakaligtaan niya na ang tungkol doon. Matagal na niyang pinapangarap na maging model katulad ng pinsan ngunit ngayon lamang siya pinalad sa nasabing larangan, pagkatapos ay male-late pa siya!

Dahil doon ay nagmadali siya. Agad siyang nagtungo sa banyo ng kwarto ni Janine at doon ay naligo na siya. Ngunit nasa kalagitnaan na siya ng paliligo nang bigla na lamang niyang mapansing unti-unting nanlalagas ang kaniyang buhok…huli na nang maalala niya ang tungkol sa hair removal cream na inilagay niya sa bote ng shampoo ni Janine kagabi!

Iyak si Coline nang sa paglabas niya ng banyo ay nakita niyang wala na siyang natitirang kahit isang piraso man lang na buhok. Napahiyaw pa siya, kaya naman dali-dali siyang dinaluhan ni Janine at ng mga magulang nito at maging sila ay nagulat nang makitang kalbo na siya! Karma ang napala ni Coline sa tangkang paggawa niya ng masama sa pinsan dahil sa sobrang inggit. Ngayon ay labis na siyang nagsisisi dahil natutunan na niya ang kaniyang leksyon.

Advertisement